MAHIRAP ISPILENGIN ANG buhay kung minsan. Pagkatapos siyang husgahan at lait-laitin ng marami dahil sa isang hindi sinasadyang pagkakamali sa kanyang programa kaugnay sa pagpanaw ng dating Pangulong Cory Aquino ay tanungan naman nang tanungan ngayon ang mga kababayan natin kung kailan babalik sa Wowowee si Willie Revillame?
Naalala tuloy namin ang tanong ng isang aktor nu’ng minsan malasing ito, “Bakit ganu’n ang mga tao? Kapag maganda ang relasyon ng mga artista, paghihiwalay ang inaabangan nila?
“Pero pagkatapos namang magkahiwalay, ang inaabangan na nila, kung kailan naman magkakabalikan? Saan ba kami lalagay?” madulas ang dilang tanong ng lasing na aktor.
Nu’ng nakaraang linggo ay hinagupit si Willie ng nagsasalimbayang mala-latigong paghusga ng bayan, bastos daw ang aktor-TV host, dahil hindi man lang niya nagawang irespeto ang bangkay ng isang dating pangulo.
Noon pa naman namin sinasabi, hindi maaasahan kay Willie Revillame ang klase ng pagsasalita ng isang lumaki sa kolehiyo, laking-kalye ang TV host, kaya maganda man ang kanyang intensiyon ay kabaligtaran nu’n ang rumerehistro sa manonood dahil sa pabarubal niyang pagbibitiw ng mga salita sa ere.
Sabi nga sa mga tindahan sa probinsiya, “Your credit is good, but we need cash.”
Maganda ang kanyang intensiyon, wala siyang anumang hangad na bastusin ang dating lider na malapit sa kanyang puso, kaibigan niya ang pamilya at hindi si Willie ang makasisikmurang bastusin ang mga taong mahal niya.
Nagpaliwanag agad siya kinabukasan, sinabi niya na ang ayaw lang niyang lumabas ay nagsasaya pa sila sa loob ng studio habang nagluluksa ang buong bayan dahil sa pagpanaw ni Tita Cory, may naging pagkukulang si Willie sa puntong ‘yun.
SA pag-aakala niyang hindi lalawak at lalalim ang simple niyang saloobin ay nakaligtaan niyang sabihin sa ere na nagkaroon na ng insidente bago pa sila nag-show nang live nu’ng tanghaling ‘yun.
Sana’y nasabi ni Willie na nakiusap na siyang huwag magsingit ng mga kaganapan sa funeral rites bago sila nag-show, pero ginawa pa rin ‘yun ng traffic division ng network, kaya napilitan na siyang magsalita sa himpapawid.
‘Yun kasi ang totoong nangyari, sa taping pa lang ay nakiusap na siya, pero nagkarga pa rin ang istasyon ng mga eksenang sa panlasa ni Willie ay hindi magiging maganda dahil taliwas ‘yun sa pambansang emosyon ng sambayanan.
Sa hindi niya kagandahang pagsasalita hinusgahan si Willie, ipinako siya sa krus ng paghusga, sinamantala naman ‘yun ng mga taong matagal na siyang gustong makitang nakatihaya dahil kinabog niya at ng kanyang show ang mga programang naghahari-harian noon sa rating.
Lumaganap ang kampanyang negatibo tungkol sa kanya, pinagpipistahan siya sa internet, hanggang sa pati ang MTRCB at ibang organisasyon ay pumasok na rin sa eksena at kinontra ang kanyang ginawa.
NU’NG NAKARAANG SABADO ay hindi nag-show si Willie, kung darating na siya ngayon sa Wowowee ay wala pang nakakaalam, maraming nagpapalagay na sinadyang huwag mag-show ni Willie dahil ang pakiramdam niya’y wala siyang kasama sa laban.
Galit nang nagpahayag ang kanyang direktor na si Mr. M, sinabi nito na dapat ay noon pa nagpalabas ng official statement ang network na hindi si Willie ang may kasalanan at naging reaksiyonaryo lang ang TV host, pero hanggang ngayon ay wala pang ginagawang pagkilos ang istasyon para isalba si Willie sa galit ng bayan.
Siguradong ang tanong ngayon ni Willie ay nasaan na ang esensiya ng palaging isinisigaw ng ABS-CBN na Kapamilya, naramdaman ba ‘yun ni Willie habang ginigisa siya ng bayan, nagkaroon ba ng proteksiyon sa kanya ang ABS-CBN?
Naiisip din siguro ni Willie Revillame, hanggang sa salita lang ba ang pagiging Kapamilya, pero hindi naman ‘yun nagaganap sa totoong buhay?
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin