HINDI NA nakabibigla ang ginawang pagbibitiw ni Vice President Jejomar Binay sa gabinete ni PNoy. Noon pa man ay inaasahan nang magbibitiw ito dahil sa mahirap pag-ugnayin ang magkaibang prinsipyo ng oposisyon na kinabibilangan niya at bilang bahagi ng gabinete ng administrasyon. Ang mga palaisipan ngayon ay kung papaano gagamitin ni VP Binay ang kanyang pagka-oposisyon para punahin kung sino man ang magiging manok ng administrasyong Aquino at kung paano niya mas mapapabango ang pangalan para sa kanyang ambisyong maging pangulo ng Pilipinas.
Kasabay ng pagbibitiw ni Binay ay ang muling pagdanas ng mga taga-Metro Manila sa hindi matapus-tapos na problema ng pagbaha tuwing sasapit ang panahon ng tag-ulan. Tila ang problemang ito ay isang okasyong hindi naiiwasan taun-taon. Hanggang kailan ba magtitiis ang mga taga-Metro Manila sa mga kalsadang hindi tapos at mga proyektong dapat sana ay solusyon sa pagbaha ngunit mas nakadagdag pa sa problemang ito?
Maikukumpara naman sa taunang pagbaha ang tila pagbaha ng mga adik sa Pilipinas. Ito marahil ang naging inspirasyon ni Senator Tito Sotto sa pagpapanukala ng isang batas na mag-oobliga sa PhilHealth upang pondohan ang rehabilitasyon ng mga adik nating kababayan. Nakatutuwa at nakaiinis na kailangang manggaling sa ating mga bulsa ang pagpapagamot sa mga taong piniling suwayin ang batas sa pamamagitan ng paggamit ng ipinagbabawal na droga.
Tiyak na marami ang aalma sa panukalang batas na ito dahil mas marami tayong mga kababayan na matino, masipag ngunit biktima lamang ng kahirapan na mas nangangailangan ng tulong pinansyal mula sa ating mga bulsa. Mas mamarapatin pa yata ng marami sa ating mga kababayan ang pondohan ang pagpapakain sa mga pobreng pulubi sa kalsada kaysa pondohan ang pagpapagamot ng mga pasaway na adik.
SA PAGBIBITIW ni Binay, mas nabibigyang pagtukoy ang posisyon ng isang tunay na oposisyon, kumpara sa pagiging hilaw na bahagi ng administrasyon bilang miyembro ng gabinete. Ito ang nakikitang positibong epekto ng ginawang pagtalikod ni Binay sa administrasyong Aquino.
Mahirap kasi para sa isang pulitiko na mamangka sa dalawang ilog na magkaiba ang pananaw at pilosopiyang sinusunod sa pulitika. Ngayon, ay maaaring mas maging tapat si Binay sa mga nakikita niyang mali sa administrasyong Aquino at buong tapang na pupunahin ang kamaliang ito.
Sa bagong landas na tinahak ni Binay bilang isang ganap na oposisyon, maaari na siyang makapagplano kung paano gigibain ang kandidatong susuportahan ng administrasyong Aquino. Naging malinaw na rin kay VP Binay ang katotohanang hindi na siya ang susuportahan ni Pangulong Aquino. Mas magkakaroon din siya ng panahon upang depensahan ang kanyang sarili sa maraming alegasyong ipinukol sa kanya nina Senator AntonioTrillanes IV at Senator Koko Pimentel.
Ang sabi ng matatanda, huli man daw at magaling ay maihahabol din. Ito ang pananaw ng mga eksperto sa pulitika. Dapat ay noon pa sana nagdesisyon si VP Binay na maging isang tunay na oposisyon para hindi napagbibintangang namumulitika lamang o naglalaro ng pakikipag-alyansa sa administrasyong Aquino. Laging binabatikos ng kanyang sariling partido bilang oposisyon.
HINDI NAMAN na bago ang problemang pagbaha lalo na sa Metro Manila. Ngunit bakit hindi mabigyang solusyong ang suliraning ito sa napakahabang panahon. Malayo pa ang panahon ng pagbaha ay makikita na ang kabi-kabilang paggawa ng mga kalsada, paglinis ng mga kanal at pagpapaalis ng mga informal settlers na nagiging dahilan ng malimit na pagbara ng kanal mula sa kanilang basura. Alam na alam ng ating gobyerno ang solusyon at ginagawa nila ito ngunit nananatili pa rin ang problema sa baha. Nasaan ang tunay na problema?
Ayon sa DPWH at MMDA, ang mga programang pag-aayos ng estero, kanal at daluyan ng tubig ay sa 2016 pa matatapos. Kaya naman, walang ibang puwedeng gawin ang ating mga kababayan kundi magtiis muna sa baha hanggang 2016. Lagi na lang napapako ang mga pangakong ito ng pamahalaan. Ang tunay na problema ay patuloy na pinagkakakitaan ang mga proyektong ito. Nagiging palagatasan ng mga pumapalit na administrador ang pagpapagawa ng kalsada at pagsasaayos ng mga estero.
Magandang gawing isa sa mga pamantayan natin sa pagpili ng bagong pinuno sa darating na 2016 election ang isyung ito. Hanapin natin ang kandidatong may matalinong solusyon sa kung papaano tunay na wawakasan ang problema sa pagbaha. Huwag din tayong magpadala sa mga mababaw na pangako ng pagpapaayos. Kundi’y maging kritikal tayo sa kanilang mga ideya kung paano nila ito susolusyunan.
MARAMI ANG umiling sa panukala ni Sotto hinggil sa pagpopondo ng taumbayan sa pagpapagamot ng mga adik sa pamamagitan ng PhilHealth. Pinunto ni Sotto na kaunti lang umano ang nabibigyan ng pagkakataon na sumailalim sa rehabilitasyon. Dalawang libo lamang mula sa halos 2 milyong adik sa Pilipinas. Sinasabi ng batas na kailangang maging bahagi ang buong sambayanan sa pagpapagamot ng mga adik.
Subalit hindi ba isang palaisipan na tumutulong ang taong bayan sa mga taong pinili na suwayin ang batas sa pamamagitan ng paggamit ng droga? Hindi kaya ito’y maging paraan, sa isang pagtingin, na tila naghihikayat sa mga kababayan natin na mag-adik dahil tutal nariyan naman ang pamahalaan para sila’y ipagamot.
Mas maigi pang igugol na lamang ang pondong ito ng PhilHealth sa mga kababayan nating kapos ang kapalaran at nagdudusa sa kahirapan. Palagay ko’y ang panukalang batas na ito ay magkukunsinti lamang sa mga adik at mga potensiyal na adik kaysa makatulong sa bayan.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30am – 12:00nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 – 5:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo