Nais Gawing Legal ang Paghihiwalay

Dear Atty. Acosta,

MAGANDANG ARAW po sa inyo. May katanungan lang po ako sa inyo, 7 years na po akong hiwalay sa asawa ko at may isang anak. Nais po namin na gawing legal and aming paghihiwalay, gusto ko pong malaman kung magkano po ang magagastos namin para maayos na. Wala po kaming perang pang-annulment. Nagtanong po ako sa mga kakilala ko, malaki raw ang gagastusin. Ano po ba ang dapat gawin, at saan p’wedeng humingi ng tulong na makakayanan namin para maayos at maka-move on na kami sa aming buhay?

Ms. de Leon

 

Dear Ms. De Leon,

ANG TANGING paraan upang gawing legal ang paghihiwalay ninyong asawa at maputol na ang inyong ugnayan bilang mag-asawa ay ang paghahain sa harap ng husgado ng kaukulang petisyon upang ipadeklarang walang bisa o ipawalang-bisa ang inyong kasal. May iilan lamang basehan na maaaring gamitin upang makapaghain ng ganitong mga petisyon at ang mga ito ay nakasaad sa batas. (Arts. 35, 36, 37, 38, 45 o 53, Family Code of the Philippines) Wala kayong anumang basehan na nabanggit sa inyong liham kung kaya’t kailangan ninyong kumonsulta muna sa isang abogado upang malaman kung maaari kayong maghain ng a-linman sa mga nabanggit na petisyon.

Kung kayo ay walang kakayahang kumuha ng serbisyo ng isang pribadong abogado, maaari kayong lumapit sa aming Tanggapan upang kayo ay mabigyan ng kaukulang legal na serbisyo. Kinakailangan lamang na inyong mapatunayan na kayo ay kuwalipikadong maging kliyente ng aming Tanggapan sa pamamagitan ng paggawa ng Affidavit of Indigency at pagsusumite ng alinman sa mga sumusunod na dokumento: 1. Pinakabagong “Income Tax Return”, “payslip or other proof of income”; o 2. “Certificate of Indigency” mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng lugar kung saan kayo ay naninirahan; o 3. “Certificate of Indigency” mula sa barangay chairman ng barangay na nakasasakop sa lugar kung saan kayo ay naninirahan. (Section 3, Article II, PAO-Memorandum Circular No. 18, Series of 2002, as amended by Memorandum Circular No. 02, Series of 2010)

Kinakailangan namin ang mga ganitong patunay sa kadahilanang ang mandato ng PAO ay ang pagbibigay ng regular na serbisyo sa mahirap na sektor ng ating lipunan o sa mga indigent. At dahil nga libre ang serbisyong aming ibinibigay, kinakailangan naming makasigurado na ang pinaglilingkuran namin ay iyong mga taong tunay na nangangailangan nito.  Ang mga sumusunod ay tinuturing na mga indigent: 1. If residing in Metro Manila, whose net income does not exceed Php14,000.00 a month; 2. If residing in other cities, whose net income does not exceed Php13,000.00 a month; 3. If residing in other places, whose net income does not exceed Php 12,000.00 a month.

The term “net income” as herein employed shall be understood to refer to the income of the litigant less statutory deductions.

Statutory deductions shall refer to withholding taxes, GSIS, SSS, Pag-Ibig, Health Insurance and Philhealth premiums as well as mandatory deductions.” (Section 3, Article II, PAO-Memorandum Circular No. 18, Series of 2002, as amended by Memorandum Circular No. 02, Series of 2010)

Ukol naman sa inyong katanungan hinggil sa inyong gagastusin sa paghahain ng ganitong petisyon, kung kayo ay kuwalipikadong maging kliyente ng aming Tanggapan, wala kayong babayaran para sa serbisyo ng aming abogado.  Gayun din naman, kung kayo ay magiging kliyente ng aming Tanggapan, hindi na ninyo kinakailangang magbayad ng filing fee sa hukuman. (Section 16-D, Republic Act No. 9406)

Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleBela Padilla, awat na sa pagpapaseksi?!
Next articleHuhubarin!

No posts to display