Dear Atty. Acosta,
NAHULI KO ang asawa ko sa text at sa e-mail niya na mayroon siyang kasintahan. Dahil sa magulo ang isipan ko ay napagdesisyunan kong tumira muna sa bahay ng mga magulang ko. Ngunit tila ako pa ang pinalalabas na mayroong kasalanan dahil kung anu-anong masasakit na salita ang binibitawan sa akin ng aking asawa. Pinipilit pa niyang kunin ang dalawang-taong gulang naming anak. Ang sabi niya ay wala raw akong karapatan na mag-alaga sa anak namin dahil wala akong trabaho.
Maaari po ba niyang makuha ang aming anak? Mayroon ba akong karapatan na maghabol sa kanya para sa pinansyal na pangangailangan namin ng aming anak? Sana po ay matulungan ninyo ako.
Umaasa,
Mrs. Reyes
Dear Mrs. Reyes,
NAKALULUNGKOT ANG sinapit ng relasyon ninyong mag-asawa, ngunit hindi pa naman huli ang lahat para ayusin ninyo ang inyong naging problema. Kailangan rin ninyong isaalang-alang ang kapakanan ng inyong anak. Walang kinalaman ang bata sa mga nangyari sa pagitan ninyo kung kaya’t kailangan ninyong iwasan na siya ay lubusang maapektuhan sa kasalukuyan ninyong problema.
Alinsunod sa ating batas, magkatuwang na gagampanan ng ama at ina ang kanilang awtoridad bilang magulang sa kanilang mga anak. (Artikulo 211 ng Family Code of the Philippines) Ang nais ng ating batas ay ang mabigyan ng maganda at buong pundasyon ang pagpapalaki sa mga anak. Subalit sa mga sitwasyon na katulad ng paghihiwalay ng mga magulang, kadalasan ay napupunta ang mga anak sa isa sa mga magulang o kaya naman ay sa ibang mga kamag-anak.
Kung sadyang hindi kayo magkasundo kung sino ang mangangalaga sa inyong anak ay maaari ninyong idulog sa humukan ang isyung ito. Bibigyan ng konsiderasyon ng hukuman ang lahat ng aspeto na maaaring makaapekto sa kanyang paglaki katulad ng karakter at kapasidad ng bawat magulang, kasama na rin ang desisyon ng anak na pitong-taon pataas, maliban na lamang kung hindi karapat-dapat ang kanyang napiling magulang. (Artikulo 213, id) Kung ang inyong anak ay wala pang pitong-taong gulang, ang awtoridad ng pangangalaga ay ibinibigay ng batas sa iyo bilang ina. Ayon sa batas, “No child under seven years of age shall be separated from the mother unless the court finds compelling reasons to order otherwise.” (id) Samakatuwid, kailangan munang patunayan ng iyong asawa na mayroong sapat na dahilan upang mawalay sa iyo ang iyong anak. Bagama’t ang pinansyal na aspeto ay isa sa mga factor sa pagpili, ang kawalan ng trabaho ng isa sa mga magulang ay hindi nangangahulugan na siya ay hindi karapat-dapat na mabigyan ng pangangalaga at kustodiya ng kanyang anak.
Ukol naman sa inyong pangangailangang pinansyal, maaari itong hingin sa iyong asawa kung siya ay mayroong kapasidad na ito ay matugunan sapagkat hindi tumitigil ang kanyang responsibilidad na magbigay ng suporta sa inyo at sa inyong anak dahil lamang kayo ay hiwalay na.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta