MADALING MA-IN love pero mahirap masaktan. Famous lines ng lahat ng tao pagdating sa pag-ibig. Pero, kailan nga ba natin matatanggap na sa love, ang saya at sakit ay laging magkasama, kumbaga sa promo, package ‘yan.
Napaka-ironic nga naman… Bakit? Dahil ang mga kapwa ko bagets ay napakadaling ma-in love! Sila iyong mga taong mahirap magpigil at magtago ng nararamdaman sa taong mahal nila. Pero sila rin iyong mga taong hindi marunong mag-handle ng kirot at sakit. Sa bagay, bagets nga, eh. Hindi pa emotionally matured. But wait! Meron pa, ang mga kabataan ngayon, sila iyong taong madaling mahulog at sila iyong taong pumapasok sa isang “special relationship” agad-agad!
Nagtataka ka ba kung ano itong “special” relationship na sinasabi ko? Ito ay ang tinatawag na M.U. o Mutual Understanding.
Ang M.U. ay usong-uso sa mga bagets. Ito iyong ispesyal na ugnayan sa dalawang tao na may parehas na nararamdaman sa isa’t isa. But what makes it special? Kasi once na kayo ay MU, mahal n’yo ang isa’t isa pero wala naman kayong commitment.
Kay hirap naman nito. Sing-labong statement na ito, “parang kayo pero hindi kayo.” Nang dahil sa magulong sistemang MU, nagkaroon na ito ng dalawang ibang kahulugan. Mula sa M.U. na Mutual Understanding na puwede ring sabihing Masayang Ugnayan dahil puro love, love, love at kilig, kilig, kilig ang nangyayari rito, ngayon mayroon na ring M.U. o Malanding Ugnayan at M.U. o Malabong Usapan.
Malanding Ugnayan ang mayroon sa dalawang taong may ugnayan pero nakikipag-ugnayan pa rin sa iba. Iyong tipong hindi sila seryoso sa kung ano man ang mayroon sila at hindi nila sineseryoso ang isa’t isa. Puwede rin itong mahalin tulad sa ating tinatawag sa Ingles na Fling. Oo fling, iyong maganda siya, pogi ka.Type n’yo ang isa’t isa. Sweet-sweetan kunwari. Flirt-flirt lang pala ang hanap, iyon na, M.U. na… agad-agad. Pero makalipas ang ilang linggo, may nakita kang mas maganda sa kanya,wala na, palit na.
Mayroon ding tinatawag na M.U. o Malabong Usapan. Ito ang pinakamasakit na klaseng M.U. lalo na para sa mga taong M.U. o Mahilig Umasa. Ito iyong klase ng ugnayan na almost kayo na, iyong tipong parang kayo na talaga. May tawagan kayo. Sabay kayo umuuwi. Pinakilala n’yo na ang isa’t isa sa mga family and friends n’yo. Malabo ito dahil ang isa sa inyo o worse kayong dalawa, sinasabi na wala pa rin kayong commitment kahit na sa lebel ng mag-boyfriend at girlfriend ang samahan ninyo. Pero hindi mo pa rin puwedeng sabihin na ang status n’yo in a relationship dahil wala nga kayong formal label kumbaga. Ang mas bagay sa inyo, in a complicated relationship.
Kung ang hanap n’yo ay utopian relationship, iyong ugnayan na perpekto. Aba, wala sa love niyan. Dahil masasabi mo lang na pag-ibig iyan kung may halong saya at sakit kayong pagdaraanan. Paano mate-test ang tibay n’yo kung walang challenge na darating sa inyo? Oo nga, madaling ma-in love pero mahirap masaktan. Pero kung handa naman kayong harapin ang bawat problema all in the name of love, ‘yan ang true love.
Tandaan, hindi porke’t the feeling is mutual, love na ‘yan. Hinay-hinay, mga ate at kuya, baka simpleng paghanga lang iyan na madalian ding mawawala.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo