ISANG MAGANDANG dalagang kontratista na ang negosyo ay nalilinya sa agrikultura ang nagpakamatay dahil sa kanyang labis na pagkabigo kay Sir.
Si dalaga at si Sir ay magkarelasyon. Pero bawal ang kanilang naging relasyon sapagkat si Sir ay may asawa na. Bago makilala ni Sir si dalaga, maraming mga tagahanga at manliligaw ito dahil hindi maikaila ang kanyang alindog at kahanga-hangang kagandahan.
Si dalaga ay kilala at labas-masok sa iba’t ibang tanggapan dito. Nang mga panahong iyon, si Sir ay isang pulitiko, at ang kanyang posisyon sa pulitika ay nalilinya sa agrikultura. Kaya, lahat ng mga tanggapan sa gobyerno na may kaugnayan sa agrikultura ay nais magmano kay Sir.
NAKAHANAP NG paraan si dalaga para makilala si Sir at makapag-deliver ng “bag” dito. At dahil doon, hindi naantala ang kanyang mga pinapasukang kontrata. Ang siste nga lang, natipuhan ni Sir si dalaga at walang paliguy-ligoy na hiniling niya rito na siya ay maging kanyang number 2.
Bagama’t, hindi naman kaguwapuhan si Sir, ginusto na rin siya ni dalaga para lalong maproteksyunan ang lahat ng kanyang mga kontrata. Tuwing Sabado – walang mintis – naging tipanan ni Sir at ng kanyang “cashintahan” ang canteen ng isa sa mga tanggapan na pinangangasiwaan ng Department of Agriculture.
Doon nagaganap ang abutan ng “bag” at paglalambingan ng dalawa. Siyempre, ipinasasara ni Sir ang canteen at nagiging exclusive lang ito para sa kanila ng kanyang “cashintahan” sa tuwing sila ay magkita roon.
NAGING MASAYA naman si dalaga dahil tuluy-tuloy ang kanyang mga nakukuhang kontrata, samantalang si Sir naman ay doble ang saya dahil may “bag” na nga siya, may dalaga pa.
Maganda ang naging takbo ng gamitan ng dalawa hanggang sa matapos ang termino ni Sir sa pulitika at siya ay binigyan ng posisyon ni PNoy bilang tagapangasiwa ng isa sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Doon na napurnada ang lahat para sa dalaga, samantalang kay Sir, mag-uumpisa pa lamang ang lahat ng kanyang inaasam-asam na mga makamundong kaligayahan.
Sinabihan ni Sir si dalaga na hindi na sila puwedeng magkita sa kanilang paboritong canteen para hindi siya maintriga at upang ipakita na rin na siya ay diretso at malinis kuno. Pero ang totoong dahilan, mayroon na rin kasi agad na kapalit si dalaga.
Marami na ring mga kontratista na nagreregalo kay Sir, hindi lang ng mga “bag” kundi pati na rin ng mga artistahing dalaga.
INIWASAN NA ni Sir si dalaga at naging matumal na rin ang mga kontrata nito. Naging tuliro si dalaga at hindi na niya alam ang kanyang gagawin.
Kinausap niya ang isa sa mga director na kanyang kakilala na malapit kay Sir upang humingi ng tulong. Pero walang nagawa si Director sapagkat ito ay tauhan na lang ngayon ni Sir.
Isang araw, umakyat ang dalaga sa gusali na kung saan naroroon din ang canteen na dating tagpuan nila ni Sir. Marami ang nakakita na balisang-balisa ito. Hindi alam ng mga nakakita rito na may balak na pala itong wakasan ang kanyang mundo. Lumundag ito sa gusaling iyon at naging instant ang kanyang kamatayan.
Agad namang pinakilos ni Sir ang isang grupo ng public relations firm upang kausapin ang mga taga-media at mga pulis para sa isang news blackout.
Hindi naman nabigo si Sir sapagkat magaling magtrabaho ang kanyang nakuhang grupo at wala ngang lumabas na report sa mga TV at radio network, maging sa mga dyaryo – maliban lang sa isang pahayagan na sinabing aksidenteng nahulog daw ang isang babae sa isang gusali.
Hindi n’yo na siguro kailangan ng clue para malaman kung sino si Sir.
NARITO ANG ilan lamang sa mga text messages na aking natatanggap mula sa text hotline ng inyong lingkod na 0908-87-TULFO:
Sir, nais ko pong bigyan n’yo ng pansin ang mga taga-HPG na nakasakay sa mobile car na may body number na 408A dahil marami silang nakukulimbat na mga karga ng trucking tulad ng chichiria at mga grocery. Nangongotong din ang isang truck noong nakaraan, nanghihingi naman sila ng pang-gas. Nakapuwesto po sila sa may Pila, Laguna.
IREREKLAMO KO po ang mga enforcer sa Pasig kasi po kaming mga tricycle na may prangkisa ay hinuhuli kapag napapalayo ng konti samantalang ang mga colorum na tricycle kapag natiketan na ay puwede nang mamasada. P500.00 po ang iniisyu nilang ticket, isang linggo iyon puwede pamasada, kapag lumagpas ka ng date ay magdadagdag ka ng P50.00. Sana po ay maaksyunan na po ang pinaggagawa ng mga enforcer na ito. Salamat po.
SIR, BAKA puwede po ninyong mapaimbestigahan ang mga farm to market project sa Brgy. Bantayan, San Roque, Northern Samar. Mula elementary ako hanggang ngayong mahigit 30 na ang edad ko ay hindi pa rin tapos.
ILALAPIT LANG po namin sa inyo kung puwedeng pakiimbestigahan ang public school dito sa Makati. Nagde-demand po sila na magbayad ang mga estudyante ng miscellaneous fee taun-taon. Kaya nalilito po kami sa mahigpit na sinasabi ng DepEd na bawal na bawal mangolekta ng pera sa mga estudyante. Kung lima ang anak ay napakabigat para sa mga magulang ng hinihingi nilang miscellaneous fee. Hindi pinipirmahan ang clearance ng mga bata kapag hindi nakabayad ang magulang. Tulungan po ninyo kami.
SIR, CONCERN ko lang po iyong tungkol sa eskuwelahan ng mga bata sa Canili Elementary School sa may Aurora dahil naniningil po ng P500.00 sa mga bata.
IDOL, PAKIKALAMPAG naman po ang mga kinauukulan para maipaayos ang footbridge sa ilalim ng Skyway sa Bicutan dahil may butas po at marami na po ang nagiging biktima nito.
SIR, HIHINGI lang po kami ng tulong sa inyo dahil marami na po kasing napeperhuwisyo ang buwayang ito dito sa San Pedro, Laguna. Nanghuhuli po siya kahit may binaba na memo ang hepe ng Transportation Regulatory Unit tungkol sa pag-renew ng sticker ng bayan na hanggang February 20, 2014. Sa kabila nito ay patuloy pa rin siya sa panghuhuli ng walang sticker, sana mabigyan n’yo ng aksyon ito. Salamat po.
Shooting Range
Raffy Tulfo