NOONG JUNE 9, 2014, bandang 12:35 ng tanghali, sa isang tuwid na daan sa Barangay Lalud, Calapan City, Oriental Mindoro ay nagkalat ang dugo ng pinaslang na si Nilo Baculo. Si Baculo ay ang ika-28 miyembro ng media na napatay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang tuwid na daan. Hindi lamang pala nababalot ng kadiliman sa isyu ng pork barrel scam ang tuwid na daan ni PNoy, kundi mantsado rin ng mga nagkalat na dugo ng mga pinatay na miyembro ng media.
Kamakailan lang nitong buwan ng Mayo, ay pinatay rin ang isang miyembro ng media na si Richard Najib ng dxNN radio sa Tawi-Tawi. Ayon sa mga kasamahan ni Baculo ay marami na siyang natatanggap na “death threats” bago pa man siya pinatay. Malupit daw kung bumanat bilang isang media practitioner itong si Baculo. Marahil ito ang dahilan kung bakit siya pinaslang.
Kailan ba mawawakasan ang walang humpay na pagpaslang sa mga miyembro ng media? Ligtas pa ba ang propesyong ito para sa mga mag-aaral na nagnanais pasukin ang ganitong karera? Paano ito dapat tugunan ng pamahalaan at tiyaking ligtas ang mga media people? Ito ang mga katanungang nais kong puntuhan sa artikulong ito.
ANG PILIPINAS ay isa sa mga bansang itinuturing na mapanganib para sa mga media practitioners. Marami nang mga media people, banyaga at dayuhan ang pinatay sa ating lupa. Karamihan din sa mga kasong ito ay hindi pa nalulutas magpasahanggang ngayon. Ang Dacer-Corbito double murder case ay halos mag-iisang dekada na, ngunit wala paring malinaw na hustisya para sa mga pamilyang naulila ng karahasang ito.
Wala na rin sigurong makapapantay sa sinapit ng mga miyembro ng media sa tinaguriang “Maguindanao massacre”.Dito ay sabay-sabay na inilibing, kasama ng kanilang mga sasakyan, ang mahigit 50 katao kung saan ang karamihan ay media people. Itinuring silang parang mga hayop na basta na lamang ibinaon sa lupa upang hindi na makita pang muli at maibaon sa limot.
Marahil ay ganito kawalang-respeto sa mga media people ang mga kriminal. Marahil ay ganito rin nila nakikita kung gaano kadali pumatay ng isang media person sa Pilipinas. Marahil ay napakadali sa kanila ang pumatay ng isang media person dahil hindi naman gumagawa ng konkretong hakbang ang pamahalaan para matigil na ang ganitong karahasan sa mga miyembro ng media.
MARAHIL MAY mga magulang ngayon ng mga mag-aaral na nagnanais magkaroon ng karera sa media nanagdadalawang-isip na suportahan at payagan ang pangarap ng kanilang mga anak dahil sa mga patayang nagaganap. Tila yata nagiging mas mapanganib pa sa pagsusundalo o pagpupulis ang pagiging media sa ating bansa.
Mabuti pa kasi ang isang sundalo o pulis, dahil sila ay armado at alerto sa lahat ng pagkakataon. Ito ay dahil sa bahagi naman ang karahasan sa kanilang tungkuling ginagampanan.
Samantalang ang isang media practitioner ay walang armas na maaaring magbigay proteksyon sa kanya sa kamay ng mga masasamang taong nasasagasaan niya dahil sa pagbubulgar ng mga katiwaliang ginagawa nito sa lipunan.
Ang karamihan sa mga miyembro ng media ay umaasa lamang sa mga pulis at sundalo, gaya ng mga ordinaryong tao. Wala naman silang kalaban-laban sa mga riding in tandem na kadalasang inuupahan para pumatay ng media personality.
Hindi na talaga ligtas ang mga taga-media sa mga karahasang ito. Hahayaan nalang ba nating maubos ang mga taga-media dahil sa pinapaslang sila at wala na ring nagnanais na pumasok sa propesyong ito dahil balut na sila ng takot na baka mapabilang sila sa mga media people na pinatay ng walang kalaban-laban.
Papaano na lamang mailalantad ang mga katiwalian sa gobyerno kung patuloy na mababalot sa takot ang media community? Kung magkakaganito ay lalo lang masasadlak sa korapsyon at pagbagsak ang ating bayan.
WALA NAMANG konkretong aksyon ang ating pamahalaan sa problemang ito. Walang nakukulong at patuloy pa rin ang pagpaslang sa mga miyembro ng media. Patunay lamang ito na walang ginagawa ang pamahalaan sa karahasang ito sa media people.
Dapat simulan ng pamahalaan ang kampanya laban sa karahasang ito sa pamamagitan ng pagsupil sa paraan ng pagpatay sa mga biktima. Ito ang pinaka-basic move, ang supilin ang paraan ng pagpatay.
Madalas ay gamit ang “riding in tandem” sa krimeng ito. Minsan nga ay parang nakakakaba para sa isang media practitioner ang matapatan ng “riding in tandem” dahil para bang nilalagay na sa hukay ang kaliwang paa nito. Hindi mo masabi kung ito ba ay inupahan para itumba ka o karaniwang mananakay lamang ng motorsiklo.
Dapat ay mag-isip ang pamahalaan ng epektibong paraan para masawata ang mga “riding in tandem”. Dapat ay gumawa ng batas na magproproteksyon sa mga media people. Kung maaari siguro ay maging maluwag sa pagbibigay ng lisensya ng baril ang PNP sa mga media people. Ang mahalaga ay makahanap ng mga paraan para masiguro ang kaligtasan ng mga media practitioners.
Sa ngalan ng aking mga kasamahan sa media, ako ay nananawagan sa pamahalaan na umaksyon na ngayon sa problemang ito. Mr. President, hindi mo naman siguro nais na ang lalakaran sa iyong tuwid na daan ay puno ng bahid ng dugo ng mga taga-media.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napapanood din sa TV5 sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. At sa Aksyon Weekend news tuwing Sabado, 4:45 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo