ISANG OPISYAL ng Philippine National Police na nakatalaga sa Special Operations Unit ng Station 11 ng Manila Police District ang ‘di umano’y nag-ala-Cedric Lee noong February 1, 2014. Marahil iniidolo ni Police Senior Inspector Rodel Borbe si Lee at ninais nitong sundan ang kanyang mga yapak.
Ang pinagkaiba nga lang ni Borbe kay Lee ay nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso si Lee – tinutugis at kinakalkal ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang iba pa niyang mga kasalanan – samantalang si Borbe ay isang masuwerteng nilalang at pagala-gala lang.
At ang pinakamalaking pinagkaiba sa biktima ni Borbe at Lee ay sikat na tao si Vhong Navarro samantalang si Leonil Sabiniano ay isang hamak na mekaniko – kaya walang pumapansin sa kanyang kaso kahit na halos walang pinagkaiba ang naranasan nilang dalawa.
BANDANG 11:30 ng gabi ng Sabado, unang araw ng Pebrero nang mapadaan ang nagbibisikletang si Sabiniano sa Linaw Street sa Barangay 733 sa Malate, Manila. Nang mga oras na iyon, tiyempo namang may nag-iinumang isang grupo ng kalalakihan sa kalye.
Hindi sinasadyang nasagi ng bisikleta ni Sabiniano ang isang nakaparadang kotse sa harap ng mga nag-iinuman na noo’y mga lasing na. Kinumpronta siya ng isa sa mga lasing. Humingi ng dispensa si Sabiniano at sinabing handa siyang panagutanan ang naging damage sa kotse.
Ngunit hindi iyon naging sapat para siya ay pakawalan na. Agad siyang sinapok ng lalaki. Tumakbo si Sabiniano pero hinabol siya ng grupo, at nang maabutan, dito na siya pinagtulung-tulungan.
Nang nakabulagta na si Sabiniano at wala nang kalaban-laban, doon na pumasok umano sa eksena si Borbe at nakibugbog din. Hindi pa nakuntento, kinapkapan niya ang noo’y lupaypay nang si Sabiniano at pagkatapos ay isa-isa niyang pinagtatanggal umano ang mga damit nito hanggang sa hubo’t hubad na ang pobreng mekaniko.
Nang magsawa sa kabubugbog kay Sabiniano at naramdaman niyang marami ng mga kapitbahay ang nanonood, at may kumukuha pa ng video, mabilis na kumaripas si Borbe.
MATAPOS NAMING mapakinggan ang sumbong ni Sabiniano, makailang beses namin pinadalahan ng text message si Borbe sa kanyang cellphone para impormahan siya tungkol sa sumbong ni Sabiniano laban sa kanya at para imbitahin na rin siya sa isang panayam upang makuha ang kanyang panig.
Nang ini-ere na ang reklamo ni Sabiniano sa programa kong Wanted Sa Radyo (WSR), makailang beses naming tinawagan si Borbe ngunit sa tuwina ay kina-cancel niya ang aming mga tawag sa kanyang cellphone.
Sa halip, nakausap namin ang hepe ni Borbe na si Police Senior Superintendent Raymond Liguden sa Station 11. Nagulat si Liguden dahil hindi nakarating sa kanya ang ginawang kababuyan ni Borbe. Gayunpaman, nangako siyang magsasagawa ng malawakang imbestigasyon tungkol sa sumbong ni Sabiniano.
ITO NAMANG barangay chairman ng Brgy. Mabini sa Baras, Rizal ay muntik-muntikan na ring mag-ala-Cedric Lee. Pero ‘di tulad ni Lee na ang biktima ng kanyang karahasan ay kapwa lalaki, sa kaso naman ni Chairman, isang babae ang kanyang napag-tripan.
Madaling-araw ng February 1, nang mapadaan ang magandang dalagang si Karen Macas, kasama ang isang kaibigang bading, sa isang grupo ng mga nag-iinumang kalalakihan sa harap ng isang bahay sa Brgy. Mabini.
Malas lang ni Karen at napag-tripan silang dalawa ng kanyang kaibigang bading ng grupo. Huli na at wala nang pagkakataon na makapalag nang bigla siyang hablutin ng mga ito at kinaladkad papasok sa compound ng bahay na pinag-iinuman nila.
Pagdating doon, pinagbubugbog ng grupo si Karen. Habang siya ay binubugbog, iginagapang ng lider ng grupo ang kamay nito sa loob ng blouse ni Karen at nilamas-lamas ang kanyang dibdib.
BALAK NA raw sanang tanggalin ng grupo ang kanyang mga damit para siya’y maging hubo’t hubad ngunit nagpapalag siya at nagsisigaw hanggang sa may isang ‘di nakikilalang lalaki ang biglang pumasok sa eksena at inawat ang grupo.
Inarbor ng nasabing lalaki sa grupo si Karen. Dito nagkaroon ng pagkakataon ang dalaga para makakalas at tumakbo patungo sa pinakamalapit na presinto. Inireport ni Karen kina PO3 Federico Rupac at PO2 Antonio Manlangit ang insidente.
Hiniling niya sa dalawa na samahan siya sa lugar ng pinangyarihan para arestuhin ang mga nagmolestiya sa kanya. Sakay ng mobile car, binalikan ni Karen kasama ang dalawang pulis ang kinaroroonan ng grupo.
Pagdating doon, bumaba ang dalawang pulis habang nasa loob lamang si Karen ng mobile car. Kitang-kita niya na kinakausap ng mga pulis ang kinikilalalang lider ng grupo na mismong nanlamas ng kanyang suso.
PAGBALIK NG dalawang pulis, nagulantang si Karen dahil hindi nila inaresto ang mga nambaboy sa kanya. Kinuwestyon ni Karen si PO3 Rupac kung bakit hindi nila inaresto iyong kausap nilang lalaki.
Doon pa lamang niya napag-alaman na ang nasabing lalaki ay si Chairman Paul Llagas. Sinigawan siya ni Rupac at sinabihang siya raw pala ang nag-umpisa ng gulo at dapat na umuwi na.
Nang makaalis na ang mga pulis at si Karen, siya naman umano ang pagpunta ni Chairman para magpa-blotter at ireklamo si Karen sa kasong panggugulo.
Makailang beses naming tinangkang tawagan si Chairman upang kunin ang kanyang panig, ngunit hindi kami nagtagumpay. Pero nakapanayam namin sa WSR si Police Senior Superintendent Rolando Anduyan, ang Provincial Director ng Rizal.
HINDI MAITAGO ni Anduyan ang kanyang labis na pagkaawa kay Karen at nakitaan niyang maraming mga pagkukulang at hindi sumunod sa ilang mga police operations procedure ang mga pulis na rumesponde sa reklamo ni Karen.
Nangako si Anduyan na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon tungkol sa insidente at sasampahan ng kaso ang mga nang-abuso kay Karen at papatawan na rin ng parusa ang mga tangang pulis na hindi alam gawin ang kanilang trabaho.
Nakausap din namin ang Chief of Police nina Rupac at Manlangit na si Police Senior Inspector Michael Angeles. Sa simula ng panayam, animo’y gustong panigan ni Angeles ang kanyang dalawang tauhan ngunit nang mabatid niyang talagang sabit ang mga ito, nangako na siyang tutulong din sa imbestigasyon para mabigyan ng hustisya si Karen.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo