KINUMPIRMA NI Mylene Dizon sa presscon ng pelikulang Aparisyon nu’ng nakaraang Huwebes, July 12, na nauwi na pala sa break-up ang dalawang taon din nilang relasyon ni Ira Cruz, gitarista ng bandang Bamboo. Dati nang naging mag-boyfriend, bago nakarelasyon si Paolo Paraiso, kung saan nagkaroon ng dalawang anak si Mylene, si Ira rin ay naging boyfriend ni Phoemela Barranda bago ito nakabalikan ng aktres.
March nang taong ito nang magdesisyong maghiwalay sila ng landas ng ex-boyfriend. Ayon kay Mylene, may mga bagay silang ‘di pinagkasunduan ni Ira kung kaya’t nagdesisyon na lang sila pareho na tapusin na ang kanilang relasyon.
Kinumusta din namin ang samahan nila ni Paolo at ang arrangement nila pagdating sa kanilang mga anak, ikinuwento sa amin ng aktres na wala silang problema ni Paolo pagda-ting dito, kung saan malaya nitong nadadalaw at nakakasama ang mga bata.
Biniro rin naming baka sa bandang huli pala ay sila pa rin ni Paolo ang magkatuluyan, siniguro sa amin ni Mylene na malabo na itong mangyari dahil sinubukan na nilang dalawa na i-workout ang kanilang pagsasama, pero huli ay hindi pa rin talaga sila magkasundo.
Sa ngayon, ine-enjoy ang pagiging single kung saan malaya siyang nakapagbibiyahe mag-isa, nakakalabas kasama ang mga kaibigan, sa kabila nito ay hindi naman nagsasarado si Mylene sa tawag ng pag-ibig. Hindi nito itinago sa amin na magku-kuwarenta na siya at ayaw niyang namnamin ang mga ‘di magagandang pangyayari, kundi mga positibo lang na kaganapan sa kanyang buhay.
Napaka-challenging para kay Mylene ng role niya bilang Sister Remy sa Aparisyon, kung saan naganap ang nasabing istorya sa panahon ng Martial Law at kung ano ang papel na ginampanan ng mga madre sa panahon na ito. Kasama ang mga kapwa mahuhusay na aktres tulad nila Jodi Sta. Maria, Racquel Villavicencio, Dr. Rustica Carpio, Prof. Fides Cuyugan-Asencio, ang Aparasiyon ay sa direksyon ni Vincent Sandoval at kasama sa Final 10 ng Cinemalaya.
SA PRESSCON ng The Healing ng Star Cinema na ipalalabas sa July 25, inamin ni Gov. Vilma Santos na gustung-gusto niyang gumawa ng indie film at teleserye, kung saan naiinggit nga siya sa mga kapwa artista tulad nina Christopher de Leon at Dawn Zulueta. Pero gustuhin man niya, may mga responsibilidad siya bilang public servant ng Batangas na alam niyang dapat niyang unahin.
Una sa prayoridad ang pamilya, ang serbisyo sa mga nasasakupan at pa-ngatlo ang kanyang career, pinagpapasalamat ni Gov. Vi na ang Star Cinema ang nag-adjust sa schedule niya, kung saan ang shooting ng The Healing ay binase sa availability niya.
Inamin din ni Gov. Vi na mayroon na pala siyang Twitter account, pero nanatiling tikom ang bibig ng Star For All Seasons sa kung ano ang kanyang Twitter account. Ayon kay Gov. Vi, nagbubukas siya ng kanyang Twitter account paggising niya at bago siya matulog, nababasa niya rin ang bashers ng ibang mga artista kung saan nasasaktan siya para sa mga ito. Tanggap na ‘di mo puwedeng kalabanin ang modernong teknolohiya, pero naniniwala siya na bawat isa ay dapat maging responsable sa paggamit nito.
Papuri ang binitawan kay Kim Chiu na gu-maganap na anak niya sa The Healing, para sa aktres ay propesyonal si Kim, malayo ang mararating nito sa showbizness dahil bukod sa mahusay sa kanyang ginagawa ay basta mabigyan lang ng tamang roles at proyekto, alam niyang may lulugaran sa industriya.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA