PASKO AT Bagong Taon na nga talaga ang pinakaaabangang selebrasyon taun-taon. Punung-puno ng kasiyahan ang ispesyal na okasyon na ito dahil ito ang panahon kung kailan nagiging kumpleto ang buong pamilya. Bakasyon pa ang mga bata sa eskuwela maging ang mga nakatatanda kaya tiyak nga naman ang kagiliwan sa mga okasyong ito.
Dito rin lumalaki ang mga bulsa natin dahil sa mga pamaskong natatanggap. Pero may isa pang lumalaki, wala lang tayong pakialam kaya hindi pansin. Kasi busy tayo… kakakain. Lumaki ang mga tiyan sa sarap at sangkatutak na pagkaing handa. Kaya sa pagsalubong mo ng Bagong Taon, ang iyong naging pangunahing problema ay paano papayat? Agad-agad!
Paano nga ba? Simple lang. Huwag mangamba. Mga bagest pa, maraming dinaluhan ‘yan na mga Christmas at New Year parties panigurado. Mawawala ba sa party ang beer? Vodka? O alcohol, ‘ika nga. Malamang hindi mawawala, may okasyon naman at Holiday season naman, bakasyon kaya puwede na rin naman basta kaya mo ang iniinom mo. Kaso sa sobrang saya kaiinom kasama ang barkada, bahagyang lumaki ang iyong tiyan. Naku, malaking problema ‘yan. Pero simple pa rin ang solusyon diyan, ang pag-inom ng tubig ng walo hanggang sampung baso dahil ito ang maglilinis ng naipon na toxins sa iyong katawan. Ang kagandahan dito, tutulungan ka nitong pumayat kasabay ng paglinis sa iyong katawan. Solve na solve!
Isa rin sa dahilan kung bakit inaabangan ng mga kabataan ang Holiday season dahil ibig sabihin din nito ay pansamantalang bakasyon mula sa eskuwela at sa trabaho. Kaya nga naman tingnan mo mga bagets, ngayong kakasimula pa lang ng pasukan, may hangover agad dahil wala na nga silang ibang ginawa kundi humilata buong bakasyon.
Naku, 2014 na, kilos na! Galaw-galaw rin kaya, mas nakatatamad kasi hindi mo ginagalaw at inuunat ‘yang mga buto mo. Kapag ipinagpatuloy mo ‘yan, paniguradong mananaba ka talaga. Mag-ehersisyo, mga ‘tol. Inabuso mo’ng katawan mo noong bakasyon kaya dapat bumawi ka. Daanin mo sa pag-jogging sa umaga. Maglakad imbes na mag-tricycle o jeep pa kung malapit lang naman.
Noong nakaraang Holiday season lang ay paniguradong puro karne ang handa, sabayan mo pa ng panghimagas na ice cream, leche flan, salad, tsokolate at cake na ubod nang tamis na nakakikiliti sa sarap. Bakit ka pa nga ba magtataka kung bakit ka tumaba kung magmula Disyembre 21 hanggang Enero 5 puro ganito ang laman ng tiyan mo.
Masyado kang nawili sa mga pagkaing sagana sa cholesterol kaya ngayong 2014, hinay-hinay muna. Nakalimutan mo yata na may prutas at gulay pa. Samahan ng gulay at prutas ang iyong kakainin para tiyak ang kabusugan agad-agad at tiyak din ang sustansiya na makukuha ng iyong katawan.
Kung kayo ay may komento o suhestyon, maaaring mag-email sa [email protected] o mag-text sa 0908-8788536.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo