ANG MATAGAL nang nakabinbin na Freedom of Information (FOI) Bill ay lumusot na rin sa lebel ng Senado. Ngayon ay handang-handa na si Senator Grace Poe, chair ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, para sa debate sa usaping ito sa plenaryo.
Determinado umano si Poe para isumite ang panukalang FOI measure at inaasahan niyang maaaprubahan ito sa ikatlong pagbasa bago matapos ang taon.
Binigyang-diin ni Poe ang kahalagahan ng FOI law sa labang kontra katiwalian sa gobyerno. Sa pamamagitan ng batas na ito, ayon sa Senadora, ay mabibigyan ang bawat Pilipino ng pagkakataon at kapangyarihang aktibong makisangkot at makialam sa pagbabantay sa salaping bayan sa ating pamahalaan.
Dagdag pa ni Poe, ginagarantiyahan ng batas na ito ang pagkakaroon ng public access sa mga impormasyong magsusulong ng transparency at accountability sa pamahalaan.
BAKIT BA matagal na naburo sa Senado at Kongreso ang FOI bill? Sa pamagat pa lang kasi ng panukalang batas ay parang nakakaalangan na ito sa mga mambabatas at iba pang mga opisyal ng gobyerno na may mga lihim na itinatago – nangungurakot nang pasimple at ayaw malantad ang mga gawaing bulok.
Nakalulungkot na ganito ang kalakaran sa ating lehislaturang sangay ng pamahalaan. Pinabubulok ang batas na walang masyadong pakinabang sa mga pulitikong ito at hadlang sa mga kalokohan at pagnanakaw ng ilang tiwaling mga opisyal ng gobyerno.
Bagkus, ang karaniwang ipinapasa ng mga mambabatas ay iyong mga panukalang batas na may higit silang interes at pakinabang.
Kadalasan, kung talagang hindi papansinin ang panukalang batas na hindi kontrobersyal at walang dating sa mga mambabatas, tuluyan lamang itong makalilimutan at aamagin sa mataas at mababang kapulungan ng Kongreso.
Ganito halos ang muntik nang sinapit ng FOI bill. Akala nga ng marami ay naibaon na ito sa hukay.
NGAYON AY may bagong pag-asa ang mga nagsusulong ng panukalang batas. Mas magiging magaan ang trabaho para sa mga mamamahayag. Madaling mailalantad ang baho sa gobyerno. Magiging mahirap para sa mga tiwaling pulitiko at opisyal ng pamahalaan ang makapagnakaw.
Mas makakampante ang mga tao sa isyu ng maling paggamit sa pondo ng gobyerno. Kailangang-kailangan ito ngayon ng mga Pilipino para muling maibalik ang tiwala sa gobyerno, lalo na sa mga mambabatas. Kaya naman dapat lang ipasa na ng mga mambabatas sa mataas at mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na ito.
Ang isyu kasi ng pork barrel scam ay nag-iwan ng malalim na sugat sa puso ng mga Pilipino. Ang FOI bill ang pangalawang hakbang, kasunod ng pagbasura sa PDAF, na dapat gawin ng mga mambabatas upang maghilom ang sugat na ito sa puso ng mga tao at muling maibalik ang tiwala at respetong nawala dahil sa korapsyon sa PDAF.
MAGING ANG mga pulitiko at mga opisyal ng gobyerno ay may pakinabang sa panukalang batas na ito. Mapoproteksyunan ng FOI law ang mga tao laban sa malisyosong balita, paninira, maling impormasyon at mapanlinlang na pamamahayag ng ilang iresponsableng peryodista.
Mabibigyan sila nang pagkakataong masagot at maitama ang maling publikasyong nakasira sa kanilang pangalan nang libre at walang kahit na anong bayarin o kundisyon. Patas at makabubuti para sa lahat ang FOI bill.
Shooting Range
Raffy Tulfo