Nahipan ng Hangin

NAKAPANGHIHILAKBOT ANG video na nagpapakita sa pagpatay ng isang ama sa kanyang tatlong-taong gulang na anak na babae sa pamamagitan ng paghampas ng ulo ng bata sa konkretong sahig sa labas ng istasyon ng pulis sa Iloilo. Walang matinong tao ang hindi madudurog ang puso sa marahas na kamatayan ng isang mumunting anghel. Mas marami pa ang nabahala nang malaman nila na hindi makukulong ang nasabing ama dahil wala umano ito sa katinuan nang gawin niya ang malupit na pagpaslang sa kanyang sariling anak.

Ayon sa batas, walang pananagutang kriminal at hindi makukulong ang isang taong makagagawa ng isang krimen habang siya ay wala sa tamang katinuan ng pag-iisip. Dahil sa hindi niya lubos na naiintidihan ang kanyang nagawa, ipinagpapalagay ito ng batas na hindi boluntaryo at hindi dapat magbunga ng pagpaparusa. Sa halip, siya ay ilalagak sa isang institusyon na nangangalaga sa medikal na pangangailangan ng mga taong nasiraan ng bait.

Gayon pa man, upang tuluyang makaiwas sa pagkakakulong ang isang nakagawa ng krimen na sinasabing baliw, dapat mapatunayan na wala siya sa tamang pag-iisip noong panahon na ginawa niya ang krimen. Kung lumisan lamang ang kanyang katinuan matapos na niya magawa ang isang malagim na krimen, dapat pa rin siyang managot at maaari pa rin siyang maparusahan ng pagkabilanggo. Dapat din mapatunayan na tunay na baliw ang nasasakdal at hindi nagpapanggap lamang upang umiwas sa pagkakabilanggo.

Hindi na bago ang mga sitwasyon na ang isang kriminal ay nagkukunwaring baliw upang makaiwas sa kulungan. Sa Amerika, ang isang pinuno ng sindikatong Mafia na si Vincent Gigante ay ilang beses na nakitang naglalakad sa lansangan na ang suot lamang ay ang kanyang pangligo at tsinelas, habang kinakausap ang kanyang sarili. Makalipas ang maraming taon, umamin si Gigante na ginawa lamang niya ito upang magkunwaring nasisiraan na siya ng bait. Para makaiwas siya sa mga kaso. Sa kasamaang-palad, hindi ito naging epektibo para sa kanya dahil siya ay namatay sa loob ng kulungan.

Sa Pilipinas, marami rin ang nagkukunwaring nawawala sa sarili upang makaiwas sa mga pananagutan. Nang mahuli ng video sa loob ng casino si LTO Chief Virginia Torres, sinabi niya na hindi siya umano nagsusugal at tinitingnan lang niya ang magagandang ilaw ng “slot machine”. Nang sumugod sa Zamboanga City ang MNLF at makapatay ng mahigit dalawangpung sundalo at pulis, sinabi ng mga abogado ng MNLF na nagpunta lang sila sa Zamboanga para sa isang “flag-raising ceremony”. Samantala, nang makasuhan ng kidnapping si Janet Lim Napoles, sinabi naman ng abogada niya na ang testigo na si Benhur Luy ay hindi dinukot ng kanyang kliyente at ito ay sumailalim lang sa isang “spiritual retreat” at nagdasal ng rosaryo. Kapag ang mga ganitong uri ng dahilan ang inihahain sa publiko, tila ba ipinagpapalagay nila na lahat tayo ay naglalakad ng tulog. O nahamugan. Nahipan ng hangin.

Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac

Previous articleKilalang straight na celebrity, nag-e-enjoy ‘pag ‘pinapasok’ ang kanyang ‘kuweba’!
Next articleMarc Solis, kapangalan lang daw ang UP student na sangkot sa plagiarism

No posts to display