NAG-VIRAL sa social media ang very inspiring video interview ng vlogger na si Virgelyncares kay Mura o Allan Padua in real life. Sa isang bulubunduking baryo sa Bicol naninirahan ngayon si Mura pagkatapos niyang mawalan ng trabaho sa showbiz na sinundan pa ng pandemya dahil sa Covid-19 health crisis.
Sa video na napanood namin ay iika-ika at hirap maglakad si Mura. Naaksidente pala siya at matinding naapektuhan ang kanyang kanang hip. Labis na ikinalungkot ni Mura ang nangyari dahil pagkatapos ng aksidente ay hindi na ulit siya nakapagtrabaho sa showbiz.
Kahit hirap maglakad at malayo ang bukid mula sa kanyang tahanan ay tinitiis ni Mura ang pagsasaka araw-araw dahil wala naman daw siyang ibang choice. Ito lang daw kasi ang alam niyang paraan para matulungan ang pamilyang sa kanya umaasa.
Gusto rin ni Mura na makabalik sana sa showbiz pero hindi niya alam kung paano ito gagawin lalo pa nga’t panahon ngayon ng pandemya at nagsara rin ang ABS-CBN kung saan marami siyang TV shows na nilabasan noon.
“Wala na akong trabaho. Medyo mahirap kasi gaya sa akin wala ng trabaho. Siyempre, gusto ko rin makabalik sa pag-aartista. Nagkaroon ng pandemic, mahirap na ako makabalik doon,” bulalas ni Mura.
“Mahirap din ang pagsasaka kasi ang layo ng bukid namin, eh. Pabalik-balik ka du’n. Pilay pa ako. Wala namang katulong si Papa dito. Kinakaya ko na lang din para makatulong.
“Kahit magtanim ng palay pinipilit ko na lang rin minsan para makatulong. Kaya minsan gusto ko pa rin magkaroon ako ng… sa showbiz para kahit papaano makatulong pa rin,” dagdag pa niya.
Naubos na rin daw ang kinita niya noon sa paggawa ng mga pelikula at sa ABS-CBN dahil ibinili niya ito ng tatlong ektaryang lupa sa Bicol.
“Oo! Kasi naubos yung ipon ko no;n, eh. Tapos nu’ng naaksidente pa ako nu’ng 2010 doon ako nagsimulang mawalan ng work. Nabali yung hip ko. Ayon, nagka-deperensya na sa paglalakad. Kaya pilay-pilay ako,” pagre-recall pa niya.
Naikuwento rin ni Mura na papasok sana siya sa Kapamilya series na FPJ’s Ang Probinsyano pero hindi na ito natuloy dahil sa iniidang kapansanan.
Ani Mura, “Dapat nung nakaraan isasama ako sa Probinsyano. Sabi ko, hindi ko na kaya. Sinasama ako dati nung buhay pa si Tito Eddie Garcia. Isasama sana ako. Sabi ko hindi ko na kaya ang mga takbu-takbuhan.”
Nang mag-viral ang interbyu ni Virgelyncares kay Mura ay kaagad naman daw itong ipinahanap ng It’s Showtime host na si Vhong Navarro. Ayon kay Mura, si Vhong ang itinuturing niyang kaibigan sa showbiz. Ilang beses na ring nagkasama ang dalawa sa pelikula.
“Si Vhong Navarro kasi yon ang buddy ko, eh. Lagi kaming magkasama sa pelikula no’n dati. Halos tatlong pelikula ata ang aming pinagsamahan,” sabi pa ni Mura.
As of now ay wala pa kaming balita kung nagkausap na ba sina Vhong at Mura. Kasalukuyang nasa ECQ status naman ang NCR kaya malabo ring magkita sila nang personal ng comedian/TV host.