Nagpapalusot!

NGAYON AY mas lumilinaw na ang katotohanang nais nating lahat hinggil sa tunay na nangyari sa Mamasapano incident. Partikular ang naging dahilan ng hindi pagdating agad ng tulong mula sa militar para maisalba ang buhay ng 44 SAF commandos. Sa aking pagsunod sa mga imbestigasyong ginagawa sa isyung ito, may ilang mga mahahalagang puntos ang aking nais ibahagi sa inyo. Una ay ang patungkol sa command responsibility at chain of command. Pangalawa ay ang information flow o pagdaloy ng komunikasyon sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP), Arm Forces of the Philippines (AFP), at ng ehekutibong sangay ng gobyerno.

Ang mga nagaganap na rally na humihingi ng pagbibitiw ng Pangulo ay tila nag-uugat sa paniniwalang ang Pangulong Aquino ang dapat sisihin sa nangyari sa 44 SAF commandos at may pinakamalaking responsibilidad dito. Ang command responsibility ang tinutukoy sa isyung ito. Sa isang proyekto na pinamumunuan ng isang president o leader, kapag ito’y pumalpak o nabigo, ang sisihin ay walang iba kundi ang leader. Hindi ito maitatanggi ng sinuman dahil ito ang dikta ng lohiko sa ating mga utak.

May mali sa pagpaplanong ito noong una pa lang. Ito ay ang pagpayag o pagpapahintulot ng Pangulong Aquino na makialam ang dating suspendidong PNP Chief na si General Alan Purisima. Lumalabas kasi, kung totoo man ang mga pahayag at text messages na nilabas ng mga sundalo at pulis sa Senate inquiry, na isang “missed communication” o malaking hindi pagkakaunawaan ang nangyari sa pagitan ni General Getulio Napeñas at Purisima hinggil sa dapat na ginawang koordinasyon ng PNP-SAF sa AFP.

BASE SA mga ilang detalye ng usapan nina General Purisima at General Napeñas sa isang “classified” na meeting sa bahay Pag-asa kung saan maging si Pangulong Aquino ay dumalo rin, dahil pili at kaunting tao lang ang nakaaalam ng Oplan Exodus, sinabi umano ni Purisima kay Napeñas na “ako na ang bahala kay General Gregorio Catapang.” Ito ang pahayag ni Purisima na tila hindi malinaw ang kahulugan kay Napeñas. Para kay Napeñas, ang kahulugan ng sinabi ni Purisima sa kanya ay siya na ang magko-coordinate kay Catapang ng AFP.

Nagtuturuan ngayon ang dalawang heneral kung sino ang may responsibiliodad na mag-coordinate kay Catapang. Sino nga ba?

Para sa akin, kung hindi nakialam si Purisima sa pagpaplano nito dahil siya ay suspendido sa kanyang tungkulin bilang PNP Chief Director, at kung hindi sana pinayagan ni Pangulong Aquino na makialam si Purisima, ay hindi sana nagkaroon ng kalituhan sa isa sa pinakamahalagang bagay sa Oplan Exodus at ito ang pag-coordinate sa AFP para sa seguridad at kaligtasan ng mga SAF commandos na sumugod sa Mamasapano, Maguindanao.

Malinaw na ang pagpapahintulot ni Pangulong Aquino na makialam si Purisima sa Oplan Exodus ay nagresulta sa pagbasag ng chain of command dahil sikreto nila itong ginagawa sa likod nina Mar Roxas na DILG secretary at ng acting PNP Chief Director na si General Espina para hindi malaman o mapagtakpan ang patuloy na pakikialam ni General Purisima sa pagpaplano dito kahit na siya ay suspendido sa trabaho. Sumatotal, kung hindi nakialam si General Purisima ay nagkaroon sana ng malinaw na koordinasyon ang SAF-PNP sa AFP at maaring hindi sana napatay ang 44 SAF commandos.

ANG “MISSED communication” o maling daloy ng impormasyon sa mga opisyal na namahala sa Oplan Exodus ay napakalaking salik sa pagkamatay ng 44 SAF commandos. Una na ang problema sa pagdaloy ng tamang impormasyon gaya ng “coordination” sa AFP ng Oplan Exodus. Ang pag-“break” sa “chain of command” ang naging kamalian dito. Pangalawa, bakit umasa sa “text massaging” si Catapang at Purisima sa pagpapadala ng napakahalagang impormasyon na may kinalaman sa pagsasalba sa buhay ng tao?

Ano ang maling daloy ng komunikasyon dito? Nag-radyo ang SAF ground leader kay Napeñas na kailangan nila ng suporta dahil binabanatan na sila ng kalaban at napakarami nito. Nag-report si Napeñas kay Purisima na kailangan ng suporta at malalakas na gamit militar mula sa AFP umaga pa lang ng bandang alas-sais at alas-siyete. Nag-text si Purisima Catapang na kailangan ng “heavy military artillery” at suporta mula mga sundalo ng AFP. Nag-“texback” si Catapang na “military artilleries are made available.” Ang intindi raw ni General Purisima dito ay OK na ang military support at natutulungan na ang SAF commandos kaya ito ang mensahe niya kay Pangulong Aquino via “text massaging” din.

Malinaw na palpak talaga ang line of communication dito dahil umasa sila sa “text messaging”. Hindi nagkaunawaan ang dalawang heneral dahil sa “text messaging” ang ginamit. Parang sa isang banda ay tila nagpapalusot lamang ang mga ito na hindi malinaw ang mga impormasyon sa pagpapadala ng tulong sa SAF commandos. Masakit yata tanggapin na namatay ang 44 SAF commandos dahil may “missed communication” ang mga heneral nila!

NAGPAPALUSOT SI Purisima rito o ‘di kaya’y nagpapalusot ang administrasyong Aquino. Hindi dapat sisihin si Napeñas, at tawaging sinungaling ni PNoy dahil malinaw na si Purisima dapat ang nag-coordinate kay Catapang ng AFP. Ang pahayag ni Purisima na “ako ang bahala kay General Catapang” ay malinaw na pag-aako ng responsibilidad sa pagsasabi ng plano o pag-coordinate sa AFP. Hindi niya pwedeng palusutan ito sa pagsasabing siya ay suspendido dahil nakikialam nga siya sa pagpaplano. Katunayan ay siya pa rin ang nagre-report kay Pangulong Aquino ng nagaganap sa mga SAF commandos.

Maaaring ang mga sinasabi ng mga heneral na ito na hindi sila nagkaunawaan sa mga “text messages” at kung sino ang mag-coordinate sa AFP ay pawang mga palusot din lang para mailayo ang responsibilidad kay Pangulong Aquino. Isa lang ang napakalinaw ngayon sa tinakbo ng istorya ng Mamasapano tragedy. Kung hindi pumayag si Pangulong Aquino na makialam si Purisima sa Oplan Exodus, wala sanang “missed communication”, nakapag-coordinate sana nang malinaw si Napeñas sa AFP at hindi nalito sa pahayag ni Purisima na “ako ang bahala kay General Catapang”, at wala sanang PNP-SAF na namatay.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleMay Anak sa Dating Boyfriend
Next articleTV network, problemado sa gagawing show ng popular actress

No posts to display