MAY NAGBULONG sa amin na matapos isiwalat ni KC Concepcion ang galit nito kay Piolo Pascual, nakakaramdam daw ngayon ng pagsisisi ang dalaga dahil napatunayan niya sa sarili na hanggang ngayon ay mahal pa rin niya ang aktor, na dahil sa kanyang kadaldalan ay nadungisan ngayon ang pagkatao.
Ang hindi pag-imik at pagbibigay-komento ni Piolo sa usapin nang kanyang gender ay nakatulong upang mapagtanto ni KC ang nagawa niyang kamalian sa lalaking kanyang minahal. Feeling ng aktres ay talo siya in the end, dahil nasira na ang kanilang relasyon ni Piolo, nanatili pa ring mahal niya ito.”
“Dahil bata pa, kung minsan hindi kasi pinag-iisipan ni KC ang kanyang mga sinasabi. Kaya hayan, sino ngayon ang talo? Si Piolo ba? Hindi. Dahil yung pagdududa ng mga tao sa gender nito ay nanatiling pagdududa. Pero ‘yung pagiging taklesa ni KC ay alam na ngayon ng publiko,” sabi ng aming kausap.
Honestly, hindi nakaapekto sa career ni Piolo ang gay issue na ipinukol sa kanya at sa halip ay dumami pa ang kanyang mga projects at commercial.
“Tama lang ‘yung ginawa ni Piolo na nanahimik siya dahil pagpapakita lang na maganda ang kanyang breeding,” pagwawakas ng aming kausap.
HINDI GANU’N kakumpirmado ang balitang ito. Pero may nagbulong sa amin na noong kasagsagan daw ng bagyong si Sendong ay kasama ni Pangulong Noynoy Aquino si Valerie Concepcion.
Kung paniniwalaan ang balita, mukhang si Valarie raw ang bagong apple of the eye ng pangulo, na hindi naman imposible dahil mahilig ang nakakatandang kapatid ni Kris Aquino sa mga babaeng simple ang ganda pero malakas ang panghalina, tulad nina Liz Uy, Shalani Soledad, dating sexy actress at ngayon ay politician na si Barbara Milano.
Sabi ng ating source, kahit hindi daw magsalita sina Valerie at ang pangulo sa tunay nilang relasyon, obvious iyon sa paraan ng pagkilos at titigan ng bawat isa na may itinatago itong pagtangi sa isa’t isa.
“Wala namang masama kung sakali, dahil dalaga naman si Valerie at ganu’n din ang mahal nating pangulo. Wala akong nakikitang pangit kung sila ay magmahalan sa mga susunod na panahon,” pahayag iyon ng aming source.
Speaking of Kris, wala pa ring sagot ang kampo ni Tetay kaugnay sa “bonggang noche buena”” na naging relief goods na ipinangako ng aktres sa mga taga-Tondo bilang Pamasko.
Usap-usapan kasi na sobrang takot daw ang naramdaman ng aktres nang makita nito ang reaction ng mga taga-Happy Land na hindi naging happy, dahil feeling ng mga ito, ang dalang regalo ni Kris ay para sa mga nasalanta ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro at hindi para sa kanila.
HONESTLY, SA apat na pelikulang napanood namin, para sa amin ang pinakamalinis at pinakamaganda ay ang Manila Kingpin (Asiong Salonga Story). Ito ay kung ang pagbabasehan ang quality ng pelikula at originality. Pero kung ang usapin ay pambata, na kagigiliwan din ng mga matatanda, ito ay ang Panday 2 ni Senator Bong Revilla.
Ang tema kasi ng Asiong Salonga ni Governor ER Ejercito ay mula sa simula ay hindi mo bibitiwang panoorin dahil kapag napakurap ka ay tiyak na pagsisihan mo kung bakit hindi mo nakita ang nasabing eksena. Bagama’t ito ay black and white ay hindi mo mararamdamang black and white ito kumbaga ay naroon ka sa tagpong iyon sa taong 1950s, kung saan uso ang gang war sa Tondo, Manila.
Ang Panday naman, bubusugin ang malikhaing kaisipan ng ating mga kabataan sa mga visuals. Ipinakikita ng nasabing pelikula ang kahalagahan ng kapayapaan, kabayanihan at kabutihan. Maganda ang kabuuan ng Panday at higit sa lahat ay kaabang-abang ang Panday 3, dahil si Lorna Tolentino ang gaganap bilang kontrabida ni Flavio.
Ang Shake Rattle and Roll, maganda ang first episode na Tamawo (mga kaluluwang itinakwil daw sa langit na iniluwa ng lupa), kung saan ay pinalakpakan ang galing sa pag-arte ni Maricar Reyes bilang ina ng batang si Bugoy (at malamang si Bugoy ang tanghaling best child actor dahil sa ipinamalas na galing nito sa nasabing pelikula habang ang sumunod na episode ay magulo at sabog ang ideya habang ang kay Eugene Domingo ay tumalakay sa trahedyang Ondoy na pasado na rin sa panlasang Pinoy.
Hindi naman rin matatawaran ang galing ni Maricel Soriano sa pelikulang Yesterday,Today,Tomorrow habang si Dennis Trillo ay lutang din ang acting bilang callboy na kalaguyo ni Agot Isidro. Samantalang bilang baguhan, mukhang may mararating sa acting si Eula Caballero.
More Luck
by Morly Alinio