Nagpanggap na Single Para Muling Maikasal

Dear Atty. Acosta,

IKINASAL KAMI ng mister ko noong taong 2002 ngunit umalis din siya patungong Dubai upang magtrabaho. Sa tuwing umuuwi siya ng Pilipinas ay sandali lamang siya naglalagi sa amin. Ang dahilan niya ay kailangan na raw niyang bumalik sa Dubai sapagkat marami siyang nakabinbing trabaho. Nagulat na lamang ako nang malaman ko na mayroon pala siyang sumunod na napangasawa at sila ay mayroon na ring anak. Ang nais kong malaman ay kung maaari ko ba siyang kasuhan ng falsification dahil sa pumirma siya ng affidavit na nagsasabing siya ay “single” at limang taon na silang nagsasama bilang mag-asawa bago sila ikasal ngunit ito po ay walang katotohanan. Ginawa lamang nila ito upang hindi na sila hingan pa ng CENOMAR at Marriage License? Ang ginamit nilang basehan ay ang Artikulo 34 ng Family Code. Sana ay mabigyan ninyo ng kasagutan ang aking tanong.

Lubos na gumagalang,

Marie

 

Dear Marie,

ANG BALIDONG marriage license ay isa sa mga pormal na elemento ng legal na kasal. Subalit, maaaring hindi magsumite ng nasabing lisensya ang babae at lalaking nais magpakasal kung ang kanilang sitwasyon ay isa sa mga nakasaad sa Chapter 2, Title I ng Family Code of the Philippines.

Sa sitwasyon ng iyong asawa, hindi sila nagsumite ng kanilang marriage license at, ayon sa iyo, gumawa na lamang siya ng affidavit batay sa Artikulo 34, id. Bagaman pinapahintulutan ang paggawa ng nasabing sinumpaang salaysay, masasabi natin na hindi naaayon sa batas ang kanyang ginawa. Ayon sa nasabing batas, “No license shall be necessary for the marriage of a man and a woman who have lived together as husband and wife for at least five years and without any legal impediment to marry each other. The contracting parties shall state the foregoing facts in an affidavit before any person authorized by law to administer oaths. x x x” Marahil nga ay nagsama na sila ng kanyang pangalawang asawa sa loob ng limang taon bago sila ikasal, ngunit ang kanilang pagsasama naman ay labag sa batas. Mababatid natin sa iyong sulat na kayo ay kasal pa ng iyong asawa at hindi pa legal na naghihiwalay. Dahil dito, mayroong balakid o legal impediment sa kanilang pagsasama sa loob ng limang-taong nabanggit, kung kaya’t hindi sila maaaring makapagkasal.

Sa kriminal na aspeto naman ng iyong katanungan, maaari mong ireklamo ang iyong asawa para sa kasong falsification dahil sa pagsisinungaling na ginawa niya. Ayon sa Artikulo 172 ng Revised Penal Code, maaaring maparusahan ang isang pribadong indibidwal kung gumawa siya ng pampublikong dokumento na naglalaman ng isa sa mga uri ng palsipikasyon na nakasaad sa Artikulo 171. Mahalaga na maipakita mo ang sinasabi mong affidavit na ginawa ng iyong asawa at kailangan mong mapatunayan na: (1) naglahad siya ng salaysay o narration of facts; (2) mayroon siyang obligasyon na sabihin ang pawang katotohanan ukol dito; at (3) ang kanyang inilahad ay kasinungalingan, katulad ng kanyang pagiging “single” at ang pagsasama nila ng kanyang pangalawang asawa ng limang taon ng walang balakid. Ang iyong reklamo ay maaari mong ihain sa hukuman ng lugar kung saan ginawa ang kanyang affidavit.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleMoymoy Palaboy, magkakanya-kanya na
Next articleManny Pacquiao, nawawalan na ng fans?!

No posts to display