Dear Atty. Acosta,
NOONG KAMI ay mga bata pa, nakatanggap kami ng aking kapatid ng isang lupang sakahan bi-lang pamana ng aming tiyahin dahil siya ay walang anak at pamilya. Nakasaad po sa kanyang testamento na nais niyang manatiling nasa pag-aari naming dalawang magkapatid ang kanyang bukirin. Legal po ba ang kanyang kagustuhang ito? Ngayon po kasi ay nangangailangan ako ng pera at plano ko po sanang ibenta ang aking share sa lupa.
Ronaldo
Dear Ronaldo,
ANG PAGMAMAY-ARI ng lupang sakahan na ipinamana sa inyo ng inyong tiyahin ay nasasaklawan ng ating batas tungkol sa co-ownership. Magkakaroon ng co-ownership kung ang pagmamay-ari ng isang bagay o karapatan ay nasa iba’t ibang tao (Article 484, Civil Code of the Philippines). Ang bahagi ng bawat may-ari o co-owner ay pinapalagay na pantay o patas maliban na lamang kung mayroong kasulatan o kasunduan na nagsasaad ng ibang antas ng pagkakabahagi (Article 485, ibid.).
Ang bawat co-owner ay maaaring hilingin na hatiin kahit kailan niya naisin ang isang bagay na nasa kanya at sa ibang pagmamay-ari, maliban na lamang kung mayroong kasunduan sa pagitan ng mga co-owners na nagbabawal na hatiin ang kanilang pagmamay-ari. Ang isang donor o testator ay maaari ring ipagbawal ang paghahati-hati ng ari-arian na kanilang ibinigay o ipinamana. May mga pagkakataon din na mismong ang ating batas ang nagbabawal ng paghahati ng isang bagay na nasa pagmamay-ari ng iba’t ibang tao (Art. 494, ibid.).
Ang hiling ng iyong tiyahin na manataling pagmamay-ari ninyong magkapatid ang lupang kanyang ipinamana sa inyo ay legal at may bisa. Dahil dito, hindi n’yo maaaring ipagbili kahit kanino man ang lupang sakahan na kanyang ipinamana. Gayunpaman, mayroon lamang haba ng panahon na maaari lamang ipagbawal ng inyong tiyahin ang paghahati ng lupang sakahang ito. Ang haba ng panahong ito ay karaniwang isinasaad sa kanyang testamento. Kung wala siyang panahong isinaad sa kanyang testamento, maaari na ninyong hatiin ang kanyang ipinamana sa inyo makalipas ang dalawampung (20) taon.
Samakatuwid, hindi mo maaaring ibenta ang lupang sakahang iyong minana mula sa iyong tiya sa loob ng panahong nakasaad sa kanyang testamento o sa loob ng dalawampung (20) taon kung walang nakasaad dito. Sa loob ng mga nasabing panahon, ang pagmamay-ari ng lupang sakahan na kanyang ipinamana ay mananatiling nasa pa-ngalan mo at ng iyong kapatid.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta