BUKOD SA LaBoracay o Labor Day Weekend sa Boracay, ano pa nga ba ang dapat abangan ngayong buwan ng Mayo? Kay bilis nga ng mga araw, parang kailan lang katatapos lang ng fourth quarter at second semester sa eskwela, tapos ngayon Mayo na.
Nakakasiguro naman ako na kayo ay nakapag-outing na kasama ang inyong mga pamilya at kaibigan. Kaya kung hanap n’yo naman ay panibagong karagdagan sa inyong summer bucket list, mukhang alam ko na ang kasagutan diyan. At iyan ay wala na ngang iba kung hindi ang Wanderland 2014.
Kinahuhumalingan ng mga bagets ngayon ang pagdalo sa iba’t ibang parties partikular na nga ang gaya ng mga music festival parties. Pumatok sa mga kabataan ang naganap na 7107 International Music Festival noong buwan ng Pebrero. Naging in din sa kanila ang katatapos lang na Close Up Forever Summer 2014 noong nakaraang buwan lamang ng Abril. Kaya kampante ako na ang susunod na music festival na Wanderland 2014 ay magiging hit na hit sa kanila. Paano ko nga ba nasabi ito? Simple lang. Bakit pa nagkaroon ng 2014 sa titulo ng music fest na ito? Malamang may Wanderland 2013 na naganap. Sa tingin n’yo, bakit nagkakaroon ng part two o sequel ang mga pelikula? Dahil siyempre, tinangkilik nang husto ng mga tao ang part one nito.
Kaya gaya ng pelikula na may mga part two o sequel, ang Wanderland 2013 ay naging matagumpay. Dinaluhan ito ng maraming tao lalo na ng mga kabataan na hipsters. Sila ‘yung mga bagets na nagpauso ng flower crowns, cropped top, maxi dress, muscle top para sa mga kababaihan at scarf, snapback, boots, muscle sandos para naman sa mga kalalakihan. Sila rin ang mga tao na mahilig at mahal na mahal ang indie music ng mga indie bands.
Ang Wanderland 2014 ay magaganap sa darating na ika-17 ng Mayo sa Globe Circuit Events Ground, Makati. Magsisimula ito ng 11 ng umaga. Noong nakaraang April 12 lamang, nagkaroon sila ng early bird ticket promo kung saan ang lahat ng bibili ng Wanderland 2014 tickets galing sa SM tickets mula April 12 hanggang April 26 ay makakakuha ng malaking discount at mabibili nila ang ticket sa halagang P3,090.00. Laking tipid ito para sa mga bagets dahil ang regular ticket price ay nasa P4,944.00. Balita ko nga napakarami agad ang bumili ng mga tickets. Kaya nang natapos ang Early Bird Promo, nagkaroon naman ng bagong promo ang organizers ng nasabing music festival, ang Eager Wanderer. Mabibili na lamang sa halagang P3,914.00 ang ticket kapag mabibili ito sa mga araw mula April 27 hanggang May 10.
Para sa mga hipsters nating kaibigan, jampack ang line up of acts ng Wanderland sa taong ito. Ito ay pinangungunahan ng The Drums, ang sinasabing lead act ng music fest na ito. Kasama rin ang The Paper Kites, The Royal Concept, Architecture in Helsinki, Lucy Rose, Last Dinosaurs, Woody Pitney. Pasok din sa listahan ang Franco, Techy Romantics, The Ransom Collective, Brisom, Chocolate Brass. May live art din na magaganap mula kina Anjo Bolarda, Dee Jae Paeste at JP Cuison.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo