AYAW NANG i-reveal ni Vice Ganda ang identity ng boyfriend niya.
Nadala at natuto na kasi siya nang minsang inilabas ng show ni Ted Failon ang picture ng BF niya nang mag-guest siya, nagulo ang buhay ng lalaki na nauwi sa hiwalayan nilang dalawa.
Pista sa Tondo. Nag-iinuman. Nagkakasayahan, ‘yun pala naka-monitor ang buong pamilya at kapit-bahay ng lalaki. Minalas. Napanood ng anak ng BF ni Vice ang nasabing litrato sa show ni Ted na ang ending, tinanong ng bagets sa ama: “Ano n’yo si Tita Vice?” na naging dahilan na naglaho ang lalaki sa buhay ng komedyante.
Sa Biyernes (May 17) sa concert niya na “I-Vice Ganda Mo Ako sa Araneta”, kinumpirma niya na manonood sa concert ang boyfriend niya. “Pero hindi ko sasabihin kung saan siya uupo o kung anong damit ang suot niya para wala nang iskandalo. I’ve learned my lesson,” panigurado niya.
SA DARATING na Lunes, May 13 ay election na. Gusto kong ibahagi ang aking sentimyento sa mga senador na gustong ligawan ang boto ko. Ayaw kong iboto ang mga pulitikong nangangako ng pagbabago na gagaan ang buhay ko.
Ayaw kong paniwalaan ang mga pulitikong mga pulpol na nagsasabi na ilalaban nila na libre ang edukasyon at pagpapa-gamot at pagpaospital.
Sa unang termino ninyo, puro kayo dakdak na wala naman kayong nagawa. Minsan lang kayong pinaniwalaan ng sambayanan at kung sablay kayo, there will be no second time.
Lintik ka Migs Zubiri, ang East Avenue Medical Center sobrang madumi, mapanghi at barado ang nag-iisang palikuran sa bawat floor ng main building na gamit ng 100 pasyente habang nangangako ka ng pagbabago sa health system sa Pilipinas. May sakit ka na nga, lalo kang magkakasakit . Noong nakaraang taon, personal kong naranasan ang inaangal ng sambayanan dahil naging pasyente ako ng EAMC.
Naupo ka sa unang pagkakataon sa Senado pero ano ang ginawa mo? Nakipagtaltalan ka lang sa kalaban mong si Coco Pimental dahil sa isyung dayaan ng boto mo. D’yan lang kita nakilala at naalala. Pareho kayo ni Coco, “buko”! Nasayang ang oras ninyo na mauuwi rin lang sa pagre-resign mo sa ngalan ng eklat na “prinsipyo”.
Hindi ko rin iboboto ang pulitiko na ekta-ektarya ang lupa na sakop ay kabundukan na kinakalbo na noong nakaraang flash flood sa silangan ay marami ang nangamatay dahil sa illegal logging.
Ano’ng alam ni Sonny Angara sa bulok na sistema ng edukasyon sa Pilipinas na pinapangako na iaahon at pag-iigihin gayong hindi ka naman nag-aral sa public school at tumakas ka at naduwag sa sistema ng edukasyon ng sinasabing “bansang minamahal” mo na sa ibang bansa ka nagpakadalubhasa. Tatay mo ngang si Senador Ed Angara, may nagawa ba?
Ayaw ko sa luma tulad ni Maceda na mas maigi na lang mag-enjoy ng kanyang dapit-hapon. Ilang beses na nahalal bilang senador, pero hindi pa rin umuusad ang buhay ng Pilipino.
Ayaw kong pagkatiwalaan si Nancy Binay na duwag sa pagde-debate na gusto ko sanang marinig ang kanyang punto de bista sa mga issue na kapag nailuklok siya sa Senado ay ano ang kanyang magagawa na malamang sa hindi, deadma siya at hindi magpa-participate sa planning at discussion kung papaano paigihin ang buhay ng sambayan na sinasabi niyang kanyang paglilingkuran.
Si Binay, sa isang balitaktakan ng opinyon ay umatras ka na, ano pa ang p’wede mong takasan at iwasan kung senador ka na? Kaya nga pati si Vice Ganda, natatawa na lang sa ilusyon mo.
Sa darating na eleksyon, iboboto ko si Risa Hontiveros na sa simula pa lang ay lumalaban na at naglilingkod. Si Teddy Casiño na kahit progresibo ay may napatunayan at lumalaban, ay aprub kay Dingdong Dantes. Si Jun Magsaysay na tulad ng kanyang ama na si dating Presidente Ramon Magsaysay ay may ginagawa noong naluklok siya sa Senado. At higit sa lahat, hindi ko kalilimutan na ikinakampanya at ipapaalala ang party-list na Ang Ladlad na lumalaban para sa karapatan ng mga bakla at tomboy.
Sa darating na Lunes, alam ko na kung sino ang nasa listahan ko. Kung si Vice Ganda ay anim lang ang iboboto, ako tatlo lang sila (Hontiveros, Jun Magsayay at si Casiño) at baka isama ko rin si Mary Grace Poe na bago, hindi pa corrupt at kahit papaano ay sinsero pa, basta ilayo lang sa demonyo.
Reyted K
By RK VillaCorta