Nabuntis ang Nobyang Nag-aaral Pa

Dear Atty. Acosta,

NABUNTIS KO po ang nobya ko na sa ngayon ay nag-aaral pa. Iniisip ko na pong pakasalan siya para na rin po sa kapakanan ng aming magiging anak. Sa totoo lang po ay nalilito ako at hindi makapagdesisyon nang maayos. Ano po ba ang mga kailangan kong malaman bilang paghahanda sa ganitong bagay? Sana ay mabigyan ninyo ako ng payo. Salamat.

Reynaldo

Dear Reynaldo,

NAIINTINDIHAN NAMIN na nais mong ayusin ang mga bagay sa pagitan mo at ng iyong nobya. Ngunit hindi pagpapakasal ang natatanging solusyon sa ganitong bagay. Hindi namin ito sinasabi upang mawalan ka ng loob o i-discourage ka na pakasalan ang iyong nobya. Subalit kung ito ang iyong nais gawin, kailangan ay gagawin mo ito sapagkat kayo ay lubos na nagmamahalan at pareho kayong handa na tahakin ang buhay may-asawa, at ang pagkakaroon ng anak ay karagdagang dahilan na lamang sa inyong patuloy na pagsasama. Napakalaking responsibilidad ang pagsisimula ng sariling pamilya. Dapat ay lubos na handa ang iyong puso at isipan na tanggapin ang lahat ng magiging obligasyon mo bilang haligi ng tahanan. Kung kaya’t makabubuti na pag-isipan mong maigi ang iyong magiging desisyon. Katulad nga ng kasabihan, ang pag-aasawa ay hindi parang mainit na kanin na kapag napaso ka ay maaari mo na lamang iluwa. Ito ay panghabang-buhay.

Maliban dito, kailangan ninyo ring isaalang-alang ang mga alituntunin na nakasaad sa ating batas ukol sa pagpapakasal. Una na rito ay ang legal na kapasidad ninyo na pumasok sa kasunduan ng pag-aasawa. Ayon sa Artikulo 5 ng Family Code of the Philippines, tanging ang isang babae at isang lalaki na may-edad labing walo pataas at walang legal na hadlang ang maaaring magpakasal. Kung kayo ay nasa pagitan ng labing walo at dalawangpu’t isang taong gulang, bagaman maaari na kayong magpakasal ay mahalaga pa rin na hingin ninyo ang pagsang-ayon ng inyong mga magulang sa nasabing pagpapakasal. (Artikulo 14, id) Kung kayo naman ay nasa pagitan ng dalawampu’t isa at dalawampu’t limang taong gulang, ang paghingi ng payo mula sa inyong mga magulang ay mahalaga. (Artikulo 15, id)

Ang isa pang mahalagang elemento ng balidong pagpapakasal ay ang pagsusumite ng balidong marriage license na inyong makukuha sa Local Civil Registrar ng lugar kung saan ka o ang iyong nobya nakatira. Mahalaga rin na sa seremonya ng inyong kasal ay magbigay kayo ng malaya ninyong pagpayag sa inyong pag-iisang dibdib sa harap ng solemnizing officer na mayroong awtoridad na magkasal at sa harap din ng dalawa o higit pang bilang ng testigo sa inyong kasal na dapat ay nasa wastong gulang din.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 6 Issue 105 August 19 – 20, 2013
Next articleAng Project Noah at Ang Malaking Baha

No posts to display