KAMAKAILAN LANG at kahit hanggang ngayon, hit na hit pa rin ang ALS Ice Bucket Challenge. Pero alam n’yo ba kahit hindi pa natatapos ang kasikatan ng nabanggit na ice bucket challenge, naging trending agad ang MRT Challenge.
Bakit? Dahil noong Biyernes, Agosto 29, naibalita ang pagsakay ng senador na si Grace Poe sa MRT 3. Sa oras na pasado alas-otso nang umaga, sa unang station, North Avenue siya sumakay nang walang mga guwardya na kasama at walang anunsyo mula sa kanyang opisina. Ayon kay Senador Grace Poe, kinakailangan niyang maghintay sa pila nang 40 minuto upang makabili ng ticket. Inabot din ng isang oras at kalahati ang kanyang biyahe mula North Avenue station hanggang Taft station. Dagdag pa ni Grace Poe, ginawa niya ito upang maranasan niya ang pinagdaraanan ng libu-libong Pilipino na sumasakay sa MRT araw-araw.
Maraming Pinoy ang humanga sa ginawa ni Grace Poe. Sabi nila, ganyan ang tamang lider, ipinaparanas sa sarili ang pinagdaraanan ng kanyang pinagsisilbihan. Taong 1999 pa nang nagsimula ang operasyon ng MRT 3 sa bansa pero para bang imbes na umunlad ito nang umunlad habang taon ay lumilipas, kabaliktaran ang nangyayari dahil palala ito nang palala lalo na’t nagiging perhuwisyo pa ito kung minsan. Nito lamang nakalipas na mga linggo, halos 40 katao na sakay ng MRT 3 ang nasugatan nang nawala sa linya ang takbo ng MRT 3. Lumagpas ito sa dulo ng Taft Station at nawala sa riles sanhi ng pagkakatanggal ng pagkakabit nito sa isa pang tren. Makatapos ang ilang araw, napahinto naman ang operasyon ng tren habang nasa Santolan station na dahil kinakailangan ayusin ang tren nang mapansin mas mababa na ang sahig ng tren kaysa sa platform. At siyempre, ang madalas na nangyayari ay ang paghinto ng operasyon sa tren dahil sa diperensya ng MRT 3 mismo.
Kahit maraming mga Pinoy ang natuwa sa ginawa ni Grace Poe, marami pa rin ang dismayado dahil sabi nila sana raw rush hour sumakay si Grace Poe, alas-sais ng umaga. Sana rin daw hindi siya sa unang station sumakay. Dapat sa mga gitnang station para maranasan niya talaga ang hirap ng buhay ng isang pasahero ng MRT 3. Kaya naman nang lumabas ang mga larawan ng pagsakay ni Grace Poe sa MRT 3, dali-daling naging trending ito sa social media sites at pinauso ng mga bagets ang MRT Challenge. Ito ay challenge kung saan hinahamon nila ang mga namumuno sa gobyerno lalo na si President Noynoy Aquino na sumakay sa MRT 3 nang walang guwardya at walang anunsyo na kasama para walang special treatment.
Sana lang talaga mapakinggan ng pamahalaan ang MRT Challenge na ito. Kahit si Grace Poe lang ang dumanas ng hirap sa pagsakay ng MRT at walang pumatol sa pinauso ng mga bagets na MRT Challenge, sana makita man lang ng namamahala ng MRT 3, ang Department of Transportation and Communication, sangay ng gobyerno at Metro Rail Transit Corporation, isang pribadong kumpanya na kaya nauso ang MRT Challenge, para ipatindi sa kanila na kinakailangan na nilang bigyan ng aksyon ang perhuwisyong dulot nito sa milyong pasahero ng MRT 3.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo