0922654xxxx – Idol Raffy, isusumbong ko lang po na iyong isang nagta-traffic sa Yale corner Aurora Boulevard, Cubao na may sukbit na baril at nakasuot ng poloshirt ng pulis ay hindi tunay na pulis. Ito po ay tauhan lang ng Barangay E. Rodriguez at hindi talaga pulis, kagrupo ito ng mga nangongotong na traffic enforcers ng Brgy. E. Rodriguez na dati nang naisumbong sa inyo at inyong naaksyunan. Ngunit dahil may nagpu-pulis-pulisan ngayon, lalong lumalala. Sana po ay mabigyan ninyo ng leksyon ang taong ito. Maraming salamat po at mabuhay po kayo!
0935253xxxx – Mr. Tulfo, pakiimbestigahan naman po ang mga pulis dito sa Teresa, Rizal lalo na iyong isang PO1 diyan na may sungay na. Mahilig mangotong sa mga motorista. Ang diskarte niya ay pumara ng naka-motor at pagkatapos ay aayain sa medyo malayong lugar at doon na hihingan ng pera. May mga kasama rin siya kung minsan na tanod ng barangay na malakas ding mangotong at mayayabang. Sana po ay maimbestigahan ninyo ito. Salamat po.
0910855xxxx – Boss Raffy, pakikalampag naman po ang mga kinauukulan dahil ang barangay po riyan sa Manggahan, Commonwealth ay walang ginawa kundi ang mangotong sa kanilang lugar. Nahuli po kasi ako ng jaywalking na ang parusa dapat ay ang pagwawalis ng tatlong oras sa kalye o pagbabayad ng 150 pesos. Pero ayaw nilang pagwawalis ang gawin ko at pilit na ipinipilit na magbayad ako ng pera.
0948808xxxx – Sir, isusumbong ko lang po ang ginagawa ng mga traffic enforcer dito sa Molino Road, lagi po nilang pinapatay ang stoplight dito sa may malapit sa SM Molino kaya laging sobrang traffic. Kawawa naman ang mga pasahero na nahuhuli sa pagpasok dahil sa ‘di malutas-lutas na problema sa traffic na dinadagdagan pa nila dahil sa ginagawang pagpatay ng stoplight. Sana po ay maaksyunan ninyo ito. Thanks po.
0912497xxxx – Sir Raffy, nais ko lang pong isumbong ang isang public school dito sa Cabanatuan, Nueva Ecija dahil hindi nila tinatanggap o ine-enroll ang isang estudyante na walang pambayad ng P500. Pumunta po kasi ang pamangkin ko para mag-enroll ngunit hindi ito nakapag-enroll sa kadahilanang walang ganoong pambayad. Tama po bang patakaran ng isang public school na hindi payagang makapag-enroll ang isang estudyante na hindi makakapagbayad ng kaukulang halaga na hinihingi nila? Sana po ay maaksyunan ninyo ang aming problema. Maraming salamat po.
0907746xxxx – Idol, itatanong ko lang po kung totoo po bang hindi na puwedeng tanggapin ng public school ang mga aklat na late nang sinoli? Kaya po ang apat na librong pinapabayaran sa akin ng P576, dahil hindi ko raw po sinoli kaagad kaya kailangan ko nang bayaran.
Ang inyong SHOOTING RANGE ay mapakikinggan sa WANTED SA RADYO (WSR) sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes-Biyernes, 2:00-4:00 pm. Kasabay na mapapanood ang WSR sa Aksyon TV sa Channel 41. Sa SkyCable ito ay nasa Channel 61, Channel 1 sa Cignal at Channel 7 naman sa Destiny.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7-WANTED o sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo