“LET IT go, let ito go…”
“Do you wanna build a snowman?”
Hindi ‘yan ang theme song ng Maleficent kundi ng Frozen. Ang Disney film na Frozen na nga ang maituturing na pinakatumatak sa lahat ng Disney films lalo na sa mga bagets ng henerasyon ngayon. Ang daming tinamaan maging mga feeling bagets. Bakit? Dahil hindi naman kinailangan ni Elsa ng prince charming para sumaya. “You can’t marry a man you just met” ‘ika nga ni Elsa sa kanyang kapatid na si Ana.
Ito rin ang linya na sapul na sapul para sa mga kuwentong pag-ibig ng karamihan sa bagets ngayon. Paano ba naman, mga kabataan ngayon, makatabi lang sa jeep, magkatinginan, magkapalitan ng ngiti, in love na agad-agad! Nasaan ang love doon? Sige nga.
Binago rin ng Frozen ang mentalidad na kailangan ng kababaihan ng prince charming upang maging ligtas sa kapahamakan. Sa katunayan pa nga, si Elsa na isang reyna at isang babae, ang sumagip sa kanilang kaharian. Kaya naman hindi kataka-taka na tinangkilik ng maraming tao sa buong mundo ang Frozen dahil nirerepresenta nito ang reyalidad sa buhay, maging ang makabagong babae.
Matapos ang pamamayagpag ng Frozen sa sinehan, isang panibagong Disney film ang sumunod, at ito ang Maleficent. Laking hamon nito para sa Maleficent dahil kinakailangan nila na hindi man malagpasan pero mapantayan man lang ang tagumpay ng Frozen sa lahat ng aspeto kasama na roon ang kagandahan ng storya.
Para sa mga hindi pa nakapanood, huwag kayong mag-alala hindi naman ako spoiler. Bibigyan ko lamang kayo ng patikim sa pelikulang Maleficent. Ang nasabing pelikula ay may kakaibang atake. Sa pagkakataong ito, ang kontrabida na si Maleficent ay siya ring bida ng istorya. Nakapapanabik, hindi ba? Bonus pa rito ang pagganap ni Angelina Jolie sa role ni Maleficent kaya naman aasahan mo talaga na maganda ang pelikula.
Hinaluan din ang Maleficent ng kuwento ni Sleeping Beauty. Sa kuwento ng Maleficent, sinumpa niya ang anak ng hari na sa kanyang pagsapit ng ika-16 na kaarawan, matutulog siya habang buhay. Ang makapagpapawalang-bisa lang ng sumpa ay ang kapangyarihan ng true love kiss. Nilayo ng hari ang kanyang anak sa isang lugar na hindi siya matatagpuan ni Maleficent at wala siyang makakahalubilo na tao maliban lang sa kanyang bantay na tatlong fairies.
Kung iisipin, walang nakapalagayan ng loob ang anak ng hari sa kanyang pamamalagi sa tagong lugar, paano kaya siya maililigtas sa sumpa? Sa katunayan, nasundan pa nga siya ni Maleficent at binantayan mula sanggol at hanggang sa umabot ng edad na 16 para hindi makaligtas sa sumpa. Kung ganito ang mga kaganapan, paano na? Ano naman ang hiwaga sa kuwentong Maleficent? Basta ako, alam ko na ang sagot. Pero dahil alam ko ring marami pa ring hindi nakapanood ng Maleficent, ito na lang ang sasabihin ko: Na-frozen ako ng Maleficent at wa-epek ang true love’s kiss n’yo. Anyare? Aba nood-nood din. Bawal spoiler.
Ang Disney films ngayon ay hindi na lang para sa mga bata kundi para na rin sa ating mga bagets na matured na kung mag-isip. Ang aral sa pelikulang Frozen at Maleficent ay ibang-iba na kung ikukumpara sa mga naunang Disney films gaya ng Snow White, Little Mermaid at Mulan. Ipinapaalala na sa atin ng Disney na sa totoong buhay wala naman talagang fairy tale, wala naman ding overnight happily ever after. Tayo ang responsable sa sarili nating kasiyahan at ito ang pinatunayan ng Frozen at Maleficent.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo