HINDI NA bago sa mga Kristiyano ang katagang “naganap na”. Ito ang isa sa mga huling sinabi ni Kristo noong bago siya namatay sa krus. Sa kontekstong ito ay sinasabi niyang ang kanyang misyon ay naganap na o naisakatuparan na. Maihahalintulad ko sa kontekstong ito ang laban ni Manny Pacquiao noong nakaraang Linggo rito sa Pilipinas.
Tila yata nasagot naman sa labanang Mayweather-Pacquiao ang maraming tanong sa larangan ng boxing sa kabila ng kontrobersiyal na pagkapanalo ni Floyd Mayweather sa tinaguriang “Battle for Greatness”. Sino ba ang tunay na kampeon? Sino ba ang mandaraya? Sino ba ang tunay na matapang? At sino ang duwag at may takot? Palagay ko ay malinaw sa ating lahat ang mga sagot sa tanong na ito.
Samantala ay dismayado naman ang napakaraming manonood sa MGM Grand Arena, Nevada dahil sa naging takbo ng laban. Marami ang nagsasabing hindi nasulit ang ibinayad nila na milyun-milyong halaga ng pera para lamang masaksihan ang labanan ng 2 sa itinuturing na pinakamahusay na boksingero sa buong mundo. Halos walang nakitang palitan ng mga suntok na dapat ay naging malaking bahagi sana ng laban. Si Mayweather ang binalingan ng pagkadismaya ng mga tao dahil sa estilo nitong pagtakbo, pag-iwas, at pagyakap kay Pambansang Kamao.
MAS MADULAS pa sa palos at hito ang pag-iwas ni Mayweather kay Manny. Naging dahilan ito kung bakit hindi gaanong marami ang suntok na naibato ni Pacman gaya ng mga dati niyang laban. Hindi rin naman masasabing nakaiwas si Mayweather sa mga suntok ni Manny, dahil hindi na nga nagkaroon ng mga pagkakataon si Manny na malapitan man lang si Mayweather, dahil panay ang takbo nito at yakap sa tuwing lalapit si Manny.
May mga nagsasabing ito ang estilo ni Mayweather kaya walang nakatatalo sa kanya. Ang mga suntok din ni Manny ay hindi mataas ang porsyento ng tama, kumpara sa mga solidong patama ni Floyd kay Pacman. Sa dalawang puntong ito ay hindi ako sumasang-ayon. Ang estilong pagtakbo palayo sa kalaban ay maaaring tanawin bilang isang pandaraya sa prinsipyo ng boxing. Bilang isang manlalaro ng boxing ay dapat mong harapin ang iyong kalaban at iwasan ang suntok nito habang nakikipagsuntukan. Ang pagtakbo palayo sa kalaban ay isang uri ng pandaraya dahil hindi mo ginagampanan ang esenya ng sport na boxing kung saan ay palitan ito dapat ng malalakas at mabibilis na suntok at hindi pagtakbo.
Kitang-kita ng lahat kung paanong nahilo sa isang solid na suntok ni Pacman si Floyd, sa round 4. Bukod pa rito ay napakaraming pinakawalan na suntok ang pumasok sa mukha at katawan ni Floyd ng mabilis at agresibong si Pacman. Hindi tuloy mawari ng tao kung paanong tinalo ni Floyd si Manny. Ang ganitong pagtingin at paniniwala ay dumaloy at dumagsa sa mga social media mula sa mga milyun-milyong netizens. Maging ang mga malalaking tao sa larangan ng show business at sports ay hindi makapaniwala sa naging resulta ng scorecards ng mga judges.
SI FLOYD Mayweather man ang idineklarang kampeon sa labanan ng mga hurado, si Manny Pacquiao pa rin ang itinuring ng mga manonood sa MGM Grand at maging sa buong mundo, na nanalo sa labang ito. Kahit anong teknikal na paliwanag pa ang ibigay ng mga boxing analyst kuno, hindi nila mauuto ang mga tao na nakasaksi sa laban. Simple lang naman ang sport na boxing at hindi dapat pinapakumplika. Matalino ang mga tao at madaling makita kung sino ang nakarami ng suntok, tumakbo, at nandadaya tuwina.
Makailang ulit na inipit ni Floyd ang ulo ni Manny sa kanyang braso at pasimpleng sumusuntok sa katawan ni Manny habang iniipit niya ito. Makailang-ulit din na itinulak at tinukuran ng kamay si Manny sa ulo at batok. Mayroon ding mga low blows na hindi na tinawagan ng referee si Floyd. Malinaw na nandaya at magulang talaga itong si Floyd.
Nagpakita rin ng takot at karuwagan si Floyd dahil sa halos pigil ang mga suntok nito gawa ng hindi na niya maalis ang kanyang mga kamay sa pagtakip ng kanyang mukha. Madalas din niyang yakapin si Manny upang makakubli mula sa malalakas na suntok nito. At tila bahag ang buntot ni Mayweather na parang isang asong takot na takot makipaglaban. Mas malimit pa ang pagtakbo ni Floyd sa laban kaysa pagsuntok nito.
NGAYON AY alam na ng sanlibutan na si Manny ang tunay na mandirigma at si Floyd ay takot. Ngayon ay alam na ng lahat na si Manny ang dapat nanalo sa laban. Naganap ang dapat maganap. Nagharap na si Manny at Floyd. Ngunit sa paghaharap na ito ay itinuro sa atin ang katotohanan sa buhay. Maaari mong lokohin ang isang tao, ngunit hindi ang isang bayan. Maaari mong sabihin na ikaw ang pinakamagaling ngunit sa huli ay bayan at Diyos pa rin ang magsasabi kung sino ang uliran at tunay na kampeon.
Hindi na rin kailangan ng rematch dahil napatunayan na naman ni Pacman at Floyd sa tao kung sino ang mahusay. Ito ang pinakamasaklap na pagkapanalo ni Mayweather dahil sumisigaw ng “boo” ang mga tao. Samantalang ito naman ang pinakamasaya at makahulugang pagkatalo ni Manny, dahil siya pa rin ang isinisigaw na kampeon ng mga tao sa buong mundo. Siya pa rin ang tunay na kampeon ng buong sangkatauhan o People’s Champ!
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood din sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Panoorin ang T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo