SA LUNES AY magsisimula nang mag-taping si Nadine Samonte para sa Tinik sa Dibdib bilang kapalit ni Sunshine Dizon.
Nasa Europa pa ngayon ang young actress at bukas pa ang dating.
Hindi ko pa alam kung paano gawin sa script dahil hanggang ngayon ay sumasakit pa ang ulo ng mga staff kung paano nila aayusin ang kuwento para maging convincing naman sa mga manonood ang pagpasok ni Nadine.
Nang huli naming makausap namin si Mommy Dorothy, nasa out-of-town vacation pa rin daw si Sunshine at hindi pa rin masasabi kung itutuloy na nito ang pagpunta niya ng Amerika.
Nakipag-usap na si Mommy Dorothy sa mga taga-GMA 7 at maayos naman daw ang pagpaalam nila. Mas kailangan daw muna ngayon ng kanyang anak ang pahinga para gumaling ang pinagdadaanang depression.
Hindi man diretsahang inamin ni Mommy Dorothy, mukhang may kinalaman ito sa lovelife ng aktres na tiyak ayaw na naman ng Mommy.
Isa ito sa pinagtatalunan nilang mag-ina dahil kontra na naman si Mommy Dorothy rito.
Naniniwala itong tuwing nai-in love si Sunshine ay nasisira ito kaya ayaw raw niya sanang magkaroon ito ng relasyon.
Sa ngayon ay ayaw munang magsalita ni Sunshine at ang Mommy lang daw muna niya ang magsalita.
NANGANGANIB DAW NA hindi ma-showing sa Metro Manila Film Festival ang pelikulang Panday ni Sen. Bong Revilla sa GMA Films at Imus Productions.
Napaaga kasi ang filing of candidacy ng mga tatakbo sa darating na eleksyon kaya tila nabago ang ruling na maaaring makaapekto kay Sen. Bong dahil sa Pasko pa ang showing nito bilang entry sa nalalapit na MMFF.
Naniniwala naman si Sen. Bong na maaayos ito dahil dati na raw sa ruling na hindi puwedeng lumabas 90 days bago mag-eleksiyon, kaya puwede pa raw sila makasali sa MMFF.
“Inaasahan ko namang maaayos ito dahil itong Panday ay para talaga ito sa darating na Pasko, handog ko sa mga bata,” pahayag ng actor/politician.
Marami pa raw ang kumukumbinse kay Sen. Bong na tumakbong Vice President pero nakapagdesisyon na raw siyang tatakbong re-electionist bilang Senador dahil ipinangako na raw niya ito sa kanyang ama.
Gusto lang daw niyang sundin ang hiling ng kanyang ama na sa Senado siya tatakbo at huwag munang mag-ambisyon ng mas mataas na posisyon.
“Bata pa naman ako. Marami pa akong kailangan magawa sa Senado,” wika nito.
Bukod pa riyan, kailangan din niyang asikasuhin ang pagtakbo naman ni Lani Mercado bilang Congresswoman ng Lone District ng Bacoor.
By Gorgy’s Park