AS USUAL, sa bahay lang ako nu’ng nakaraang Semana Santa at nag-ayos at nagligpit ng mga gamit ko sa bahay.
Habang nagsipagbakasyon ang lahat sa iba’t ibang lugar, mas na-enjoy ko naman sa bahay dahil tahimik ang lahat at walang katrapik-trapik.
Hindi ko naman type ang mag-beach, kaya mas masarap talaga sa bahay.
Naloka nga ako nang maghalungkat ako at nag-ayos ng mga gamit sa bahay, ang dami-dami kong mga litrato roon na gusto ko nang idispatsa.
Itinabi ko ang mga litrato ko, at lalo akong naloka na ang dami ko palang mga litrato kasama ang mga kaibigan kong natsugi na.
Ang dami kong litrato kasama si Douglas Quijano, si Ate Luds, pati si Helen Vela.
Kung ipun-ipunin ko ang mga litrato na ‘yun, makabubuo na ako ng kuwento, huh!
Kaya nagsenti-senti na naman ako.
Sa totoo lang, kapag ganyang naghahalungkat ako ng mga lumang gamit ko, nagsisimula na akong mag-senti.
Anyway, nakikibalita lang ako sa mga baklitang reporter na nag-ikot sa mga lugar na pinagbabakasyunan. Wala naman daw silang nasagap na kuwento sa mga napuntahan nila.
Gaya sa Boracay, wala namang gaanong mga artistang nagbakasyon doon.
Ang nandu’n lang naman lagi ay ang mag-asawang Sen. Bong Revilla at Lani Mercado kasama ang mga anak nila.
Iyon lang naman daw ang panahong makapagsama-sama sila, at siyempre maghahanda na sila sa pangangampanya nina Lani, Jolo at Strike na tatakbo sa Cavite.
Si Bong naman ay gusto na munang magpahinga, dahil halos araw-araw din siyang nag-taping sa Indio.
Kaya walang gaanong aksyon sa Boracay.
ANG AKSYON pala na nangyari ay sa Caramoan sa Cam Sur na kung saan nagsisimula nang mangampanya roon si Aga Muhlach.
Siyempre, nandu’n na sila ni Charlene Gonzales kasama ang supporters nila.
Pero kumalat ang balitang sumabog daw ang speed boat nito na nasa Caramoan.
Mabuti na lang at hindi raw sakay roon sina Aga, dahil hini-ram pala ‘yun ng isang kaibigan. Alam ko, hiniram daw ito ng anak ni Gov. L-Rey Villafuerte na si Migz.
Masuwerte lang, wala pang sumakay roon, at nandu’n lang ang nagmamaneho.
Ang balita, nag-overheat lang daw ang makina nu’ng speed boat kaya sumabog ito at nasunog.
Mabuti at wala namang nangyari sa nagmamaneho, at konting sugat lang daw ang natamo.
Pero sina Aga at Charlene daw ay itinago muna sa isang tagong lugar dahil inimbestigahan ang pagsabog na ‘yun, at baka raw may foul play.
Malakas daw si Aga roon sa Camsur kaya baka meron daw masamang tangka sa kanya ang mga kalaban.
Pero wala naman pala, dahil overheat lang daw talaga ang dahilan ng pagsabog at walang halong foul play.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis