Nagbabayad na, Pinaaalis pa rin sa Inuupahan

Dear Atty. Acosta,

AKO PO ay matagal nang nangungupahan sa isang apartment dito sa Maynila. Alam ko po na ang hindi pagbabayad ng upa ay isang dahilan upang ako ay mapaalis sa apartment na ito. Subalit ano po ba ang aking gagawin kung ayaw tanggapin ng may-ari ang aking bayad kasi nga eh, gusto na raw niya akong paalisin? Maituturing bang basehan sa pagpapaalis sa akin ang hindi niya pagtanggap sa aking bayad?

Rafael

 

Dear Rafael,

TAMA ANG iyong sinabi na ang hindi pagbabayad ng upa o renta sa apartment na iyong tinitirahan ay basehan upang ikaw ay mapaalis ng may-aari o nagpapaupa nito. Ito ay malinaw na sinasaad sa Republic Act 9653 o ang Rent Control Act of 2009.

Sinasabi ng batas na ito na ang isang nangu-ngupahan ng bahay, apartment o iba pang uri ng pabahay ay maaaring mapaalis sa sandaling siya ay hindi makabayad ng tatlong buwang upa o mahigit pa. Ayon pa rin sa batas na ito, kung ayaw tanggapin ng may-ari o nagpapaupa ang nasabing renta, maaaring ideposito ang upa sa korte, sa city o municipal treasurer, sa kapitan ng Barangay o sa isang bangko na kung saan nakapangalan sa nagpapaupa ang deposito at ito ay may abiso sa kanya. Ang pagdedeposito ay dapat gawin sa loob ng isang buwan pagkatapos tanggihan ang upa. Pagkatapos nito, maaari nang ideposito ang upa sa loob ng sampung (10) araw kada buwan. (Section 9(b), RA 9653)

Kung hindi magagawa ang mga nabanggit na pamamaraan, sa sandaling hindi tanggapin ang bayad o renta, ituturing na hindi nakabayad ang nangungupahan at ito ay magiging dahilan upang siya ay mapaalis sa inuupahang bahay. Gayundin, ang hindi pagdedeposito ng upa ng tatlong buwan o mahigit pa ay magiging dahilan para mapaalis ang nangungupahan.

Muli, ang pagtanggi ng upa o renta ng may-ari ay hindi dahilan upang mapaalis ang umuupa sa inuupahang bahay, apartment o iba uri ng tirahan. May mga paraang sinasaad ang batas katulad ng nakasaad sa itaas para maituring pa ring nagbabayad ang umuupa sa kabila ng pagtanggi ng may-ari o nagpapaupa. Ang hindi pagsunod sa mga paraang ito ang nagbibigay basehan upang siya ay mapaalis.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleHuman Trafficking — Nahigitan na ang Droga
Next articleNawawalang Report!

No posts to display