Dear Atty. Acosta,
NAG-APPLY PO ako sa isang ahensya upang makapagtrabaho sa Canada bilang isang factory worker. Nagbayad po ako ng P35,000.00 bilang kabayaran sa pagpoproseso ng mga papeles ko. Ngunit ilang buwan na po ang nakalilipas ay hindi pa rin ako nakaaalis. Maaari ko po bang ireklamo ng illegal recruitment ang ahensyang iyon?
Miss A
Dear Miss A,
ANG PAGPAPADALA ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa ay hindi ipinagbabawal ng batas. Sa katunayan, ito ay nakakatulong sa pagpapalago ng ating ekonomiya. Subalit, mayroong mga patakaran na dapat sundin upang maging legal at balido ang pagpapadala ng mga manggagawa. Una sa lahat, natatanging ang mga kwalipikado at lisensyadong tao, ahensya at kumpanya lamang ang maaaring makapagpadala at mag-recruit ng mga manggagawa sa ibang bansa. Ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa pagbibigay ng nasabing lisensya. Sa iyong sitwasyon, maaari kang maghain ng reklamong illegal recruitment sa POEA laban sa ahensyang nangako sa iyo ng trabaho sa Canada kung mapapatunayan mo na wala itong kaukulang lisensya na magpatakbo ng ganitong klase ng negosyo.
Sa kabilang banda kung ito ay lisensyado na magpatakbo ng isang recruitment agency, maaari pa rin itong mapapanagot kung makakakitaan ito ng mga paglabag sa batas. Ang isa sa mga paraan ng illegal recruitment ay ang hindi pagpapaalis sa manggagawa sa loob ng napagkasunduang panahon. Ayon sa Section 2, Rule I, Part VI ng POEA Rules and Regulations Governing the Recruitment and Employment of Landbased Overseas Workers, ang ilan sa mga grounds for imposition of administrative sanctions ay “x x x (r) Failure to deploy a worker within the prescribed period without valid reason; x x x (aa) Failure to comply with the undertaking to deploy the required number of workers within the period provided by these Rules; x x x” Maliban dito, maaari ring makasuhan sa Regional Trial Court ng illegal recruitment ang isang tao o ahensya kung hindi niya naipatupad ang pagpapaalis ng isang manggagawa at hindi makakitaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng sapat ng basehan ang pagkaantala o hindi pag-alis ng nasabing manggagawa (Section 9, Omnibus Rules and Regulations Implementing the Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995).
Sa sitwasyon na inilapit mo sa amin, hindi malinaw kung ang pagkaantala ng iyong pag-alis ay masasabing illegal recruitment. Ang inilahad mo lamang sa iyong sulat ay hindi ka pa nakakaalis makalipas ang ilang buwan mula nang ikaw ay magbayad. Ngunit hindi maliwanag kung lumalabag ba sa batas ang ahensyang tinutukoy mo. Kung kaya’t kailangan na positibo mong maipakita ang mga elemento ng illegal recruitment na nauna na naming nabanggit upang mapapanagot mo ito sa batas.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta