NANG UNANG IANUNSYO ang tungkol sa reintegration program ng OWWA, marami sa mga OFW at pamilya nila ang kinakitaan ng pananabik. Sa wakas, anila, pinakinggan ng pamahalaan ang matagal na nilang panawagan para sa tulong kabuhayan. Matagal na ring ipinapanawagan ng kolum na ito na magkaroon ng access ang mga OFW sa financial assistance ng pamahalaan para sa livelihood.
Lubhang napapanahon ang palatuntunang ito dahil sa paghihigpit sa deployment ng mga OFW sa ilang bansa, partikular sa mga bansa sa Middle East. Dahil na rin sa pandaigdigang krisis sa ekonomiya, maraming bansa ang dumaranas ng unemployment sa kanila mismong mga bansa. Dahil dito, isinasagawa nila ang pag-aalis sa mga OFW para palitan sila ng mga mamamayan ng mga host country. Mismong sila ay may matinding unemployment kaya’t mas prayoridad nila ang pag-eempleyo ng kanilang mga kababayan kaysa mga Pinoy na OFW.
Gayundin, maraming bansa ang dumaranas ng mga civil unrest. Ang pag-aalsa ng mga mamamayan ay humahantong sa civil war na umeepekto naman sa ekonomiya at katiwasayan. Muli, apektado nito ang mga OFW.
Kaya’t mahalaga ang tulong pinansyal ng pamahalaan sa mga kababayan nating tinatamaan ng krisis, lalo na ang mga OFW. Ang reintegration program ng OWWA ay binuo para maglaan ng mga pautang o loan sa mga OFW at pamilya na nagnanais magtayo ng maliliit na negosyo. Sa programang ito, ang aplikante ay maaaring makautang ng halagang di-hihigit sa P2 Milyon para ipuhunan sa negosyo.
Ganu’n pa man, nitong mga nagdaaang linggo ay marami kaming natatangap na puna at reklamo tungkol sa programa. Una, diumano’y napakaraming requirement ang hinihingi ng OWWA. Maraming papeles at mga project proposal ang kailangang isumite. Pangalawa, humihingi raw ng collateral ang OWWA para ang OFW ay makautang. Pangatlo, mataas din daw ang interes sa pautang ng OWWA. Dahil sa mga ito, madalang daw ang nag-aaplay at tinatabangan na ang mga OFW sa programa.
Sa susunod nating kolum, bibigyan natin ng puwang ang OWWA para sagutin ang mga nabanggit na concern at reserbasyon.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo