NGAYONG GUMUGULONG na ang imbestigasyon at iba’t ibang pagdinig hinggil sa pork barrel scam, parami nang parami ang mga pangalan ng mga pulitikong nasasangkot sa isyu.
Kamakailan lang ay nadagdag sa listahan ang pangalan ni DILG Secretary Mar Roxas. Ngayon ang Senate President naman na si Franklin Drilon ang inuugnay sa isyu.
“Guilty by association!” Ito ang galit na komento ni Drilon sa mga mamamahayag na humingi ng kanyang reaksyon sa isyu ng pagkakaugnay niya kay Janet Lim-Napoles. Inamin ni Drilon na kilala niya si Napoles ngunit hindi umano siya nagbigay ng kanyang PDAF kay Napoles kahit isang kusing.
Maging si PNoy ay hindi rin pinalagpas ng media sa pagtatanong kung kilala niya si Napoles noong siya ay isang kongresista pa lang. Ang kanyang naging tugon ay kahit daw pilitin niyang balik-balikan ang kanyang mga nakilalang tao noong hindi pa siya Pangulo ay hindi talaga pamilyar ang mukha ni Napoles sa kanya. Nag-agam-agam pa umano ang Pangulo nang una nitong makita si Napoles. Inisip ng Pangulo na baka ibang tao ang sumuko sa kanya.
Dagdag pa ni PNoy na marahil ay hindi magiging interesado si Napoles na makilala siya noong nasa Kongreso at Senado pa siya dahil hindi siya binibigyan ni dating Pa-ngulong Gloria Macapagal-Arroyo ng PDAF dahil sa pagiging anti-administration niya.
SA AKING palagay, hindi lamang dapat tingnan ang isyu ng pork barrel scam sa kontekstong nagbigay ba o hindi ang isang mambabatas ng kanyang PDAF kay Napoles. Masyadong naka-kahon ito at napakadaling takasan ang mga akusasyon at bintang laban sa mga nasasangkot na mambabatas.
Madali nilang nalulusutan ang mga akusasyon dahil nakagapos ito sa tanong na nagbigay ba o hindi. Hindi sila nagbigay o pineke lamang ang pirma ang simpleng sagot at palusot ng mga mambabatas dito.
Maaaring hindi nagbigay ng PDAF ang isang mambabatas ngunit kakilala niya si Napoles. Ang ibig sabihin ay may ugnayan silang dalawa kahit wala itong kinalaman sa isyu ng PDAF.
Maaaring sa isang pagkakataon ay humingi ito ng pabor, nagregalo o ‘di kaya ay may negosyong inilapit o inalok. Marahil ito ang dahilan kung bakit maraming naging kaibigan si Napoles sa gobyerno at mga pulitiko.
Sa lawak ng network ni Napoles ay natitiyak kong marami ang kasangkot at nagtulung-tulong para maging matagumpay ang korapsyon sa pork barrel.
May posibilidad din na dummy lang si Napoles ng isang makapangyarihang pulitiko. Si Napoles lamang ang pinagagalaw at sunud-sunuran lamang siya sa isang malaking plano.
HINDI MASAMA kung ang lahat ay iimbestigahan. Masyadong malawak ang kaugnayan ni Napoles sa mga mambabatas kaya kailangang malawak din ang sakop ng imbestigasyon.
Sadyang malalim na ang korapsyon sa Pilipinas kaya kailangan ng malawakang pag-iimbestiga, pag-uusisa at pagbabago. Maging ang Pangulo ay dapat bukas sa mga imbestigasyon kung talagang sinsero siya sa kanyang tuwid na daan at pagbabago. Walang dapat sasantuhin at lahat ay dapat linisin upang malantad ang kanilang mga itinatago.
Ang tunay na kalaban sa korapsyon ng mga taong bayan ay nasa loob ng sistemang burukrasya. Dapat ay purgahin ng gobyerno ang kanyang sarili para tuluyan nang mawala sa sistema nito ang lasong patuloy na pumapatay sa pag-unlad ng bansa. Para sa huli ay mawala na rin ang mga naglilinis-linisang trapo.
Shooting Range
Raffy Tulfo