ILANG LINGGO NANG napag-uusapan sa media ang tungkol sa diumano’y napakabagal na pagpo-process ng POEA ng mga exit clearance ng mga OFW. Siyempre pa, ang isang OFW ay hindi makalalabas ng bansa para magtrabaho sa abroad kung wala siyang exit clearance. Lalong uminit ang usaping ito nang isang kilalang manunulat ng isang kilalang diyaryo ang nagreklamo tungkol sa napakabagal na proseso ng pag-iisyu ng exit clearance. Sa kanyang paglalarawan, animo’y isang kalbaryo ang dadaanan ng mga OFW bago makakuha nito.
Sinadya kong kapanayamin si POEA Administrator Carlos Cao, Jr. at narito ang kanyang paliwanag:
Una, ang exit clearance ay itinatadhana ng mga batas at regulasyon at kailangang tupdin ng sinumang bibiyaheng OFW. Naatasan ang POEA na ipatupad ang patakarang ito.
Pangalawa, mahalagang malaman na hindi sagot ng POEA ang lahat ng dapat daanan ng isang OFW para makakuha ng exit clearance. May mga requirement, halimbawa, na nasa labas na ng bakuran ng POEA kaya wala na itong kontrol. Halimbawa rito ang medical examination na hindi saklaw at ‘di kontrolado ng POEA.
Pangatlo, malaki na ang pagbabago sa proseso ng exit clearance. Kumpara sa dating sistema, mas mabilis ngayon. Sa katunayan, sinertipikahan ng ISO ang bagong sistema ng POEA bilang mabisa at mabilis.
Ang reklamo ng manunulat ay agad nang inaksyunan ng POEA. Ngunit ani Admin Cao, ang mga negatibong isinulat ng nagreklamo ay hindi sumasalamin sa kabuuang larawan ng POEA. Sa kabuuan, ang karamihan sa mga aplikante ay nasisiyahan naman sa bagong sistema.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo