HINDI MAGDEDEMANDA ANG mag-inang Lydia Bitangcol at Joseph Bitangcol. Ayon sa ina, napanood daw nila ni Joseph ang interview ni Victor Beltran (ang driver ng dump truck na nakabangga ng kotseng sinasakyan ni Joseph nang mangyari ang insidente sa Sumulong Highway, Marikina ilang araw na ngayon ang nakararaan.
Ayon kay Mommy Lydia, kahit pinag-aaralan pa ang kaso, hindi nila iniisip ni Joseph ang magdemanda. “Nakakaawa naman kasi ‘yung driver, hindi rin naman niya ginusto ang nangyari,” linya ni Mommy Lydia.
Sinabi pa ni Mommy Lydia na malaki ang kanyang paniniwala na pinatawad na ng kanyang anak ang driver. “Kung kilala lang ninyo si Joseph, napakabait ng anak kong iyan. Sobrang bait talaga kaya natitiyak kong hindi n’ya gugustuhing makapagpakulong ng tao. Kahit nasasaktan ‘yan nu’ng bata pa siya, tinitiis na lang niya. Kaya naman ang dami-daming nagmamahal sa kanya,” mangilid-ngilid pa sa luhang sabi ng ina ni Joseph.
Isang ngipin ang nabasag at nasira ang kaliwang bahagi ng pisngi ni Joseph. “Hindi kami mayaman, mahirap lang kami. Wala kaming pambili ng kotseng Mitsubishi Montero, kaya hindi totoong si Joseph ang nagda-drive nang mangyari ang insidente.”
Hindi rin daw totoong lasing si Joseph nang mabangga ang sinasakyan nitong kotse. “Galing sa taping ang anak ko at hindi siya galing sa gimik. Nasasaktan ako sa mga naglalabasang balita. Mabait na bata si Joseph, sana huwag nilang igawa ng mga kuwentong hindi totoo. Unfair iyon para sa anak ko.”
NAKAUSAP NG PINOY Parazzi si Romano Vasquez. Si Romano ay sumikat noong 90’s sa That’s Entertainment. Nakagawa siya ng maraming pelikula at nakapag-release siya ng dalawang album.
“Ang pinagsisihan ko nang sobra, Morly, ay nu’ng mag-drugs ako. Iyon ‘yung time na talagang bagsak na bagsak ako. Alam n’yo ba na dahil sa droga ay natutulog na lang ako nu’n sa ilalim ng mesa dahil wala nang tumatanggap sa akin. Madalas akong gutom at naglalakad na lang ako. Palibhasa payat ako, kaya hindi na ako napapansin ng mga tao. At kung minsan naman, may nakakakilala sa akin, sasabihin nila, ‘di ba ikaw si Romano? Idinidenay ko na lang ang sarili ko. Kasi parang nakakahiya, ‘di ba?
Sabi pa ni Romano, dumating pa sa puntong pinagtatabuyan siya ng kanyang pamilya. “Ayaw nila akong papasukin ng bahay. Sabi nila sa akin, baka daw gawaan ko sila nang hindi maganda dahil nagda-drugs nga ako. Ang sakit, ‘di ba? Pero wala akong magagawa, ganu’n talaga ang buhay.”
Marami raw sa mga dating kaibigan ni Romano ang tumalikod sa kanya. “Ibang klase ang nangyari sa buhay ko. Masusumpa mo talaga at magtataka ka kung bakit nangyari iyon sa akin, na nag-ugat lang sa drugs.
“Ang laki nang nagawa ng drugs na iyon sa pagwasak sa akin, sa pamilya ko at sa trabaho ko. Pero hindi ko na kinailangang magpa-rehab pa para magbago, dahil alam ko sa sarili ko na mababago ko pa ang sarili ko. At ‘yun nga ang ginawa ko, iniwasan ko ‘yung mga taong kasama ko noong mga panahong nagda-drugs ako at sinimulan ko uling maligo at ayusin ang aking sarili.”
Noong panahong bagsak na bagsak daw si Romano, ang pamilya niya ang una niyang nilapitan at hiningian ng tawad ‘napatawad naman nila ako at mula nu’n isinumpa ko sa aking sarili na hindi ko na babalikan ang drugs. Siguro kung hindi dahil sa drugs hindi naubos ang mga naipon ko at hindi ko naranasang maghirap nang ganu’n, dahil alam ko sa sarili ko na mas maraming mabuti akong magagawa nu’ng panahon na iyon kung hindi ako nagsayang ng oras.
Ngayon ay nakatayo na si Romano. Maayos na uli ang takbo ng kanyang buhay. Hindi man siya abala sa showbiz, abala naman siya sa kanyang negosyo bilang owner ng isang fast food sa kahabaan ng CAA Road, Las Piñas. “Lugaw ang specialty namin dito at kakaiba ang lugar namin dahil kung ‘yung ibang lugaw ay luto na at sasandukin na lang sa malaking kaldero, sa amin lulutuin pa namin. Kumbaga bago at hindi puro sabaw na lang ang makakain mo.”
Ayon kay Romano, nais niyang maka-balik sa showbiz. Gusto uli niyang mapatunayan na kaya pa rin niyang umarte at kumanta.
“Wala pa namang nabago sa talent ko, kaya ko pa ring makaarte at kumanta, break lang uli ang kailangan ko,” pag-wawakas ni Romano sa Pinoy Parazzi.
More Luck
by Morly Alinio