BUWAN NA ng Agosto. Kay bilis naman talaga, akalain mo ‘yun nasa ikawalong buwan na tayo ng taon. Sa buwan pa naman ng Agosto, ang daming ganap. Nariyan ang pagdiriwang ng buwan ng wika o pagmamahal at pagtatangkilik sa ating wikang Filipino. Kapag buwan din ng Agosto, nariyan ang Cinemalaya Film Festival kung saan ipinalalabas at ipinagmamalaki ang talino at pagiging malikhain ng mga Pinoy sa paggawa ng pelikula na matatawag na sariling atin at walang bahid ng impluwensya ng banyagang kultura.
Kapag Agosto rin, bulung-bulungan ang pagiging ghost month nito o pagiging malas na buwan dahil sa mga pamahiin na ating namana sa mga ninunong Intsik. Pero sa mga bagets, ayaw naman nilang maniwala na mamalasin sila ngayong buwan lalo na’t ngayong Agosto, magsisimula na rin ang pagkuha ng pagsusulit ng mga bagets na hahakbang na patungong kolehiyo o sa madaling salita, college entrance exam.
Ang mga kabataan pa naman ngayon, kung minsan hindi mo sila maintindihan. Bakit? Nalilito sila kasi paano ba naman hindi pa sila sigurado kung ano ba talagang karera ang gusto nilang tahakin. O kaya naman ang nagiging problema ay marami silang gusto sa buhay. Normal lang naman ‘yun. Bata ‘eh, pabagu-bago ang isip. Pero sa puntong ito, napakadelikado ang bawat desisyon na gagawin kasi kinabukasan ang nakataya rito.
Kaya mga bagets, ngayong magsisimula na ang kalbaryo n’yo patungong kolehiyo, nararapat lang na may paghahanda kayong gagawin.
Una, dapat tiyakin n’yo na sa sarili n’yo kung anong kurso ang kukunin n’yo. Huwag kayong kukuha ng kurso dahil sa uso ito sa panahon ngayon. O kaya huwag kayong basta-bastang gagaya ng kurso na kukunin ng matalik mong kaibigan. Hindi porke’t ‘yun ang kinuha niya, ‘yun na rin ang kukunin mo para lang sa dahilan na gusto n’yo magkasama pa rin kayo. Huwag ding ipilit ang kurso na gusto ng iba para sa ‘yo dahil dapat ang kagustuhan mo ang masusunod. Bakit? Tanungin mo na lang ang sarili mo, sila ba ang mag-aaral para sa iyo?
Pangalawa, ngayong sigurado ka na sa kurso na gusto mong kunin, dapat paghandaan mo ang college entrance exam na magaganap. Dito rin nakasalalay ang kinabukasan mo. Paano mo makukuha ang kurso na pinapangarap mo kung hindi mo naman ipapasa ang pagsusulit para rito? Kaya dapat, ngayon pa lang, magbasa-basa na ng mga aralin. Kung kinakailangang mag-advance reading ka, gawin mo. Kailangang ikaw ay maging handa at impormado sa kursong iyong tatahakin. Hindi naman ito mahirap gawin lalo na kung ngayon pa lang, iyo na itong sisimulan.
Hindi ito simpleng quiz na puwedeng mag-cram sa pagre-review. Dahil ang quiz, puwede pang bawiin sa iba pang susunod na quiz pero ang college entrance exam, kahit isang araw lang ito kukunin, kaya nitong baguhin ang mga susunod na taon ng iyong buhay.
Kaya mga bagets, bigyang-halaga ang aking mga nasabi. Walang masama kung ito ay inyong isasa-isip. Mas maganda pa nga kung ito ay inyong gagawin. Tandaan, kinabukasan n’yo ang pinag-uusapan dito.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo