Nagpakasal ang Asawa sa Ibang Babae

Dear Atty. Acosta,

NAGPAKASAL ANG asawa ko sa ibang babae at nagbunga ang kanilang pagsasama ng isang anak. Nais ko sanang mapawalang-bisa ang kanilang kasal sapagkat ako ang kanyang lehitimong asawa at may anak din kami na tinalikuran na ng aking asawa. Ang balita ko ay gumamit siya ng affidavit na nagsasabing wala siyang asawa at nagsama sila ng limang taon bago sila ikinasal. Subalit ito po ay isang kasinungalingan sapagkat ilang taon pa lamang kaming kasal nang sila ay magpakasal. Maaari ko po bang gawin iyon? Gusto ko lang pong ipaglaban ang karapatan ko bilang tunay na asawa pati na rin ang karapatan ng aming anak. Sana po ay maliwanagan ninyo ako.

Gumagalang,

Ms. Magnampo

 

Dear Ms. Magnampo,

UPANG MAGKAROON ng bisa ang isang kasal at maituring na legal, mahalaga na sundin ng mga partido ang hinihingi ng ating batas, partikular na ang mga esensyal at pormal na elemento ng balidong kasal na nakasaad sa Artikulo 2 at 3 ng Executive Order No. 209 o ang Family Code of the Philippines.

Ayon sa iyong sulat, una kayong ikinasal ng iyong asawa at matapos ang ilang taon ay nagpakasal siya sa ibang babae. Una sa lahat, nais naming bigyang-diin na hindi maaaring magpakasal ang isang tao na mayroon nang asawa, hanggang ang nauna niyang kasal ay hindi pa napapawalang-bisa ng hukuman. Ang ikalawang kasal ay masasabing paglabag sa ating batas dahil sa ito ay isang bigamous marriage. (Artikulo 349, Revised Penal Code)

Ang ikalawang dahilan na maaaring magpawalang-bisa ng pangalawang kasal ng iyong asawa ay ang kawalan ng valid marriage license noong sila ay ikinasal, na isa sa mga pormal na elemento ng balidong kasal. Alinsunod sa Artikulo 35 (3) ng Family Code, void from the beginning ang kasal na ginanap nang walang balidong marriage license. Bagama’t gumawa ng affidavit ang iyong asawa na nagsasabing sila ay nagsama ng limang taon bago sila ikinasal, hindi nito mabibigyan ng legalidad ang kanilang kasal sapagkat ito ay hindi alinsunod sa hinihingi ng batas.

Ayon sa Artikulo 34, id, “No license shall be necessary for the marriage of a man and a woman who have lived together as husband and wife for at least five years and without any legal impediment to marry each other. The contracting parties shall state the foregoing facts in an affidavit before any person authorized by law to administer oaths. x x x”

Dahil sa kayo ay kasal pa, mayroong legal impediment sa kanilang naging pagsasama. Maituturing itong paglabag sa nasabing artikulo at maaaring ipa-deklarang void ab initio ang kanilang kasal. At bilang unang asawa, maaari mong hilingin sa hukuman na mapawalang-bisa ang kanilang kasal sa pamamagitan ng petition for declaration of nullity of marriage.

Ayon sa Korte Suprema, ang sinumang mayroong interes sa legalidad ng kasal ay maaaring magsampa ng reklamo upang maipawalang-bisa ito. (Niñal vs. Bayadog, G.R. No. 133778 March 14, 2000) Ito rin ay upang mabigyan mo ng kaukulang proteksiyon ang karapatan ng inyong anak.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleBukambibig 03/04/13
Next articleSari-saring chikka 03/04/13

No posts to display