IKINABIGLA ng lahat ang biglaang pagpanaw ng komedyanteng si Mahal noong August 31, 2021. Aktibo pa kasi ito sa pagpopost ng mga vlogs nila ng close friend/partner na si Mygz Molino at nakipag-reunion pa ito sa kanyang dating onscreen partner na si Mura, na dinalaw pa niya sa Bicol weeks before she passed away.
Nagsalita na sa wakas si Mygz Molino sa pamamagitan ng kanyang vlog noong Sabado, kung saan ibinahagi niya ang final moments ni Mahal, na nakatira noon sa bahay nina Mygz sa Batangas.
Ayon sa binata, dinamdam ni Mahal ang pagpanaw ng kanyang ama noong August 5. Hindi ito nakadalaw sa burol ng ama dahil nagkataon naman na in-implement ang Enhanced Community Quarantine o ECQ sa Maynila.
“Tahimik at minsan bigla na lang magsasalita tungkol sa papa niya. Dinamdam ni Mahal ang pagkawala ng papa niya,” pag-alala ni Mygz.
Noong August 25 ay nag-umpisa nang makaranas ng sintomas ng COVID-19 si Mahal. Nagkaroon ito ng ubo at high fever. Pinainom siya ng mga gamot tulad ng cough syrup at paracetamol at may pending COVID-19 test. Mula August 28 hanggang 30 ay mukhang magaling na si Mahal at hindi na nagpapakita ng sintomas.
Ang kaso, si Mahal mismo ang naging mailap sa mga kaanak at mas gustong mapag-isa na lang sa kuwarto.
“Inisip ko po talaga masyado lang niya pong dinamdam ang pagkawala ng papa niya, at yun po yung nakapagbigay sa kanya ng stress, pag-iisip niya,” lahat ng binata.
By August 29 ay nanumbalik daw ang symptoms, pero ayon daw kay Mahal ay may panlasa pa rin siya at hindi naman daw masama ang kanyang pakiramdam.
“Minsan nga po sinubukan na may ipakain sa kanya na hindi niya alam kung ano iyon. Nahulaan naman po niya. So, kampante po ako. Sabi ko nga po, hindi ito COVID,”
Noong August 30 ay humingi na ng tulong si Mahal sa kanyang manager dahil nahihirapan na raw ito sa kanyang plema. Nakarating naman ang mga gamot at ininom ni Mahal. Dito na rin nag-umpisa si Mygz na mag-reach out sa iba pang kaanak ni Mahal.
Early morning ng August 31 ay inihanda na ni Mygz at ng manager ni Mahal ang oxygen supply dahil in-anticipate na nila na baka matagalan bago sila ma-accommodate sa ospital.
Unfortunately, pagdating ng ospital ay sinabihan sila ng doktor na ’50-50′ na ang kalagayan ni Mahal.
“Nagsabi nga po yung doktor 50-50 na nga po si Mahal. That time po kasi, lutang na ako, hindi ko na po alam kung ano yung mangyayari. Ayoko naman pong mag-isip ng negative, eh. So, hindi ko po muna pinakinggan yung sinasabi ng doktor,” pagkuwento ni Mygz.
Pagkatapos ng ilang oras, Mahal was declared dead due to “severe acute respiratory distress syndrome, secondary to COVID-19.”
Maluha-luha ang binata na nagbigay ng kanyang final message para kay Mahal.
“Alam ko na masaya ka na ngayon dahil kasama mo si Papa dahil sabi mo nga, hintayin ka ni Papa. Pero ngayong sumama ka na sa kanya, alam kong masaya ka na. Ang dami mong mga alaala na iniwan sa amin, sa akin.” pagtatapos ni Mygz.