PAGDATING SA larangan ng pagpapapayat, una sa takilya ang tinatawag na juicing. Ito ay ang paggawa ng juice mula sa mga purong extract ng masusustansyang prutas at gulay. Wala itong halong kahit ano tulad ng asukal. Maaaring gamitin ang kamay sa pag-extract ng prutas at gulay sa pamamagitan ng pag-squeeze nito, ‘yun nga lang hindi tayo makakasiguro kung nakukuha nga ba ang lahat ng sustansya sa prutas at gulay. Kaya mas mainam na ring gumamit ng juicer para walang nasasayang, lahat ng sustansya, simot na simot.
Kinagigiliwan ito ng mga bagets ngayon lalo na sa mga kabataan na gustong magbawas ng timbang. At kung ikaw naman ay hindi mo pa nasusubukan ang juicing at gustong sumali sa trend na ito, huwag agad-agad sumabak sa pag-inom ng napakaasim at napakapait na produkto ng juicing, alamin mo muna ang maganda at hindi maganda sa juicing.
Hindi nga maitatanggi na pasok sa healthy diet ang juicing dahil sa purong sustansya ang nakukuha rito. Sa mga ibang prutas pa nga, kasama ang balat sa pag-juicing dahil kung minsan, ito pa ang pinakamasustansya sa lahat. Isa sa maganda sa juicing ay mapapainom ka ng prutas o gulay na dati ay sukang-suka ka sa pait ng lasa. Bakit? Kasi kapag na-extract na ang mga gulay at prutas na ito at ginawang juice, mas madali itong inumin kaysa kainin. Lalo na kung ito ay papalamigin mo pa sa freezer, Naku! Makakalimutan mo na inaayawan mo iyon noon.
Nang dahil sa tamang pag-juicing, maaari kang pumayat. Dahil mabubusog ka kaagad sa mga prutas at gulay na ito. Hindi pa ito nakakataba dahil punung-puno ng bitamina at nutrisyon ang mga ito. Hindi tulad ng mga karne na punung-puno ng cholesterol. Kahit na ikaw pa ay pumapayat, hindi ibig sabihin nito magiging mahina ka. Dahil sa juicing mas lalakas ka pa!
Ang ikinaganda pa ng juicing, hindi lang ito nakapagpapapayat at nakapagpapalakas ng katawan, nakapagpapaganda pa ito ng kutis. May mga bitamina sa prutas at gulay na sadyang ginawa para makapagpaganda ng kutis at lahat ng iyon ay masisimot ng juicer na gagamitin.
Ngunit kahit ubod ng dami ang kagandahang dulot ng juicing, maaari pa rin nitong mapahamak ang katawan mo lalo na kung maling proseso mo ito isinasagawa. Karamihan sa atin ang nag-aakala na ang juicing ay sapat na sa araw-araw. Nagkakamali kayo diyan, mga ate at kuya. Dahil ang juicing ay hindi pa rin katumbas ng isang kumpleto at masustansyang diet plan. Mayroon at mayroon pa ring sustansyang makukuha sa ibang pagkain na hindi makukuha sa juicing gaya na lang ng fiber. Hindi ito kayang makuha ng juicer sa isang prutas o gulay. Huwag ding dumepende sa juicing lang. Mas mainam pa rin kung sasamahan ito ng ehersisyo. Iba pa rin kapag pinagpapawisan kaysa painum-inom lang ng pampapayat.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo