ISANG KAIBIGAN ko ang pabalik-balik na sa Singapore. Dati-rati, siya ay nagtrabaho rin bilang DH sa Hong Kong. Nang minsang nagtanong ako sa kanya kung mahusay ang ahensiyang nagpapabiyahe sa kanya, aniya’y okey lang daw ‘yun at mabilis daw magpabiyahe. Tutulungan n’ya raw akong makalapit sa ahensiya.
Ngunit dahil naging abala ako sa mga anak ko at pag-aalaga sa maysakit kong asawa, hindi ako gaanong makalabas ng bahay at ‘di ko maasikaso ang application ko. Kaya nagkusa ang kaibigan ko na siya na lang ang umasikaso sa pag-process ng papeles ko para sa Singapore. Ibinigay ko sa kanya ang passport ko, NBI clearance, birth certificate at iba pang papeles. Nag-abot din ako ng halaga sa kanya dahil kailangan na raw ang processing fee at iba pang gastusin. Ngunit walang nangyari sa nilakad niya at nagsara na raw ang kumpanya. Ayaw na niyang ibalik ang mga papeles at ibinayad ko nang hingin ko sa kanya ang mga ito dahil nakaipit daw ang mga ito sa dating ahensiya.
Hindi ko raw siya puwedeng kasuhan dahil nagmalasakit lang daw siya at hindi naman siya empleyada ng recruitment agency. Wala naman daw siyang kinita sa transaksyon. Tama po bang tuluyan ko siyang kasuhan ng illegal recruitment? — Gina ng Silay City
SA KASO ng illegal recruitment, hindi importante na ang nag-recruit sa iyo ay employee ng isang ahensiya. Hindi rin mahalaga na kumita ang nag-recruit sa iyo. Ang mahalaga ay kung inakala mong recruiter nga siya at dahil doon ay ibinigay mo ang mga papeles mo sa kanya sa paniniwalang makakatulong siya sa paghahanap ng employer. Lalo na ‘yan na nag-abot ka na ng pera sa kanya.
May dahilan ka para magsampa ng kasong illegal recruitment.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo