Nakababaliw sa VMMC

MAHIGIT DIN akong dalawang taong halos araw-araw ay bumibisita kay Pangulong Erap nu’ng siya’y nakakulong sa Veterans Memorial Medical Center habang nililitis ang kanyang kasong plunder.

Kabisado ko ang lahat ng sulok ng presidential suite. Isang malaking sala, isang malaking bedroom, malawak na kitchen at dalawang comfort rooms. Tuwing Linggo ng hapon, nagdaraos ng misa ang pamilya’t mga kaibigan ni Erap. Susundan ng isang hapunan at pagkatapos maghihiwalay na ang lahat sa bandang alas-10:00 ng gabi. Maiiwan si Erap at ang kanyang anak na si Jinggoy, kasama ang dalawang katulong at isang nursing aide. Isang nakababaliw na gabi ng kalungkutan ang susunod na daranasin ng mag-ama.

Nu’ng unang taon ng pagkakakulong, marami ang bumibisita subalit paglipas ng dalawang taon, paunti nang paunti.  Mga malalapit na pamilya, kamag-anak at mga kaibigan na lang. Dahil ako ay may iba ring mga gawain, minsan isang linggo na lang ako nakadadalaw. Malimit sa gabi may tatawag sa akin na kaibigan ni Erap dala ang mensahe na dalasan ko muli ang pagdalaw. Sa loob ng apat na taon, nakipagbuno ang mag-ama sa pagkabagot, pagkainip, at pagkawala na ng isa-isa ng mga dating kaibigan. Ang tanging palipasan nila ng panahon ay TV at radyo.  Ipinagbawal na noon ang laptop, cellphone at mga dyaryo.

Ngunit hindi ito ang kasukdulan ng kalungkutan sa ospital na piitan. Ang kasukdulan ay ang kalungkutan ng pag-iisa at mawala ang pakikisalimuha sa kapwa. Tuwing dadalaw ang mga apo niya, nakita ko ang pagtulo ng luha sa mata ni Erap.  ‘Pag dadalaw ang ilang mga kaibigan, nakikita ko ang kaligayahan sa kanyang mata. Ngunit ang mga ‘yan ay buong tapang na tiniis ng mag-ama. Hanggang ang mga sumunod na kabanata ay nasa ating kasaysayan na.

Ganitong uri ng kabaliwan ang naghihintay kay GMA. Bigyan sana siya ng lakas ng Diyos.

SAMUT-SAMOT

 

MAKABUBUTI ANG mga spokespersons ni GMA kagaya ni Elena Bautista-Horn ay tigilan na ang pagharap sa media. Lalo lamang nilang pinahahamak ang kanilang kliyente. Pinaggigiitan ni Horn na si GMA diumano ay biktima ng persecution. Ano ba ‘yan? Samantala, si Raul Lambino ay napaka-antipatiko ang dating. Laging pagalit at palaban. Mga media antics na ‘di nakatutulong, kundi lalong nagpapagalit sa madla.

NAGING COMEDY of errors ang paglipat ni GMA mula sa St. Luke’s Hospital tungo sa VMMC kamakailan. Ang daming pumapapel. Kasama na rito ang mga abogado na talagang mahilig humarap sa camera. ‘Di malaman kung by chopper or by land ang gagawing pag-transfer. ‘Di makapagdesisyon si DILG Secretary Jessie Robredo. Pasado nang tanghali, ang grupo ni GMA ay nababagot na naghihintay pa ng desisyon. Ay naku, Sec. Robredo.

SA DARATING na Metro Manila Film Festival, ang mga sinehan ay magpapalabas ng mga pelikulang Pilipino sa loob ng isang linggo bilang tulong ng MMDA sa naghihikahos nating industriya. Sa loob ng maikling panahong ito, ang madla – bata at matanda – ay makapipili ng iba’t ibang putahe ng pelikula. Adventure. Love story. Fantasy. Horror. Action. Isa sa highlights at come-ons ay ang makukulay na floats tampok ang mga pangunahing artista na siguradong dudumugin ng publiko.

MISS KO na ang mga makabuluhang TV programs nu’ng dekada ‘60 at ‘70 tulad ng Hamon sa Kampeon, Tang Tarang Tang, Tawag ng Tanghalan, Student Canteen, Oras ng Ligaya, Sa Kabukiran at Sebya Mahal Kita. Mga orihinal na konsepto at hindi kopya sa abroad. ‘Di tulad ngayon na karamihan sa mga programs ay copycat ng foreign programs na kadalasan ay mga talent search at game shows. Hangad namin na sana’y magkaroon tayo ng mahuhusay na creative writers na makaka-create ng programs na may originality.

KAHABAG-HABAG ANG sinapit ni dating Comelec Chair Benjamin Abalos. ‘Di hamak sa kanyang katandaan ay ngayon pa siya nahaharap sa maaaring habang buhay na pagkabilanggo. Kung ano ang iyong itinanim ito ang aanihin. Sana’y mabalikat niya ang unos na ito.

KUNG NAGING determinado si Pangulong Noy sa pagpapakulong kay GMA, sana’y ganun din siyang determinado sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya. Mahigit nang dalawang taon siya sa kapangyarihan, subalit wala pang nangyari sa maraming suliranin ng bayan gaya ng kahirapan. Naiinip na ang tao. Tama na ang katsang. Tama na ang sobrang pagbibiyahe. Palitan ang mga non-performing cabinet members. At ilatag ang programa para sa ekonomiya.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleCollector ni Gen. Decano
Next articleMga Kawatang Tropa ni Chief?

No posts to display