Nagbigay ng Pera Pero ‘Di Nakaalis; Meron Bang Illegal Recruitment?

Dear Atty. Acosta,

NOONG 2004, nagbigay ang tiya ko ng mahigit sa P170,000.00 kay Lita, kapatid ng tiya ko sa pananampalataya na nakapag-asawa ng taga-Holland, para makapunta siya sa Italy. Hindi nakaalis ang tiya ko hanggang sa namatay na siya noong 2007. Kinausap namin si Lita para bawiin ang perang ibinigay ng tiya ko pero ang sabi niya ay kalahati lang ang isasauli niya. Maaari po ba siyang kasuhan ng illegal recruitment kahit na nasa ibang bansa siya?

Anna

Dear Anna,

ANG ILLEGAL recruitment ayon sa R.A. 8042 (Migrant Workers Act), shall mean canvassing, enlisting, contracting, transporting, utilizing, hiring, procuring workers and includes referring, contact services, promising or advertising for employment abroad, whether for profit or not, when undertaken by a non-license or non-holder of authority (Section 6, R.A. 8042).

Ang sino mang mapapatunayan na nagkasala sa krimeng ito ay mapaparusahan ng pagkabilanggo mula anim na taon at isang araw hanggang labindalawang taon at multa mula dalawang daang libong piso hanggang limang daang libong piso kapag ang biktima ay iisa lamang. Samantala kapag ang illegal recruitment ay isang economic sabotage, ang parusa ng akusado o mga akusado ay habang-buhay na pagkabilanggo o life imprisonment at pagbabayad ng multa mula kalahating milyong piso hanggang isang milyong piso. Ang illegal recruitment ay sinasabing economic sabotage kung tatlo o higit pa ang gumawa ng krimen o tatlo o higit pa ang naging biktima.

Ang Regional Trial Court ng lugar kung saan nangyari ang krimen o kung saan nakatira ang biktima noong nangyari ang krimen ang siyang may kapangyarihan para dinggin ang reklamo para sa illegal recruitment (Section 9, R.A. 8042).

Hindi mo binanggit sa iyong salaysay ang dahilan ng pagbibigay ng tiya mo ng halagang mahigit P170,000.00 kay Lita. Hindi mo rin binanggit kung nangako si Lita ng trabaho sa iyong tiya sa Italy at kung saan ibinigay ang pera.

Kung pinangakuan ni Lita ang iyong tiya ng trabaho sa Italy kapalit ng halagang

ibinigay niya, maaaring managot sa batas si Lita sa krimeng illegal recruitment kung siya ay hindi lisensiyado ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang mag-recruit. Sa kadahilanang lumisan na ang iyong tiya, maaari mong isumbong sa DOLE ang bagay na ito upang ang ahensiya na ang magsampa ng kaukulang kaso o maaari kang magsampa ng reklamo sa Office of the City or Provincial Prosecutor ng lugar kung saan sinabi ang pangako o kung saan

ibinigay ang halaga na sinasabing kapalit ng pagtatrabaho sa Italy o kung saan nakatira ang tiya mo noong nangyari ito.

Kapag nangako ng trabaho si Lita sa Italy habang siya ay naninirahan doon, maaari ka rin magsampa ng kaukulang reklamo para sa illegal recruitment dahil ayon sa Section 9 ng R.A. 8042 ang kaso ay maaaring isampa sa RTC ng lugar kung saan nakatira ang biktima noong nagaganap ang krimen. Ngunit hindi uusad ang kaso kapag ito ay nasa RTC na dahil kinakailangan na mabasahan muna ng sakdal si Lita sa oras na itinakda para sa kanyang arraignment upang magkaroon ang nasabing korte ng kapangyarihan na dinggin ang kaso. Samakatuwid, walang patutunguhan  ang kaso hangga’t wala si Lita rito sa ating bansa.

Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.

Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleScarborough Shoal
Next articleAng Kaawa-awang Huramentado!

No posts to display