NABIGO ANG MARAMI nating kababayang nag-abang sa muling pagbabalik ni Ted Failon sa himpapawid pagkatapos nang limampu’t tatlong araw. Isang madugong programa kasi ang kanilang inabangan, ang akala nila’y uupakan ng broadcaster ang mga awtoridad na nagmalabis sa kapangyarihan nu’ng kasalukuyang nagdadalamhati ang kanyang pamilya sa pagkawala ni Trina, pero hindi ganu’n ang nangyari.
Sa halip na balikan-resbakan ang mga unipormadong lalaking kinabuwisitan noon ng bayan, isa lang ang linyang binitiwan ni Ted na handog sa kanila, “Bahala na po ang Diyos sa inyong lahat.”
Walang upak. Walang kasi-kasi. Walang kahit ano. Mas tinutukan ng magaling na broadcaster ang pagpapasalamat sa lahat ng mga taong nagpagaan sa pinapasan nilang krus ng pagkalungkot nang maganap ang matinding trahedya sa kanilang pamilya.
Pero maraming nakiiyak kay Ted Failon sa una niyang pag-upo sa DZMM nu’ng Lunes nang umaga. Napakasakit nga namang makakita ng isang lalaking nagpapakatatag, nagkukunwaring nakasulong na mula sa pagdadalamhati, pero hindi pa rin maitago ang tunay na damdamin sa kanyang pagsasalita.
Bago maupo si Ted sa harap ng mikropono, maraming nakakita sa kanya sa isang sulok ng studio na nagdarasal. Hiningi niya ang patnubay ng Diyos sa kanyang pagsahimpapawid. Sana’y hindi siya maging masyadong emosyonal, sana’y makaya niyang magtimpi, dahil totoo namang ‘yun ang takdang pagkakataon para maresbakan niya ang mga awtoridad na nambastos sa kanyang pamilya sa halip na makidalamhati.
Nanaig ang pagiging taong-tao ni Ted nu’ng una niyang pag-upo sa ere. Kapag nababasag na ang kanyang boses sa pagkukuwento, inililigaw niya ang kanyang emosyon, panay-panay ang inom niya ng tubig.
Pero mas nanaig ang pagiging propesyonal ng broadcaster. Hindi niya ginamit ang oras niya sa radyo para balikan at upakan ang mga taong kinapos ng pang-unawa nu’ng mga panahong lugmok na lugmok ang kanyang pamilya sa matinding pagdadalamhati dahil sa pagkawala ni Trina.
Mas hinangaan si Ted ng kanyang mga tagapakinig, mas sinaluduhan siya ng mga kababayan nating matagal nang nananabik sa kanyang boses. Karapat-dapat lang talagang hangaan ang isang broadcaster na tulad niya na alam kung kailan siya magsisimula at magtatapos.
GUSTO LANG LINAWIN ni Korina Sanchez, na pauwi pa lang mula sa Japan ngayon, na wala nang makapipigil pa sa pagpapakasal nila ni Senador Mar Roxas. Naudlot lang ang pamamanhikan ng Senador sa kanyang mga kapatid dahil sa hindi magandang panahon. Pero tuloy na tuloy ang kanilang kasal, sa ayaw at sa gusto ng mga taong nagsasabing ginagamit lang siya ng mambabatas para sa pagkandidato nito sa panguluhan sa 2010.
“Ulilang-lubos na ako, kaming magkakapatid na lang ang magkakasama, kaya sa kanila hihingin ni Mar ang mga kamay ko. Pero nu’ng last Saturday, bigla namang sumama ang panahon, napakalakas ng ulan, kaya ipinagpaliban na lang muna namin ang tradisyunal na pamamanhikan,” paliwanag ni Korina.
Wala na talagang atrasan ang lahat. Ngayon pa lang, nakikipagmiting na si Korina sa kanyang designer, sa catering, sa mga wedding coordinators at sa iba pang mga taong makakasama nila para mairaos ang kasalan sa pinakamaayos na paraan.
“Nakahabol pa ako sa huling biyahe!” Natatawang kuwento ni Korina. Sino nga ba naman ang mag-aakala na ang babaeng nag-akala na mag-isa na lang niyang haharapin ang buhay ay haharap pa rin pala sa altar.
Abalang-abala na ngayon sina Senador Mar at Ate Koring sa paghahanda para sa kanilang kasal. Kani-kaniyang toka sila, meron silang kani-kaniyang trabaho. Mas magiging maayos nga naman ang lahat kung personal nilang pangangasiwaan ang pinakamahalagang araw sa kanilang buhay bilang magkarelasyon.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin