PAGKATAPOS NG malagim na sunog sa Valenzuela kung saan hindi bababa sa 70 ang namatay, ngayon naman ay nagkakagulo ang Bureau of Fire at mga lokal na pamahalaan sa papatupad ng batas na nag-uutos na hindi maaaring magbukas ang isang establisyemento, factory o pagawaan nang walang kaukulang permit mula sa Bureau of Fire. Dahil dito ay nanganganib ang mahigit kalahating porsiyento ng mga business establishments sa buong Metro Manila na ipasasara.
Ang problema ay nag-uugat sa backlog ng mga permits dahil hindi nakakayanan ng Bureau of Fire na mainspeksyon ang lahat ng mga business establishments sa Metro Manila. Noon pa man ay problema na ang pagkaantala ng pag-inspeksyon ng Bureau of Fire kaya gumawa ang Deparment of Interior and local government (DILG) ng paraan para makapag-issue ng temporary permit habang hindi pa nainspeksyon ang mga tindahang ito, upang makausad ang ekonomiyang lokal ng mga local governments.
Nangyari ang ganitong adjustments sa DILG noong panahon ng yumaong DILG Secretary Jesse Robredo. Ang problema ay nagkagulu-gulo na ang lahat simula nang si Secretary Mar Roxas ang pumalit sa puwestong nabakante ng mahusay na kalihim. Ngayon ay hindi na malaman ng mga lokal na pamahalaan kung papaano lulutasin ang ganitong suliranin.
BAKIT NGA ba naipon ang mga establisyemento na hindi nainspeksyon ng mga kinauukulan? Mas mabilis ba itayo ang mga gusali kaysa puntahan ito ng mga inspector ng nasabing ahensya? Hindi naman makatotohanan ito kung ito nga ang dahilan nila. Hindi naman kasi maiipon ang mga gusaling ito na walang permit mula sa Bureau of Fire kung hindi nag-ipitan sa permit. Alam naman natin ang pangunahing dahilan kung bakit iniipit ang permit.
Nang lumaon at dumami ang mga business establishment na kailangan ng permit dahil sa pagkakaipon ng mga iniipit na permit. Hindi na kayang habulin pa ng ahensya ang backlog nila ngayon kaya ang nanganganib ay ang mga lehitimong business establishments na hindi pa nai-inspect dahil sa malaking backlog ng Bureau of Fire.
Kasabay nito ay ang panganganib ng maraming manggagawa na tiyak na mawawalan ng mga trabaho kapag ipinasara ng lokal na pamahalaan ang mga business establishment na walang kaukulang mga permits mula sa bureau of fire. Kung tutuusin ay hindi naman kasalanan ito ng mga may-ari ng mga business establishments na walang permit dahil naghihintay lamang sila na mapuntahan sila ng mga tauhan ng Bureau of Fire. Sa katunayan ay nagbayad na ang mga ito ng mga kaukulang fees para ma-inspect sila ng Bureau of Fire.
MAY BATAS na kailangan ipatupad sa pagpapatayo ng isang business establishment at ito ay may layuning maprotektahan ang mga tao, partikular ang mga manggagawa sa mga establishments na ito.
Mahigpit ngayon ang pamahalaan Aquino sa ipinag-uutos ng batas. Nais ng DILG na ipatupad ang ipinag-uutos ng batas na hindi maaaring magbukas ang isang business establishment na walang permit mula sa Bureau of Fire. Dahil sa malagim na insidente ng sunog sa factory ng tsinelas sa Valenzuela ay hindi na nais pa magpatumpik-tumpik ang pamahalaang Aquino sa paghihigpit upang hindi na ito maulit pa. Ngunit ang problema ay ang epektong dulot ng paghihigpit na ito sa ibang aspeto ng lipunan gaya ng pagkawala ng trabaho at gutom.
Ang mahirap sa ating pamahalaan ay laging “reactionary” lamang ang tugon sa mga problemang dumarating sa bansa. Kung hindi pa nagkasunog nang malagim gaya nito ay hindi pa kikilos at maghihigpit ang pamahalaang Aquino. Kung noon pa sana naghigpit at ipinatupad ang batas na ito ay hindi sana nagkaipun-ipon ang problema.
NGAYON AY mas nahaharap naman tayo sa mas malaking problema na nag-ugat sa sunog sa Valenzuela. Ito ang problemang pagharap sa reyalidad na maraming mga business establishment na walang permit at patuloy na banta sa buhay ng mga manggagawa rito. Sa isang banda naman ay nahaharap din tayo sa problemang pagkawala ng mga trabaho o labor displacement sa mga manggagawang apektado kung tuluyan na ngang ipasara ng pamahalaan ang mga business establishments na walang fire safety clearance.
Maraming kailangang gawin para solusyunan ang problemang ito. Maaaring palakihin pa ang kakayahan ng Bureau of Fire para matugunan ang kakulangan sa manpower ng ahensya. Maaari ring magtulungan ang local na pamahalaan at Bureau of Fire at pamahalaang Aquino para mapaghati-hatian ang trabaho sa pag-inspect at pag-isyu ng fire safety clearance sa mga business establishments na nananatiling walang permit.
Sa huli, kailangan na siguraduhin ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga manggagawa, una sa lahat. Magagawa ito sa pagpapatupad ng mga batas sa ating konstitusyon. Ngunit, kailangan din na timbangin ang mga resulta ng mga desisyon na gagawin para masiguradong makabubuti sa lahat ang gagawing hakbang.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Panoorin ang inyong lingkod sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am – 12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5, tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo