ANG RIP na acronym ng Rest In Peace ay kadalasan nating nakikita sa mga lapida at nitso ng mga namatay na tao. Ito mismo ang imunumungkahi ni Senator Grace Poe sa pamunuan ng Metro Rail Transit o MRT. Wala na kasing dahilan pa para ipagpatuloy mag-operate ang isang train system na nagbabanta ng kapahamakan sa mga taong sumasakay rito. Dapat nga ba itong ipatigil? Ano ba ang mga positibo at negatibong epekto ng pansamantalang pagpapasarado sa operasyon ng MRT?
Sa tingin ko ay may punto si Senator Poe sa pagmumungkahing pansamantalang ipatigil muna ang operasyon ng MRT. Siya ay mismong sumakay at tumutok sa problema ng MRT kaya may kakayahan siyang magbigay ng makabuluhan at balidong katuwiran kung bakit dapat na nga munang ipahinto ang operasyon ng MRT.
Komprehensibo ang report na ginawa ng kanyang komite na nagsagawa ng isang Senate inquiry sa malalang problemang kinakaharap ng MRT. Ang rekomendasyon ng committee report ni Poe ay malinaw pa sa sikat ng araw. Ang mga puntos na sumusoporta sa mungkahi niya ay balido, ngunit ang problema ay tila nagbibingi-bingihan na naman ang ating pamahalaan sa panawagang ito. Bakit ba hindi muna ipahinto ng administrasyong Aquino ang MRT sa kabila ng mga kapalpakan at problemang hatid nito sa publiko?
ANG PAMAHALAAN ay nagbabayad ng P57-M buwan-buwan sa kasalukuyang service-maintenance provider ng MRT-3 na APT Global. Lumabas sa pagdinig ng Senado na hindi naman competent ang APT Global na maging service-maintenance provider ng MRT dahil nakikiangkas lamang ito sa isang matagal nang kompanya sa ganitong kalakaran. Kaya hindi magawa at mapanatiling maayos ang MRT dahil wala naman talagang kakayahan ang APT Global ayon sa committee report ng Senado. Lumalabas na nagsasayang lang tayo ng milyun-milyong salapi sa APT Global.
Ngayon ay sinasabi ng DOTC at pamunuan ng MRT-3 na hindi basta-basta mapaaalis ang APT Global dahil wala pang lehitimong kapalit ito. Kaya ang resulta ay buwan-buwang nagre-renew ng kontrata ang APT Global sa pamahalaan. Buwan-buwan din tayong nagbabayad ng P57-M sa kanila. Pera ito na galing sa ating buwis na pinagpaguran nating trabahuhin at napupunta lamang sa wala. Mga lumang riles din lang ang ipinapalit sa mga sirang riles ayon sa huling mga balita sa TV, radyo at dyaryo. Saan napupunta ang P57-M na binabayad sa APT Global kada buwan?
Habang lumilipas ang bawat araw na tumatakbo ang MRT ay lalo itong nasisira. Perhuwisyo sa trabaho ng mga taong sumasakay rito ang dulot nito. Umaasa silang mabilis na makararating sa kanilang mga trabaho, ngunit nale-late sila at minsan ay napaa-absent na dahil sa tumigil na naman ang MRT at wala na silang magawa. Kung tutuusin ay dagdag-parusa lang ang MRT sa mga mananakay araw-araw. Mabuti pang ipasara muna ito para hindi na umasa ang mga mananakay ng MRT na makararating sila sa oras na naiplano nilang makarating sa kani-kanilang trabaho.
SA GINAGAWA ng MRT na nagtitiyaga sa papatse-patseng pag-repair sa MRT-3, inilalagay lamang nila ang buhay ng mga mananakay sa peligro. Minsan nang halos lumipad sa EDSA ang MRT dahil nagluko ito at hindi na nakontrol ng driver, na ikinasugat naman ng maraming pasahero. Buti na lang at walang namatay dahil kung nagkataon ay matagal nang pinasara ang MRT. Pero hihintayin pa ba nating may mamatay rito? Ito rin ang pangamba ni Poe na baka sa susunod na magluko ang MRT ay magresulta ito sa isang trahedya, kung saan ay maraming buhay ang naibuwis.
Ang ginagawa nilang paglalagay lamang ng mga lumang riles at pagkukumpuni gamit ang mga hindi ayon na spare parts ay isang pagsusugal sa buhay ng mga Pilipinong sumasakay rito araw-araw. Mabuti pang magsakripisyo muna ang maraming mananakay ng MRT kaysa magkaroon ng isang trahedyang hindi natin lahat mapatatawad ang pamahalaan kung magkataon. Naging pabaya ang pamahalaan sa pagpapanatiling maayos ang MRT at dapat nila itong tanggapin. Ipahinto muna nila ang MRT at ayusin nang matino ito para magamit ulit, nang siguradong hindi ito maglalagay sa bingit ng kamatayan sa mga tao.
Hindi na rin uubra ang paglilimita ng mga oras ng operasyon nito. Kung ipipilit lang nila ito ay lalong matatagalan ang pag-rehabilitate ng MRT. Noon naman ay nakararating ang mga manggagawa sa kanilang mga trabaho gamit ang mga bus at jeep sa kalye. Kayang ayusin ng mga tao ang oras ng kanilang alis at mag-adjust sa traffic para hind sila mahuli at ma-absent sa trabaho. Pansamantala lamang ang sakripisyong mag-bus at jeep muna habang ipinaaayos ang MRT-3.
IHINTO NA rin dapat ang kontrata sa APT Global dahil nagsasayang lang tayo ng pera buwan-buwan. Puwedeng ipambili na lang ng DOTC ng mga bagong hybrid buses ang P57-M na buwan-buwang ibinabayad sa APT Global at mas makaiibsan ito sa problemang transportasyon kaysa mapunta sa hangin ang pera ng mga Pilipino. Sa ganitong paraan ay maayos ang pagre-rehabilitate sa MRT at hindi pilit na parang umaasa lang tayo sa isang kompanyang matagal na tayong tila niloloko.
Kailangan ng panahon para ayusin ang MRT at kailangan itong ipasarado muna para sa kapakanan, kaligtasan at kabutihan ng mga Pilipino.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo