Naghahamon!

NAGING ISANG mapaghamon na Pangulo ang resulta ng ginawang pagpapaliwanag ni Pangulong Noynoy Aquino hinggil sa isyu ng DAP nitong nakaraang Lunes. Tahasan din nitong sinalungat ang opinion at interpretasyon ng Kataas-taasang Hukuman o ang Korte Suprema.

Ang mga pahayag ni PNoy ay mistulang paghahamon, hindi lamang sa kapangyarihan ng Hudikatura upang bigyang-interpretasyon ang isang batas. Isa rin itong hamon sa ating Saligang Batas na nagsasaad ng pantay na kapangyarihan ng tatlong sangay ng pamahalaan: Ehekutibo, Lehislatura, at Hudikatura.

Ano ba ang seryosong implikasyon ng mga pahayag na ito ng Pangulo? Ano ang mga problemang politikal at sosyolohikal na maaaring maging bunga ng pagmamatigas ng Pangulo hinggil sa isyu ng DAP? Ano ang maidudulot nito sa ating lipunan, ekonomiya at kapakanan ng mga mamamayang Pilipino?

LANTARAN ANG hindi pagsang-ayon ng Pangulo sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema hinggil sa pagiging “unconstitutional” ng DAP. Hinamon din ni PNoy ang Korte Suprema na dadalhin niya ang isyu sa taong bayan at sa lehislaturang sangay ng pamahalaan.

Ang mga hamon na ito ay seryoso at mapagbanta. Hiniling din ni Pangulong Aquino na magsuot ang taong bayan, na naniniwala sa kanya, ng dilaw na damit bilang tanda ng suporta sa DAP at pagkondena rin sa desisyon ng Korte Suprema. Tila ginagamit ni PNoy ang impluwensya ng kabayanihan ng kanyang mga magulang dito. Hindi ito wasto!

Hindi ako sumasang-ayon sa mga pahayag ni PNoy at sa pagbabantang ito gamit ang dalawang linya ng pananakot. Una ay ang pagdadala umano niya ng isyu sa taong bayan at pag-uudyok na kondenahin ang desisyon ng Korte Suprema sa pamamagitan ng pagsusuot ng dilaw na damit. Pangalawa ay ang pagdadala niya ng isyu sa lehislaturang sangay ng gobyerno upang mamagitan.

ANG KORTE Suprema ang inaatasan ng ating Saligang Batas para magbigay ng pananaw at magpakahulugan sa batas. Ang ipinapalagay ng Konstitusyon sa kautusang ito ay ang kagalingan, karunungan at pagiging dalubhasa sa pag-alam at pagbigay-kahulugan sa batas ay nasa mga taong iniluklok sa katungkulan bilang mga mahistrado.

Mahirap ang tungkuling magbigay ng kahulugan at umintindi ng batas. Nangangailangan ito ng “experty” o pagiging dalubhasa sa batas. Hindi ang isang ordinaryong abogado o maging presidente ng bansa ang may kapangyarihan at kakayahang gawin ang tungkuling ito. Lalo’t hindi ang mga tao.

Ito ay dahil sa hindi sa politikal na demokratikong paraan binibigyang kahulugan ang batas. Ito ay isang akademikong aktibidad at may sensitibong proseso. Maging ang pagpili sa mga mahistrado ng Hudikatura ay hindi dinaraan sa politikal na demokratikong paraan, sapagkat ang pagpili sa kanila ay nangangailangan ng mga teknikal na kuwalipikasyon.

Nangangahulugan lamang na maling-mali ang pananaw at posisyon ni PNoy na dadalhin niya ang isyu sa taong bayan. Ito’y nangangahulugan din na hinihimok ni PNoy na salungatin ng mga tao ang kapangyarihan ng Hudikatura sa pagbibigay-kahulugan sa batas. Ito ay nagbabadya ng isang krisis sa Konstitusyon at posibleng isang rebolusyong sibil.

ANG PAGBABANTA naman ni Pangulong Aquino na hihimukin niyang makialam ang Legislaturang sangay ng gobyerno o ang Senado at Kongreso, ay isang tahasang paghahamon mismo sa ipinag-uutos ng ating Saligang Batas. Maliwanag na isinasaad dito na may tatlong magkakahiwalay na kapangyarihan at tungkulin ang Ehekutibo, Lehislatura, at Hudikatura.

Ang paghihikayat sa Senado at Kongreso na makialam at salungatin ang desisyon ng Korte Suprema sa isyu ng DAP ay isang pagsuway sa itinatakda ng Saligang Batas na hindi maaaring panghimasukan ng alinman sa tatlong sangay ang kani-kaniyang tungkulin at gawain. Sa makatuwid ay hindi dapat dalhin ni PNoy ang isyu ng pagiging “unconstitutional” ng DAP sa Senado at Kongreso dahil hindi maaaring makialam ang mga mambabatas sa desisyon ng mga mahistrado.

Gaya ng naunang epekto ng pahayag ni PNoy, ay lumilikha lamang ito ng isang “constitutional crisis” sa ating politika sa bansa. Mas pinagugulo lamang ni PNoy ang sitwasyong politikal sa bansa. Mas maigi sanang maging mapagkumbaba na lamang ito at humingi ng paumanhin sa pagkakamaling ginawa ng kanyang pamamahala.

MAY TEKNIKAL na basehan ang Korte Suprema sa pagdedeklarang “unconstitutional” ang DAP o hindi pag-ayon nito sa ating Saligang Batas. Ang isang maliwanag na dahilan ay ang pag-abuso ng Ehekutibo sa kapangyarihan nitong magtakda ng dapat puntahan ng pondo ng bayan. Ang pagtatakda ng dapat puntahan ng pondo ng bayan ay nasa kapangyarihan ng Kongreso. Ito ang tinatawag na “power of the purse”.

Maliwanag na nilabag ng Ehekutibo ang probisyon sa Saligang Batas na nagtatakda ng hiwalay na kapangyarihan at tungkulin ng tatlong sangay ng pamahalaan. Bukod dito ay marami pang mga teknikal na pagtatakda ang Saligang Batas na sinalungat ng DAP kaya ito idineklarang “unconstitutional”.

Hindi ko mawari kung bakit nananatiling pasaway si PNoy sa pagiging “unconstitutional” ng DAP. Ano ba ang meron sa likod nito at hindi na lamang tanggapin ng Pangulo na nagkamali sila. Mabuti na lamang na ang ating Korte Suprema ay nananatiling mahinahon at propesyunal sa isyung ito. Sa botong 13-0 at may isang nag-abstina, ay maliwanag na kumbinsido ang mga eksperto at dalubhasang mahistrado sa pagiging “unconstitutional” ng DAP.

ANG GINAWANG pahayag ni PNoy sa isyu ng DAP ay nakasisira sa pag-iisa ng lipunan at mamamayan sa paniniwalang matibay at sapat ang ating Saligang Batas. Hindi lamang nito nilalapastangan ang Konstitusyon, bagkus ay lumilikha ng isang krisis sa ating Saligang Batas.

Kung ang tao ay hindi na naniniwala sa ipinag-uutos ng Konstitusyon, kasunod nito’y pagwasak dito at paglikha ng bagong Saligang Batas. Ngunit sa prosesong pagwasak ng Konstitisyon ay kasabay ang pagpapalit ng pamahalaan sa pamamagitan ng isang rebolusyong sibil.

Ito ba ang nais ng Pangulo sa kanyang paghahamon? Ito ba ay sa ilalim pa rin ng mabuting intensyon? Mas makabubuting tanggalin na ng pangulo ang kanyang mga tagapayo dahil isang katerbang mga pulpol at inutil ang mga ito.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleMay Habol, Kahit ‘Di Kasal
Next articleNora Aunor, mabubulilyaso ang multi-million peso-endorsement dahil sa manager?

No posts to display