TALAGA NAMANG tag-init na ngayon. Mas malagkit na kasi ang hangin, matindi ang sikat ng araw sa tanghali at lagi tayong naghahanap ng pampalamig para maibsan ang tindi ng init na dinaranans ngayon ng lahat dito sa ating bayan.
Ngunit, bukod sa mga natural na sanhi ng init ngayong tag-init ay mayroon pang nakadaragdag sa napakatinding init na ito. Ang tinutukoy ko ay ang mga problemang talaga namang nakaiinit ng ulo at halos lahat ay naha-high blood sa mga problemang ito.
Nandito na naman at kumakatok sa ating mga bulsa ang kahilingan ng mga jeepney driver ng pagtataas ng pasahe sa pamamagitan ng pagdaragdag ng 50 sentimo sa P8.00 na sinisingil nila sa unang 4 na kilometrong biyahe.
Sa unang tingin ay tila madali namang unawain ang pagtataas at pangangailangan nilang kumita dahil sa tindi ng hirap ng buhay ngayon. Ang problema rito ay ang tinatawag na domino effect mula sa pagtataas na ito. Hindi kaila sa atin na kapag nagtaas ng presyo ang isang sektor ng mga mangangalakal gaya ng sa transportasyon ay susunod na rin ang pagtataas ng iba gaya ng bilihin. Sa huli ang simpleng pagtaas ng pasahe sa jeep na 50 sentimo ay mauuwi sa dagdag na P500.00 sa buwanang budget ng bawat pamilyang Pilipino.
Hindi ba talaga namang nakaiinit ng ulo ang ganitong problema? Ang kulang na kulang na budget kasi ng mga pangkaraniwang Pinoy sa araw-araw ay lalo pang makukulangan dahil sa napipintong pagtataas na ito. Ang mas nakalulungkot ay mag-isa nila itong papasanin dahil wala namang maitutulong ang kasalukuyang gobyerno sa problemang ito.
ANG SANHI ng pagtataas sa pasahe na hinihingi ng mga grupong tsuper ng jeepneys ay nag-uugat sa napakatinding traffic sa lahat ng lansangan dito sa Metro Manila. Ito ang pangalawang nakadaragdag sa init ng ulo ng mga tao ngayong tag-init.
Ang matinding traffic ngayon ay sanhi ng mga major road work partikular sa EDSA. Isang “bitter pill” daw ito sabi ng ating gobyerno. Ang ibig sabihin ay konting tiis sa pait ng gamot ngayon dahil ito raw ang lunas sa matinding sakit sa traffic at kakalsadahan ng ating bayan.
Pansamantala lang daw ang hirap na dinaranas ng lahat ng commuters at drivers ngayon sa EDSA. Kung totoo sana ang kahulugan ng “bitter pill” sa tunay na kalagayan ng ating lipunan ay hindi mag-iinit ang ating mga ulo, ngunit tila ang “bitter pill” na ito ay panghabang buhay na gamot na iniinom araw-araw ng mga Pilipino.
Ang tanong ay kelan ba nagluwag ang traffic sa EDSA? Noon pa man ay lumang tugtugin na ang mga linyang pansamantalang hirap para sa ginhawang pangmatagalang hinaharap! Bata pa ako ay traffic na sa EDSA. Ngayon ay traffic pa rin at tila kapag nagsipag-asawa at pamilyado na ang aking mga anak ay traffic pa rin sa EDSA.
Ang tunay na solusyon ay isang matalino at mabuting pamamahala. Napatunayan na ng pamahalaang ito na hindi sapat ang katapatan sa pamamahala at hindi dahil walang corrupt ay walang mahirap! Maaaring hindi kurakot ang Pangulo ngunit hindi ito sapat para umunlad ang ating bayan, partikular na ang buhay ng mga pobreng Pinoy.
Kailangan ng galing sa pamamahala. Bakit hindi mga taong eksperto sa teknikal na mga bagay gaya ng mga engineer ang gawing mga kawani ng gobyerno. Mga teknikal na propesyonal ang mga hiranging kalihim. Gumawa tayo ng isang “technocrat” na gobyerno para lalong maging epektibo ang mga ito sa kanilang mga tungkulin.
Ang pagdedesisyon sa mga teknikal na bagay ay ipaubaya natin sa mga taong ang edukasyon at pagsasanay ay hinubog sa mga teknikal na bagay rin. Ito ang pilosopiya sa likod ng isang “technocrat” na gobyerno.
Minsan na natin sinubukan ito sa panahon ng dating Pangulong Fidel Ramos at umunlad tayo at binansagan bilang isang “new tiger economy” ng Asia. Ang mga mauunlad na bansa sa Asia ngayon ay pawang mga “technocrat” na pamahalaan. Ang kanilang mga leaders ay mga engineer, doctor, chemist at scientist. Ang bansang Hong Kong, Japan, China at Singapore ay pasok sa tinatawag na “technocrat government”.
SA USAPANG pagkakaroon ng isang “technocrat” na pamahalaan ay lalo pang titindi ang pagkauhaw natin dito dahil sa isa pang dadagdag sa init ng ating mga ulo ngayong tag-init. Kadalasan kapag bakasyon na sa eskuwela, bukod sa maluwag dapat ang EDSA ay maluwag din ang MRT. Ngunit, taliwas ito sa inaasahan.
Napakahaba pa rin ng pila sa MRT North Avenue Station at halos sa lahat ng MRT Stations sa umaga lalo’t higit kung “rush hours”. Umaabot sa 500 metro o higit pa ang pilang nasa kalsada na ng EDSA. Pikit-mata na lang ang mga kababayan nating mananakay sa kalbaryong ito, ngayon lalo’t tag-init. Hindi rin ako magtataka na baka may biglang tumumba na lang sa pila dahil sa init at hirap na kanilang dinaranas.
Luma at sira na kasi ang mga bagon na dating ginagamit ng MRT at ang mga bagong pinangakong bagon ay wala pa rin. Ang resulta ay ang mahabang pila sa MRT stations. Kung ikukumpara sa mga tren na makikita sa Japan, Singapore at Hong-Kong ang MRT ay talagang mag-iinit ang ating mga ulo.
Sinong hindi ma-iinggit sa “bullet trains” ng Japan? Sino ang hindi magagandahan at lalamig ang ulo sa mala-paraisong lugar dahil sa hitik na mga bulaklak at halaman sa mga istasyon ng tren sa Singapore? Tiyak na walang pila sa mga train stations sa Hong Kong dahil tatlong patong ang train system sa kanila at lahat ay nakakasakay nang hindi pipila sa kalsada sa labas ng istasyon.
Ganito ang tunay na maunlad na pamahalaan at bansa. Sana ay maging ganito rin sa Pilipinas! Wala sa uri ng pamumuhay sa Makati ang solusyon gaya ng sinabi sa isang dating political advertisment, kundi ay nasa uri ito ng isang “technocrat” na pamamahala.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo