My Way

NAPABALITA KAMAKAILAN na sa Surigao del Norte may ‘sang teenager ang nabaril at napatay ng isang CAFGU habang pa-sintunadong umaawit ng “My Way” sa ‘sang karaoke bar. ‘Di ito unang pangyayari. Naging kasabihan na delikado ang pagkanta ng awitin sa isang mausok at maingay na bar lalo na kung boses mo ay paos o sintunado. Anong uri ng kultura natin ito?

May halos na katulad na kultura sa U.S. Mga mag-aaral sa mga eskwela buong kabaliwang pinapatay ng mad or deranged killers sa walang kadahilanan. ‘Di lamang sa mga paaralan nangyayari ito. Sa crowded malls at theaters binabaril din ang mga civilians.

Sa Lebanon, Iraq, Israel at iba pang Middle East countires, araw-araw na halos ang pangyayaring ito. Ambush, hagisan ng granada, massacre sa mga civilians na nadadamay ang turista ay malagim na kaganapn din. Ang dugo ni biblical Cain ay parang nakatatak sa kanilang mga noo para buong kabaliwang pumaslang, pumatay.

Wika ng aking salbaheng barbero, kailangan daw ang mga pamamaslang na ito para ‘di maging labis na matao ang mundo. Sa 2016, ang ating populasyon ay papalo ng 100 milyon. Parami nang parami tayo subalit ‘di dumarami ang pinagkukunan ng hanapbuhay at oportunidad. Kaya 30% sa atin ay alipin ng ibayong paghihirap at gutom.

Saan nag-ugat ang kulturang “My Way”? Aaminin ko na nu’ng aking kabataan, laman din ako halos araw-araw ng mga bars at night clubs. Kasama raw ang karanasan ito sa pagtuklas sa buhay at kahulugan nito. Ngunit nu’ng panahong ito ‘di pa pinatanyag ni singer Frank Sinatra ang “My Way”.

Rock-n-Roll, cha-cha, boogie at salsa ang mga pangunahing awitin at sayaw noon. May paminsan-minsan na kundiman at old classics ang sisikat. Ngunit wala pang suave ballad kagaya ng “My Way”.

Wika muli ng salbahe kong barbero: Kung galit ka sa biyenan mo, imbitahin mo sa isang bar at paawitin ng “My Way”.  Sigurado, bawi ka na. He, he, he.

SAMUT-SAMOT

 

NGAYONG PAPALAPIT na ang Pasko, kalat uli sa mga pangunahing lansangan sa Kamaynilaan ang mga Badjao at Aeta na namamalimos. Nakahahabag ang kanilang tanawin: halos walang saplot, madusing at tila may mga sakit. Wala bang paraan ang DSWD sa taon-taong problemang ito? Sila ay mga tao rin, nilikha ng Diyos at may karapatan sa kumportableng buhay. Pababayaan na lang ba nating mamatay sila nang dilat? ‘Di ba Kristiyano ang ating bansa?

IPINAHAYAG NA si Councilor Lou Veloso ang ka-tandem ni Manila Mayor Lim sa kanyang re-election bid. Buti natauhan si actor Cesar Montano na napabalita na makakasama ni Lim. Kung babasehan ang mga surveys, run-away tandem si Erap-Isko laban kina Lim. ‘Di na dapat bumatikos pa si Erap. Ang kahabag-habag na naging kapabayaan ng Maynila ang isyu. Mabaho, madumi, ma-trapik, laganap na krimen, bagsak na negosyo: ito ang binubuno ng Manileño ngayon. Ang Erap-Isko team ay magdadala ng pag-asa sa Manileño.

ISANG MATALIK na kaibigan sa media ang sasabak sa pulitika. Sabi ni very popular ABS-CBN TV host at anchor Sol Aragones, “’Di niya matatalikuran ang tawag ng paglilingod sa bayan.” Si Sol ay tatakbo bilang kongresista ng Laguna 3rd district sa umbrella ng UNA. Nu’ng nakaraang Sabado, official siyang pinoroklama ng partido sa isang malaking rally sa San Pablo City. Ano ang tsansa ni Sol? Kayod, kayod at kayod dahil sa malakas at well-entrenched ang kalaban na suportado ni P-Noy. Ngunit malaki ang posibilidad ng kanyang panalo. Sawa na rin ang mga taga-3rd district ng lalawigan sa pamamahala ng incumbent. May mga alingasngas ding kumakalat tungkol sa kanya. Si Sol ay suportado ni dating Pangu-

long Erap at incumbent Laguna Gov. E.R. Ejercito.

SA ISANG pakikikipag-usap ko kay Sol, tinanong ko siya kung gaano desidido sa pagtakbo. Opinyon ko kung manipis ang kanyang resources at mahina ang organisasyon, bundok ang kalaban. Maaaring

mababa munang posisyon ang puntiryahin. Sa 2016, baka hinog na hinog na siya. Ako’y taga 3rd district at alam ko sa harap at loob ang klima ng pulitika rito. Subalit, mukhang desidido ating kaibigan.

MAINIT NA nagsalpukan kamakailan sina Senate President Juan Ponce Enrile at Sen. Tony Trillanes IV tungkol sa back-channelling efforts ng pamahalaan sa Spratley at Scarborough issues. Napag-alaman na inatasan diumano ng Palasyo si Trillanes na gumawa ng backdoor efforts sa Chinese government para sa ikalulutas nang mapayapa ang isyus. Labing-limang beses na nagtungo si Trillanes sa China at nakipag-usap sa ilang grupo. Ang ikinagalit ni Enrile ay kung bakit ‘di ito alam ng liderato ng Senado at walang ulat sa pinag-usapan si Trillanes sa bayan. Bukod pa rito, ano raw credentials o qualifications ng senador para magsagawa ng sensitibong misyong ito. Salpukan ng maaanghang na salita hanggang nag-walk out si Trillanes nang basahin na ni Enrile ang Bradley report. Sana’y maayos ang sigalot ng dalawa sapagkat masamang itsura sa international community ang pangyayari. Tigilan na rin nila ang palitan ng putik.

WALANG NAGWAGI sa away ng dalawa. Bayan ang talo. Senyales din ito na walang direksyon ang ating panig sa paglutas ng problema. Si P-Noy ay indecisive leader. O, ‘di kaya talagang ‘di pa hinog. Kailan pa? Tatlong taon na lang sa puwesto. Pareho pa rin ang ating kalagayan. Lalong dumarami ang naghihirap. ‘Yong mga surveys ay puwedeng aregluhin. Ang mahalaga kung may kakaining tatlong beses isang araw ang milyun-milyong dukha.

BANGAYAN DIN sa pamunuan ng PDEA. ‘Di malaman ng publiko ang paniniwalaan. Mabibigat na akusasyon ng korapsyon at kotong sa isang sensitibong ahensiya na nagunguna sa pagsugpo ng drug trafficking. Bakit ganito? Dahil kaya sa isang mahinang liderato?

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleImpormasyon—Para Makatipid ng Panahon
Next articleKarapatan sa Paggamit sa Apelyido ng Ama

No posts to display