[imagebrowser id=247]
MASAYANG IPINAGDIWANG ng UP Alpha Sigma Fraternity ang kanyang ika-50 anibersaryo ng pagkakatag noong Oct. 10 sa Shangrila Hotel sa Makati. Ang naging tampok na bahagi ng pagdiriwang ay ang paghirang kay Manuel V. Pangilinan o MVP bilang pinaka-unang honorary brother sa kasaysayan ng nasabing kapatiran. Pinagtibay ang pagiging fraternity brother ni MVP sa pangalan ng UPASFAA Chairman Doy Vea at President na si Mike Defensor na sinaksihan ng tatlong Lord Chancelor mula sa Diliman, Manila at Los Baños Chapter.
Ang nasabing pagdiriwang ay naging makasaysayan hindi lamang para sa kapatiran kundi pati na rin sa bansa dahil sa pagkakataong iyon ay naganap na nagsama-sama bilang mga magkakapatid ang mga personalidad na nagmula sa iba’t ibang partido pulitikal at ideolohiya. Ayon kay Joel “JQ” Quijano, isa sa mga ginagalang na Masig, ang gabing iyon ay gabi kung saan puwedeng makita ang mga tulad ni Pepe Luneta na masayang nakikipagkwentuhan kina Gringo Honasan. Dagdag ni JQ, ang malalim na pagkakaisa ng kapatiran ang siyang nagtutulay sa puwang na nilikha ng pulitika at paniniwala.
Ayon kay Quijano na isang arkitekto, ang gabing iyon ay hindi lamang gabi ng Masig kundi gabi ng Unibersidad ng Pilipinas sapagka’t ang karangalang makasama ang isang MVP sa kapatiran ay nabigyang-halaga sa pamamagitan ng pagkilala sa layunin ng kapatiran na mapagsilibigan ang unibersidad na kanyang pinagmulan. Marami ang napahanga sa talumpati ni MVP sa harap ng kanyang mga bagong brods na tunay namang tumagos sa lahat ng nakikinig na bagama’t isang Atenista, naiparamdam niya ang lalim ng pakikiisa sa malaya, makabayan at progresibong kamalayan ng mga Masig.
Ang bawat brod ay umuwing baon ang dangal na maging kauna-unahang honorary brod si MVP, dagdag ni Quijano. Ang P5 milyong tulong na ibinigay ni MVP para sa UP Alpha Sigma Alumni Foundation ay lalo pang magpapatibay sa pangkabuuang adhikain ng fraternity na patuloy na maging sentro ng ekselensiya ang UP ng bansa. At higit pa rito, ang pagiging brod ni MVP ang siyang magbibigay-inspirasyon sa mga batang henerasyon at magtataas ng pamantayan ng pagiging Alpha Sigman.
Ang gabi ay hindi matapos-tapos dahil sa sigaw ng pagbubunyi na nagsasabing “Mabuhay si Brod MVP! Mabuhay ang UP Alpha Sigma Fraternity!
Photos by: Nico Geronimo
Premiere Shots
Pinoy Parazzi News Service