PARA SA ILANG mga commuter, ang impresyon nila sa maraming taxi driver ay kundi man namimili ng mga pasahero ay mga guma-gamit ng batingting. Pero iba naman ang pananaw ng inyong SHOOTING RANGE sa karamihan sa mga taxi driver sa Kamaynilaan.
Ilan sa kanila ay mayroong nakahahawang bagay. At nitong mga nagdaang araw, nagkakahawaan na ang karamihan sa kanila. Pero ‘di tulad ng nakakahawang sakit na nakakapinsala sa katawan ng tao at nakamamatay pa, ang bagay na tinutukoy ng inyong SHOOTING RANGE na mayroon ang ilang taxi driver na nakakahawa ay nakabubuti sa isang tao – ito ay ang pagiging tapat.
Simula noong nakaraang linggo, sunud-sunod ang pagsoli sa WANTED SA RADYO (WSR) ng mga taxi driver ng mahalagang gamit na naiwan sa kanilang taxi ng kanilang mga pasahero. Apat na taxi driver na ang nagsoli ng mga mamahaling cellphones. Dalawang wallet na ang naisoli na may mga lamang pera at mga dolyar pa. Mayroon ding nag-turn over ng baril. Mayroon pang nagsoli ng isang mamahaling music instrument. Isang suitcase na punung-puno ng importanteng mga dokumento ang isinoli rin. Mayroon ding nagsoli ng mamahaling laptop computer.
Lahat ng nabanggit na mga bagay ay naibalik na sa mga may-ari nito maliban sa music instrument at isang Samsung cellphone na hanggang ngayon ay tinutunton pa rin ng WSR ang mga may-ari.
Ang nabanggit na mga isinoling gamit ay idiniliber ng mga tapat na taxi driver sa action center ng WSR na matatagpuan sa 163-E Mother Ignacia Avenue, Brgy. South Triangle, Quezon City.
SA SUSUNOD NA buwan, isa na namang bagong public service show ang kabibilangan ng inyong SHOOTING RANGE sa TV5.
Tulad ng WSR, WANTED sa TV at ITIMBRE MO KAY TULFO, ang programang ito ay tutugon hindi lamang sa mga problema ng mga inaaping maliliit na mamamayan kundi maging sa problema ng bayan.
Ngayon pa lamang, labis-labis na ang aking pasasalamat sa inyong lahat dahil sa patuloy na pagtitiwala at suporta sa inyong SHOOTING RANGE dahilan para ipagkatiwala ng TV5 sa akin ang isa pang TV show.
Ang makakasama ng inyong SHOOTING RANGE na dalawa pang personalidad sa programang ito ay pawang mga respetadong beterano rin pagdating sa larangan ng serbisyo publiko. Sinisiguro ko na katanggap-tanggap sa inyong lahat ang pakikipagsanib ng puwersa ng inyong lingkod sa dalawa pang nasabing personalidad para sa isang super public service program. Abangan.
REKLAMO LABAN SA mga pulis na nanghuhuli ng mga motorista na wala namang paniket ang madalas na matanggap ngayon ng WSR. Magsilbi sana itong babala sa lahat ng mga driver. Ang modus operandi ng mga tiwa-ling pulis na ito na sakay ng mobile car ay ang magtago sa isang kubling lugar malapit sa stoplight sa dis-oras ng gabi.
Dahil marami sa atin ay may ugaling tumatawid ng red light kapag gabing-gabi na dahil wala ng mga sasakyan sa lansangan, dito nakakita ng oportunidad na kumita ang mga hunghang.
Pasusundin sa presinto ang mga nag-beating the red light at doon ay tatakutin sabay na pasusukahin ng pera. Sa halip na maghanap ng mga kriminal inatupag ng mga hinayupak na ito na manghuli ng traffic violators. Para hindi mabiktima, huwag mag-beating the red light kahit na dis-oras ng gabi.
Shooting Range
Raffy Tulfo