TILA NAGING malaking biruan para sa mga media people ang hakbang ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na pagamitin ng adult diaper ang mga tauhan nito para maging episyente ang mga magbabantay na MMDA enforcers sa dalawang malalaking kaganapan dito sa ating bansa. Ang pista ng banal na Nazareno at ang pagdating ng Santo Papa ng simbahang Katolika ang tila lilikha ng mga bagong record sa isang pagtitipon na nilahukan ng napakalaki at daming tao.
Noong huling bumisita ang yumaong dating Santo Papa ng simbahang Katolika at ngayon ay si St. John Paul na, nagtala ng 5-6 na million na dami ng tao ang dumagsa sa Luneta para sa ginawang selebrasyon ng World Youth Day noong 1995. Batay sa report ay sa dami umano ng mga tao sa Luneta ay kakailanganin mo ng 3 oras o mahigit pa para makarating sa isang portalet, pumila at makabalik sa lugar kung saan ka nanggaling.
Noong isang taon naman ay umabot sa mahigit 10 million ang dami ng taong nakipista sa selebrasyon sa araw ng Banal na Nazareno sa Maynila. Ang ganitong dami ng tao ang binibigyang tugon ng MMDA kaya naisipan ni Chairman Francis Tolentino ang ganitong hakbang. Marami naman ang tumaas ang kilay at natawa rin sa kautusang ito. Ang tanong ay epektibo nga kaya ito?
BASE SA ibinahagi ni Tolentino sa isang panayam sa kanya, ito ang naging estratehiya umano ng gobyernong China noong ginawa ang Olympics sa Beijing. Nagawang manatili umano ang mga bantay rito sa kanilang posisyon nang walang galawan dahil nakasuot sila ng adult diaper. Kaya naman ito rin ang solusyong naisip ni Tolentino para mas maging epektibong bantay ang mga MMDA enforcer natin. Hinikayat din niya ang mga tao na dadalo sa malaking pagtitipon na ito at maging ang mga media practitioners na magko-cover nito na mag suot na rin ng adult diaper.
Ngunit ang tiyak na magiging problema ng mga Pinoy rito ay ang kanilang pagkahanda sa pagsusuot ng adult diaper. Tiyak na maraming hindi magiging komportable rito at hahanap at hahanap ng paraan ang mga ito upang makapagbanyo nang normal. Kilala ang mga Pinoy sa pagiging pasaway ng mga ito kaya naman magiging tunay na malaking hamon sa mga MMDA enforders ang pagsusuot ng adult diaper.
Kung tutuusin ay dapat naman talagang hangaan ang Chairman ng MMDA sa kahusayan nito sa pagsasaliksik at pagiging malikhain sa solusyong kanyang inihain para mas maging maayos at epektibo ang MMDA sa paggampan sa kanyang tungkulin. Kaya lang ay dapat ding isaalang-alang kung magiging epektibo kayang maipatutupad ang solusyong ito o baka naman ay mayroong mas mahusay na paraan para mas maging epektibo ang mga tauhan ng MMDA sa pagbabantay sa mga tao.
SA AKING pananaw ay mag-aaksaya lamang ng pera ang MMDA sa pagbili ng mga adult diapers para sa mga tauhan nito dahil tiyak na gagawa ng paraan ang mga ito para makalusot sa ipatutupad na kautusan na gumamit sila ng adult diaper. Hindi kasi tulad ng mga sundalo at guwardya ng China ang mga enforcer ng MMDA. Sa China, bukod sa pagiging isang komunistang bansa nito, napakahigpit ng gobyerno sa mga tauhan at mamamayan nito. Ang pagiging disiplinado ng mga bantay rito ay hindi maikukumpara sa disiplinang mayroon ang mga MMDA enforcer.
Hindi sa minamaliit ko ang mga enforcer ng MMDA, ngunit nakikita ng mga tao magpahanggang ngayon na marami sa kanila ang walang displina at patuloy sa pangongotong. Kung ang pangongotong ay hindi mapigilan, ‘yun pa kayang pasuotin sila ng adult diaper? Ang sinasabi ko rito ay tila hindi angkop ang kautusang ito sa kultura ng mga enforcer ng MMDA. Nasisigurado ko na malamang ay magkukunwari lang ang marami sa kanila na gagamit kuno ng adult diaper, ngunit aalisin din nila ito at iiwan ang kanilang lugar upang humanap ng mapagbabanyuhan.
Hindi rin lang naman pag-ihi ang dumarating sa kanilang tawag ng kalikasan, maging ang pangangailangang dumumi ay dapat isama sa pagtanaw sa kautusang ito. Kung ang pag-ihi sa diaper ay mukhang malayo sa bukabularyo ng mga enforcer, lalo nang malayung-malayo ang pagdumi rito. Kaya naman tila hindi rin talaga epektibo ang kautusang ito para masigurado ang mahusay na pagbabantay at paggawa sa kanilang mga tungkulin sa mga malalaking pagtitipong ito.
ANG ISANG epektibong “duty rotation” ang dapat pagtuunan ng pansin ng pamunuan ng MMDA. Kailangan ding magpahinga, kumain at magbanyo nang maayos ang mga enforcer natin. Sa ganitong paraan, kung saan ay may magandang “duty rotation” silang sinusundan, mas magiging mahusay sila sa kanilang tungkulin.
Hindi na masama siguro ang 3-4 hours na “duty rotation” kung saan ay maaaring makapahinga, makakain at makapagbabanyo nang maayos ang mga MMDA enforcer natin. Importanteng pahalagahan ang kasanayan at kaginhawahan ng isang manggagawa upang mahusay nitong magampanan ang kanyang tungkulin.
Hindi rin lahat ng mga kaparaanan na epektibo sa ibang bansa ay magiging epektibo para sa atin dahil magkakaiba rin ang ating kultura at pananaw sa buhay. Sana ay pag-isipan ito ng ating pamahalaan nang mabuti.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo