NAKAKABAGOT. SI PARENG Enteng, isang certified rabid yellow leader noong 2010 eleksyon, ay kasama ng marami kong kakilala na naghihimutok at nababagot sa usad-pagong ng bayan sa liderato ni P-Noy.
Halos nakalipas na ang 350 days ay wala pang solidong achievement si P-Noy maliban sa matagumpay na pagbabawal ng wang-wang at pagbibili ng kanyang Porsche luxury car matapos ulanin ng batikos. Hinagpis nila.
Kumontra ako. Bigyan pa natin ng kaunting panahon ang Pangulo. Isang katutak at sali-salimuot ang naiwang problemang binubuno niya. ‘Di malulunasan nang daglian.
Ngunit pumalag sila. Ay, luma at lame excuse ‘yan. Balasahin ang gabinete. Maglatag ng klarong direksyon kung saan pupunta ang bayan. Hindi puro uido. Magtrabaho si P-Noy nang sapat na oras. Wag na munang magpuyat sa paglalaro ng PS. At kung totoong siya’y makamahirap, ipamigay ang lupa ng Hacienda Luisita.
Bulalas ko. Hanep kasi kayo. Kung anu-ano ang ipinangako n’yo nu’ng eleksyon. Kala tuloy ang tao ‘pag nanalo si P-Noy, kinabukasan may fried chicken sa breakfast table nila. Hindi ako kani-kanino. Su-balit ang effective governance ay partnership ng liderato at mamamayan. Parang horse and carriage. Tumulong tayo. Ngunit si P-Noy dapat magpakita ng decisive leadership. At tigilan ang pagyoyosi para strong at healthy.
Nakakabagot. Subalit mabuti na ito keysa tayo’y mabangungot.
MALUPIT ANG DAIGDIG ng showbiz. Ang katanyagan ay parang isang ihip ng usok na pumapailanlang. Pagkatapos tutungo ito sa pagkalaos at paghihirap. Nakakalungkot. Ngunit maraming dating sikat na artista ay ganito ang kahabag-habag na kapalaran.
Kamakailan, nasulyapan namin sa isang panig ng Senado ang dating sikat at seksing aktres, si Janice Jurado. ‘Di halos namin siya nakilala. Payat. Mukhang may karamdaman. Hapis na hapis ang mukha at katawan. ‘Di namin makuhang tingnan siya nang matagal.
Ayon sa isang security guard, si Janice, linggo-linggo naroon para humingi ng pambili ng gamot sa isang dating artistang senador. ‘Pag minsan daw ay tapak at nanlilimahid.
Naalala ko rin na bago namatay ang greatest ma-tinee idol ng pelikulang Pilipino, Leopoldo Salcedo, or “The Great Profile”, pumunta siya sa Polk residence ni former President Erap at humingi ng tulong para raw sa kanyang pagpapalibing.
Kagaya ng marami, naghirap si Pol at iniwan ng pamilya, anak at mga kaibigan. Umasa na lang sa mga Samaritenyong tao gaya ni Erap. Ayoko nang ipagpatuloy. Nakakasikip ng dibdib.
Quip of the Week
Tanong ni Erap sa kanyang Budget Officer: “Bakit nauubos ang intelligence fund ko?”
Sagot: ‘Sir, ginagamit po natin sa dapat paggamitan.”
Erap: “Kaya pala nauubos ang aking talino.”
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez