NOONG MGA bata pa kayo, naalala n’yo ba ‘yung mga panahon na iyong mimememorya ang multiplication table? Ang paggamit ng latis bilang isang stratehiya sa pagkuha ng tamang sagot? Naalala n’yo rin ba ang buong pagmamalaki sa pagre-recite ng 1 plus 1 equals 2; 2 plus 2 equals 4 hanggang sa abot ng makakaya mo?
Pero akalain mo ‘yun, makalipas ang mahabang panahon, isang application na mada-download sa App store at Play store ang magre-review sa atin ng simpleng arithmetic. Kung dati hanggang 64 plus 64 equals 128 lang ang inaabot natin, ngayon, nang dahil sa app na sinasabi ko, aabot na tayo ng 2048! Tama, ito nga ang bagong app na trending ngayon lalo na sa mga kabataan, ang 2048.
Alam n’yo ba kung bakit kinahumalingan ito ng mga bagets? Ito ay sa kadahilanan na kapwa bagets din natin ang gumawa ng pinakasikat na 2048. Siya ay isang Italiano na nagngangalang Gabriele Cirulli, 19 taon na gulang. Isa naman kasi talaga siyang Web Developer. Ang nakamamangha rito ay kahit Marso nitong taon pa lamang ito nailabas sa publiko, tinangkilik agad ito nang husto. Sa katunayan nga, kahit isang linggo pa lamang ang nakalipas mula nang ito ay mailabas, humigit-kumulang apat na milyon agad ang nag-download nito.
Binansagan ni Gabriele Cirulli ang 2048 bilang kanyang “weekend project”. Bakit? Dahil isang weekend lang niya binuo ang larong ito. Aminado naman siya na ang konsepto ng laro ay hango mula sa iba’t ibang nauna nang apps tulad ng Threes, Veewo Studios App 1024 at Saming. Nagsilbi itong inspirasyon ng napakatagumpay na 2048.
Simple lang laruin ang 2048. Ang gagawin mo lamang ay makuha ang 2048. At makukuha mo lamang ito kapag dalawang magkatabing blocks na may numerong 1024 ang maipagdidikit mo. Hangga’t may dalawang magkaparehong numero ang magkatabi at maipagsasama mo, buhay ang tyansya mo na makuha ang 2048.
Magsisimula ito sa 2 susundan ng 4, 8, 16, 32, 64, 128, 256, 512, 1024 hanggang 2048. Kaya lang tulad ng ibang laro, may twist din ito na magsisilbing pahirap para makuha ang 2048 dahil sa bawat pag-urong mo ng block, madadagdagan ng numero sa loob ng grid. Bakit ito pahirap? Dahil madalas, ang mga numerong ito ay bigla na lang susulpot at magiging sagabal sa pagdikit ng dalawang magkaparehas na blocks.
Ito ang nagsilbing isa sa mga dahilan kung bakit gigil na gigil ang bawat bagets sa kalalaro ng 2048. Dahil hindi nila ito tinitigilan hangga’t hindi nakukuha ang ultimate goal na 2048. ‘Yan ang katangian ng kabataang Pinoy, hindi sumusuko hangga’t hindi nakukuha ang tagumpay. Mapa-simpleng game app, palaban na palaban.
Isa pang trivia, alam n’yo ba na sa sobrang kasikatan ng larong 2048, madalas nasasabi na ito ay ginaya ng Threes kahit 2048 naman talaga ang gumaya sa Threes. Kabaliktaran, sa madaling salita. Gayunpaman, tayo ay sumaludo sa napakabatang web developer ng larong ito dahil kanya nang nabanggit sa isang interview na ang larong 2048 ay isang “free play”, mada-download ito nang libre at kahit wala pa siyang makuhang pera mula sa pagkagawa nito, masaya naman siya dahil nakapagpasaya siya ng maraming kabataang tulad niya.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo